Ngumiti Ka Lang

325 4 0
                                        

Isa sa mga natutunan natin sa ating buhay ay ang ngumiti.
Isang bagay na ginagawa natin palagi.
Sa tuwing nakakaramdam ng saya, isang ngiti ang gumuguhit sa ating mga labi.
Ngiti na nagsasabing ayos lang tayo kahit pa nakakaramdam na ng pighati.

Iyan din ay nagsisilbing maskara.
Maskara na isinusuot upang itago ang mga luha.
Maskarang itinatago ang sakit, kalungkutan, pighati, at pagkadismaya.
Isang ngiti na nagsasabi sa kanila na ayos ka lang kahit ang totoo'y hindi mo na kinakaya.

Ang mabigat na damdami'y pilit na binubuhat mag-isa.
Ni hindi ka humihingi ng tulong dahil ayaw mong makaabala.
Lahat ng lumalapit, binibigyan mo ng ngiting malumanay.
Hanggang sa paglipas ng mga araw, ikaw ay nasanay.

Nakakaramdam ka ng panghihinayang?
Ngumiti ka lang.
Napapagod ka na sa pag-aabang?
Ngumiti ka lang.

Iyan na ang iyong naging sandata.
Ngumingiti ka lang kahit ang iyong puso'y wasak na wasak na.
Natatakot kang ipakita kung gaano ka kahina.
Dahil ayaw mong husgahan ka ulit nila.

Ngumingiti ka lang kahit tinatapakan na ang iyong pagkatao.
Ngumingiti ka lang kahit gumuguho na ang iyong mundo.
Nanatili kang naka-ngiti kahit na ang iyong mga luha'y nagbabadya nang tumulo.
Isang ngiti ang iyong isinusukli sa pakikitungo nila sayo.

Nanghihina ka na subalit nagawa mo pa rin ngumiti.
Ngumingiti ka sa kagustuhang pigilan ang iyong sarili sa paghikbi.
Gusto mong humingi ng tulong ngunit alam mong walang makikinig sayo.
Dahil sa kanilang mga mata, isa kang malakas na tao.

Kaya wala kang ibang nagawa kundi ang ngumiti nalang.
Ngumiti at magpanggap na isa kang malakas na nilalang.
Isang taong hindi nakakaramdam ng pagod o panghihina.
Isang tao na kinakayang lutasin mag-isa ang kanyang mga problema.

Tama, ganyan nga.
Ngumiti ka lang sa kanila.
Ngumiti ka lang at ipakita na malakas ka.
Ngumiti ka lang, hayaan mo silang maniwala.

Ipagpatuloy mo lang ang pagpapanggap.
Ngumiti ka lang kahit gaano man ka-hirap.
Baliwalain mo ang iyong pusong umiiyak na sa pagod at kalungkutan.
Ngumiti ka lang kahit alam mong nasasaktan ka na nang lubusan.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Where stories live. Discover now