Wala Na Nga Pala

367 1 0
                                    

Hindi ko alam kung BAKIT ko ito ginagawa.
Hindi ko rin alam kung PAANO ko pa ito nakakaya.
Ilang buwan na ang lumipas pero bakit hindi pa rin nawawala?
Bakit nandirito pa rin ang pag-ibig na sa iyo'y nadarama?

Sana lapis nalang ang ginamit ng tadhana sa pag-sulat ng ating istorya. 
Nang sa gayun, madali lamang mabura at kalimutan ang mga naiwang alaala.
Nang sa gayun, madali lamang burahin at ibaon sa limot ang pagmamahal na para sa iyo'y nadadama.
Bakit ba kasi ang ginamit ng tadhana'y  isang pluma na permanente ang tinta?

Matagal nang natuldukan ang ating samahan.
Ngunit, bakit ang pagmamahal sa iyo'y hindi pa rin nababawasan?
Bakit hindi pa rin matanggap ng aking sistema?
Bakit hindi pa rin matanggap ng puso ko na wala ka na?

Para akong bola na hindi mapigilan ang pag-gulong.
Para akong preso na mag-isang naka-kulong.
Para bulaklak na nalanta't tuluyang nawalan ng kulay.
Sapagkat, nawalan na ko ng gana upang ipagpatuloy pa ang aking buhay.

Aaminin kong hindi naging madali.
Hindi naging madaling limutin ang iyong mga ngiti.
Hindi naging madaling ibaon sa limot ang ating nakaraan.
Hindi naging madaling mabuhay bilang saksi sa umuusbong niyong pagmamahalan.

Tunay nga na ang pag-asa'y parang isang kandila.
Dahil paniguradong mapapaso at masasaktan ka.
O kay hirap patayin ng namumuong pag-asa sa aking puso't isipan.
Patuloy ito sa paglaki, ni hindi ko magawang mapigilan.

Paulit-ulit kong pinagsasabihan at pinaaalalahanan ang sarili.
Na wag na kong umasa pa na maibabalik pang muli ang dati.
Masyado na kasing malabo, dahil may bago ka nang napupusuan.
Kung kaya't kailangan ko na itong pigilan bago pa ko tuluyang masaktan.

Ang hirap huminga, para akong nalulunod.
Nalulunod na ko, samantalang ika'y nanunuod.
Pinagmamasdan mo kung paano ako malunod sa pagmamahal ko sayo.
Nalulunod na ko, pero ang iyong puso'y pilit mong inilalayo.

Mahal na mahal kita, gusto ko pa sanang balikan ka.
Umaasa't humihiling na sana bukas kapiling na ulit kita.
Mahal na mahal kita kahit sobrang hirap na.
Nakikiusap sa tadhana na bawiin mo yung sinabi mo na tayo ay wala na.

Gusto kitang lapitan, gusto kitang yakapin.
Gusto kong marinig mo ang isinisigaw ng aking damdamin.
Gusto kitang pasayahin, gusto kitang makasama.
Marami pa kong mga kagustuhan... Na hindi ko na magagawa.

Hindi ko na magagawa dahil sinasampal ako ng realidad.
Realidad na hinding-hindi na iyon mangyayari o matutupad.
Ngingiti nang mapait, tatawa nang mapakla.
Naalala ko lang kasi na... Wala na nga pala.

Wala na nga pala... Pero bakit patuloy pa rin akong umaasa?
Wala na nga pala... Pero bakit mahal na mahal pa rin kita?
Wala na nga pala... Pero bakit ikaw pa rin ang itinitibok ng aking puso?
Wala na nga pala... Pero bakit umaasa pa rin ako na tayo pa rin hanggang dulo?

Bakit nga ba kahit wala na, nandito pa rin ako?
Araw-araw umiiyak at nangungulila sayo.
Paulit-ulit sinasampal ng katotohanang itinatanggi ko.
Katotohanang hindi ko magawang tanggapin dahil nadudurog ang aking puso.

Katotohanang...

Wala na nga pala... Yung taong mahal na mahal ko.
Wala na nga pala... Yung taong nagmamay-ari ng aking puso.
Wala na nga pala... Yung taong itinuring kong mundo.
Wala na nga pala... Yung dating tayo.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Where stories live. Discover now