Parang Tayo

1K 4 16
                                    

Naglalaro sa aking isipan ang ating nakaraan.
Paano nga ba tayo nagsimula at nagkalabuan?
Parang kahapon lang para tayong magkasintahan.
Ngunit pagkalipas ng isang araw ako ay iyong iniwasan.

Dati palagi kang nakadikit at nakakapit sa akin.
Ngunit ngayon itinuturing mo ko na para bang isang hangin.
At kapag ako'y nasanay na, bigla mo nalang akong kakamustahin.
At unti-unti mo nanaman akong pasasayahin at paiibigin.

Ngingiti at magiging masaya ulit ako sa piling mo.
Itatapon at tatalikuran ko ulit ang lahat para lang sayo.
Dededmahin ko ulit ang mga paalala at payo ng ibang mga tao.
Ibubuhos ko ulit lahat ng oras at atensyon ko para lang sayo, mahal ko.

Papabayaan ko ulit ang sarili kong puso.
Hahayaan ulit kitang gawin sa akin lahat ng iyong gusto.
Magpaparaya ulit ako at magpapagamit ulit sayo.
Pati sarili kong katawan ay ipapaubaya ko.

Ano nga ba ang tawag sa sitwasyon na ating kinalalagyan?
Matatawag ba ito na isang relasyon na kung saan tayo'y nagmamahalan?
Relasyon na kung saan parehas tayong kumakapit?
Magkasama sa pag-ibig na nagdudulot ng tamis at pait?

Siguro nga'y isa akong dakilang assumera.
Siguro nga'y ako lang ang umaasa.
Umaasa na titingin ka sa aking mata at mararamdaman mo rin ako.
Mararamdaman na ako ay may nadarama pa rin para sayo.

Madaming beses ko nang iniwasan ang magalit sayo.
Madaming beses ko ng binaliwala ang umiiyak kong puso.
Madaming beses ko ng pinigilan ang magselos tuwing may kasama kang iba.
Ano bang karapatan ko kung wala namang namamagitan sa ating dalawa?

PARANG TAYO, sa bawat matatamis na salitang binibitawan mo.
PARANG TAYO, kapag hinahawakan mo ang mga kamay ko.
PARANG TAYO, kapag binibigyan mo ko ng matamis na halik.
PARANG TAYO, sa tuwing nagmamakaawa ka sakin na ako'y bumalik.

PARANG TAYO, kapag ako'y nakakulong sa iyong mga bisig.
PARANG TAYO, kapag nakayakap ka sakin sa gabing malamig.
PARANG TAYO, kapag lumalapit ka sakin sa tuwing ika'y may problema.
PARANG TAYO, kapag... Kapag magkatabi tayo sa kama.

Masarap mangarap at umasa na ang tingin mo sakin ay iba.
Hindi lang bilang option kundi mas higit pa.
Masarap umasang may halaga ako sayo.
Kahit napaparamdam mo lang iyon kapag nasa iisang kwarto tayo.

Alam kong ako'y masyado ng delusyonal.
Alam kong ako'y nabubulag na sa pagmamahal.
Alam kong malabong mangyari lahat ng pinapangarap ko.
Alam kong imposibleng magkaroon ng "TAYO".

PARANG TAYO, kahit ako lang ang umiibig.
PARANG TAYO, kahit alam kong puro kasinungalingan lang ang lumalabas sa iyong mga bibig.
PARANG TAYO, kahit ako lang ang nasasaktan.
PARANG TAYO, kahit hindi mo ko magawang pahalagahan.

Nakakalungkot isipin na ang halaga ko bilang tao ay hindi mo makita.
Ang bukod tanging nakikita mo lang ay isang manika.
Manika na sumusunod sa bawat utos na ibinibigay mo sa kanya.
Manika na pwedeng gamitin at pag pinagsawaa'y itatapon nalang sa gitna ng kalsada.

Nalulungkot ako mahal ko, nadudurog ang aking puso.
Ngunit ano nga bang pakialam mo sa isang tulad ko?
Sa isang tulad ko na carbon copy lang sa paningin mo?
Carbon copy na kinopya ang orihinal na pagkatao ng minamahal mong totoo?

Tama. Kahit ano pang gawin kong panggagaya, hindi ako magiging siya.
Ano nga ba ang kulang sakin na mayroon sa kanya?
Nasa sa akin na ang ganda, talino, katawan, at ugali.
Ngunit ang isang bagay na hindi magawang gayahin ay ang kanyang ngiti.

Ang isa pang bagay na masakit ay yung wala akong lugar sa puso mo.
Ang hirap tanggapin na kahit kasama mo ko, siya pa rin ang laman ng iyong isip at puso.
Kaya siguro kahit ano ang gawin ko, palagi akong nabibigo.
Sobrang sakit. Sobrang sakit isipin na nagkakaroon lang ng TAYO... Kapag walang KAYO.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Where stories live. Discover now