Tatahimik Nalang

169 0 0
                                    

Naputol ang mahimbing kong tulog nang may maramdaman akong kakaiba.
Tuluyang nagising ang diwa nang maaninag ko ang iyong mukha.
Kaagad inilipat ang tingin sa palad mong nakalapat sa dibdib ko.
Dahan-dahan, marahan, para bang ninanamnam mo ang paghimas dito.

Mukhang hindi mo pa yata napapansing ako'y gising na.
Isang ngising nagnanasa ang nakaukit sa iyong mukha.
Nanginginig man ang katawan, tinabig ko ang kamay mo.
At mukhang dahil doon, bumalik ka sa wisyo.

Ang ngising nakapinta, naglaho na parang bula.
Nangingilid ang luhang pinagmasdan kitang nakatayo sa tabi ng aking kama.
Umasta ka na parang kadarating mo lamang sa aking kuwarto.
Ang iyong kamay ay naka-posisyon na para bang gigisingin palang ako.

Ang sabi mo'y kailangan ko nang bumaba sa sala.
Habang ako'y nanatiling tahimik dahil nanigas sa takot at pagkabigla.
Sinundan kita ng tingin habang papalabas ka na sa aking kuwarto.
At nang sumara ang pinto, nanginig na ang buong katawan ko.

Hindi ko na mabilang kung nakakailan ka na.
Dahil hindi ito ang unang beses na may ginawa ka.
Nagdaan ang mga taon, itinigil mo na ang aksyon na ito.
Nangako ka pa na hindi na iyon mauulit dahil aayusin mo na ang sarili mo.

Naniwala ako...

Akala ko hindi mo na iyon gagawin pa.
Akala ko nagbago ka na.
Akala ko makakatulog na ko nang walang takot sa puso.
Akala ko hindi mo na gagawin sa akin ang bagay na ito.

Isa-isang pumatak ang mga luha mula sa aking mga mata.
Hindi ko maipaliwanag kung ano ang aking nadarama.
Natakot ako, nagalit ako, at higit sa lahat ay nadismaya ako.
Dahil buong akala ko, nakaligtas na ako mula sa nakapapasong apoy ng impyerno.

Hindi ako nag-iisa.
Sapagkat, pati ang ibang taong kilala ko pinagtangkaan mo na.
Nahuli ka, binalak ipademanda, ngunit hindi natuloy ang kaso.
At iyon ay dahil nakiusap kami para sayo.

Naaalala ko pa yung unang beses na isinumbong kita.
Lahat sinabi ko, kahit maliit na detalye ay kasama.
Umasa akong maniniwala sila sa aking kuwento.
Ngunit nabasag ang puso ko nang malaman kong mas kumampi sila sayo.

May sakit daw ako sa utak, kaya hindi sila naniwala.
Umiiyak ka pa daw habang sinasabi na wala kang ginagawang masama.
Maaga daw akong nagkaanak, kaya siguradong sinisira ko lang daw ang imahe mo.
At ang masakit, lahat ng iyon ay parte lamang daw ng imahinasyon ko.

Kaya siguro nagawa mo ulit...

Alam mong wala na akong malalapitan sa kanila.
Dahil para sa kanila, sinungaling lang ako at hindi dapat paniwalaan ang mga sasabihin kong salita.
Alam mong hindi ko na masasabi sa kanila ang mga pinagdadaanan ko sa kamay mo.
Dahil masyado nang sira ang imahe ko sa mga mata ng ibang tao.

Wala akong magawa.
Maski ang isip ko, sumuko na.
Masakit man sa kalooban, ititikom ko nalang ang bibig ko.
Gagawing sikreto at sasarilihin nalang ang ginawa mo.

Tatahimik nalang, alang-alang sa kapakanan ng mahal kong pamilya.
Hindi na magsasalita para manatiling maayos at masaya ang pagsasama.
Tatahimik nalang, alang-alang sa kapakanan ng anak ko.
Hindi ko hahayaang madamay din siya at mapaso.

Tatahimik nalang, pilit ibabaon sa limot ang nadadamang takot at kaba.
Babaliwalain ang nangyari at aastang wala akong naramdaman o nakita.
Tatahimik nalang, hindi na sasabihin sa kanila ang totoo.
Titikom ang bibig kahit gustung-gusto kong sabihin na...

"Mama, may sasabihin po ako sayo.
Mama, sana maniwala ka po kasi nagsasabi ako ng totoo.
Mama, sasabihin ko po ito sayo hindi dahil sa epekto ito ng sakit ko o para siraan ang taong ito.
Mama... Si Papa, may ginawa nanaman po."

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Where stories live. Discover now