Ginintuang Kultura

22.5K 64 30
                                    

(Requested by : dianeborja54 . Salamat sa pagbabasa hehehe!)

Lahat ng tao sa mundo ay may pinapahalagahan at pinapangalagaan.
Halimbawa ay yung mga taong nagmamahalan.
Minamahal ang taong yun kung kaya't mahalaga ito sa kanya.
Sana ganun din ang ginagawa natin sa kultura ng ating bansa.

Madaling sabihin na minamahal natin ang ating bayan.
Bayan na ating pinagmulan at kinagisnan.
Ngunit sa panahon natin ngayon, hanggang salita na lamang ang iba.
Hanggang salita nalang dahil nalilimutan na ang ating kultura.

Lahat ng mga ginto ay pinaghihirapang hukayin.
Ngunit bakit ang ating kultura'y ibinabaon natin?
Ang mga nakasanayan, unti-unti nang nalilimutan.
At ang iba sa ati'y tinatangkilik ang kultura ng mga dayuhan.

Nais ko sanang ipaalala ang kahalagahan ng ating kultura.
Kulturang mayaman at ubod ng saya.
Sana ngayong araw, huwag na muna tayong humakbang papalapit sa modernong panahon.
Sa halip ay lumingon muna tayo at alalahanin ang kultura natin mula noon hanggang ngayon.

Bawat bansa sa mundo ay may mga nakasanayan.
Tulad na lamang ng ating bansang ubod ng yaman.
Isa ang Pilipinas na kinikilala ang kultura ng mga ninuno na ating pinagmulan.
Mayaman tayo sa iba't-ibang larangan kaya nararapat lamang itong ipagmalaki't pangalagaan.

Magsimula tayo sa mga wikang ginagamit sa ating bansa.
Filipino ang pangunahing wika na ating sinasalita.
Nakasalig sa pangunguna ng Tagalog at marami pang iba.
Kung kaya't lahat ng rehiyon ay may ginagamit na kani-kaniyang wika.

Sunod ay ang mga tradisyon o kaugalian nating mga Pilipino at Pilipina.
Ang panghaharana ay bihira na nating makita.
Ang pagmamano naman ay kakaunti na lamang ang gumagawa.
Ang pamahiin at paniniwala ay unti-unti nang naglalaho na parang bula.

Halina't sabayan niyo kong magtungo sa hapag-kainan.
Kung saan masisilayan niyo ang iba't-ibang putahe na paborito ng ilan.
Lechon, Paksiw, Bicol Express, at iba't-ibang uri ng mga kakanin.
Mga pagkain na talaga namang hahanap-hanapin natin.

Likas sa mga Pilipino ang may iba't-ibang talento.
Tulad ng pagsasayaw ng Tinikling, Singkil, at Pandanggo sa Ilaw sa entablado.
Ang mga awitin na inaawit ng mga sikat na mang-aawit at mga musika ng mga musikero.
Mga awiting inibig at nakahiligan ng ating kapwa Pilipino.

Tara, samahan mo ko sa may kalsada.
Kalsada na dati'y naging palaruan ng mga bata.
Dati masisilayan mo ang Tumbang-preso, Patintero, Piko, Sipa, at Palo-Sebo.
Ngunit sa panahon natin ngayon, kakaunti nalang ang naglalaro nito.

Naalala niyo pa ba ang pananamit ng ating mga ninuno noon?
Mahahaba ang palda at manggas, di tulad ngayon.
Filipiñana o Baro't Saya na nagpatingkad ng kagandahan ng mga kababaihan.
Samantalang Barong Tagalog naman ang nagpatingkad ng karisma ng mga kalalakihan.

Tayong mga Pilipino ay likas na mapagpahalaga at maalaga.
Ngunit may ilang bagay tayong nalilimutan at di na naaalala.
Sa paglipas ng panahon, maraming pagbabago ang nagaganap.
Paano nalang ang ating kultura sa hinaharap?

Dapat tayo mismo ang nangangalaga at bumubuhay nito muli.
Dapat nating ipagmalaki ang ating mga nakasanayan o gawi.
Dapat kahit saan man tayo mapunta ay lagi nating isinasapuso ang ating kultura.
Sapagkat ang kulturang ito'y isa sa mga pinagyayaman ng ating bansa.

Sa panahon natin ngayon, kakaunti na lamang ang sumusunod dito.
Sapagkat "luma" na raw ito at hindi na nauuso.
Ngunit sana'y maisip din natin ang mga ipinamana ng ating mga ninuno.
Dahil ang pagpapahalaga sa kultura ay isang paraan upang makapagpasalamat tayo.

Marami nang mga Pilipino ang napadpad sa iba't-ibang bansa.
Nakakalungkot isipin na dahil dito'y may ilan na isinasantabi ang ating kultura.
Mas piniling magsimula muli sa ibang bansa at limutin ang pinagmulan.
Nakakalungkot na ganito ang ilan sa ating mga kababayan.

Ang ating bansa at kulturang Pilipino ay mahalaga.
Dahil dito, maraming mga dayuhan ang sa ati'y humahanga.
Kaya nararapat lamang na ipagmalaki ito at ipagsigawan imbis na ikahiya.
Nararapat lamang na kahit kailan o saan ay lagi nating dala-dala ang bandera ng ating ginintuang kultura.

Dapat alalahanin at tangkilikin ang kultura ng ating bayan.
Sapagkat sa ganitong paraan natin ito mapapanatili at mapapangalagaan.
Sasabay tayo sa pag-agos ng panahon papunta sa pagiging moderno...
Ngunit sana'y kahit ganun, ang ating kultura ay nasa isip natin at puso.
~~~~~~~~~~~~~~
P.S.
Paumanhin binibini kung hindi man ito gaanong katumpak o kagandahan... Sinubukan ko pa rin ang aking makakayanan. At lubos akong natutuwa sa iyong pagbabasa sa aking akda. Maraming salamat aking kababayan. :)

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Where stories live. Discover now