Hola, Spookify! Kumusta kayong lahat? Si Donna ito. Narito ulit ako upang magbahagi ng kwentong kababalaghan na nangyari sa akin noong ako'y nasa kolehiyo pa, may ilang taon na din ang nagkararaan. Here it goes.Kung maaalala ninyo ay ipinakilala ko si Jessica sa una kong kwento na may pamagat na Numero. Siya ang kaibigan at ka-buddy ko sa ROTC na halos kasangga ko sa anumang bagay. Siguro'y dahil marami na din kaming pinagsamahan kaya't palagay na ang loob naming dalawa sa isa't isa. Bukod sa katatakutang naranasan namin sa sementeryo'y may ilan pa kaming kababalaghang nasaksihan na hindi namin malilimutan. Isa na rito ay ang ibabahagi ko.
Nasa unang taon ako sa kolehiyo at aktibong opisyal ng aming ROTC Unit. Isang araw ay inabot kami ng hatinggabi sa pag-e-ensayo sa ROTC dahil malapit na ang military parade sa Naga para sa pista ni Nuestra Señora de Peñafrancia kaya't puspusan na ang aming paghahanda.
Sa dormitoryo ako umuuwi ngunit nagkataong Biyernes yun ng gabi at kailangan kung umuwi sa bahay namin. Lima kaming magkakabuddy na magkakasabay na umuwi---si Jessica, Raffy, Joey, Neri at ako. Nilakad lang namin papuntang terminal dahil madalang na ang mga sasakyang dumadaan. Tipikal na sa probinsiya na kapag malayo sa sentro ay konti na lang ang mga bumabiyaheng sasakyan kapag dis-oras na ng gabi.At ganoon nga ang nangyari pagkat pagdating namin sa terminal ay malinis na ito. Wala ng bakas ng mga sasakyan at tanging mga tagalinis na umiimis ng kalat ang naroon.
Wala kaming nagawa kundi ang lakarin ang mahigit limang kilometro pauwi ng bahay. Medyo malayo na rin ang nalalakad namin at hindi namin yun namamalayan dahil sa maingay kaming nagkukuwentuhan. Patuloy pa rin kaming naghuhuntahan ng biglang bumuhos ang ulan kaya wala kaming nagawa kundi sumilong at magpatila. Medyo may mga agwat ang mga bahay at puro puno at palayan ang magkabilang gilid ng daan ngunit buti na lamang at may kamalig kaming nakita na pwedeng silungan. Tahimik kami habang naghihintay sa pagtila ng ulan. Tila ang bawat isa'y nilamon ng sariling isipin. Ngunit naagaw ang atensiyon naming lahat sa ingay ng paparating na sasakyan. Tila may prusisyon at dahil malapit lang ang kamalig sa gilid ng daan ay natanaw namin ang sasakyang paparating pati na ang bulto ng mga taong nakasunod.
Habang papalapit ay lumilinaw ang aming nakikita lalo pa't tumila na ang ulan. Sa pagtapat ng sasakyan sa harap ng kamalig ay tila bigla kaming lahat nanlamig. Napakunot ang noo ko. Anong ginagawa ng karo ng patay sa ganitong oras ng gabi? May libing ba? Samu't saring tanong ang nagsalimbayan sa isip ko. Ang mga kasama ko'y tila natuka ng ahas ang mga hitsura. Lumagpas na ang sasakyan ng may mapansin ako. May babaeng nakaupo sa tabi ng kabaong sa loob ng karo. Nakasuot siya ng puti na may hati sa likod at tinitingnan niya ang loob ng kabaong. Tila nakahawak ako sa yelo sa sobrang lamig ng kamay ko. Walang maririnig na ingay sa loob ng kamalig at kahit ang paghinga namin ay tila nakabitin. Yung tipong kahit yata may bumagsak na bomba ay wala sa aming matitinag. Buong akala ko'y iyon lang ang mapapansin ko ngunit halos manginig kami sa takot ng matanaw namin ang mga taong nakasunod sa karo. Lahat sila'y nakaputi at diretso lamang ang tingin. Tila ibinabad sa suka ang kanilang mga mukha sa puti. Naramdaman ko ang paghawak ni Jessica sa balikat ko na para bang umaamot ng lakas sa akin. Ako nama'y tila gusto ko ng hilingin na lamunin na kami ng lupa sa takot. Paglagpas ng mga tao'y may napansin ulit kami. May usok na itim na nakasunod sa prusisyon. Hindi ko mawari kung iyon ba'y usok o ulap ngunit ang tiyak lamang ay sumusunod yun sa hugos ng mga tao. Sa panggigilalas nami'y biglang lumiko pababa sa palayan ang prusisyon ng tao at biglang nilamon ng karimlan.Tila yun lamang ang hudyat para magpulasan kaming lima sa takot. Muntik pang maiwanan ni Raffy ang kanyang combat shoes sa pagkataranta. Lakad takbo ang ginawa namin para makalayo sa lugar na iyon. Hindi alintana kahit mabigat ang mga dalahin naming gamit basta makaalis lamang doon. Malayo na ang natatakbo namin ng may dumaang sasakyan na naghahatid ng mga gulay sa palengke. Nakiusap kami sa matandang nagmamaneho na makikisakay kami kahit hanggang sa bayan. Habang nasa sasakyan ay wala kaming lahat na imikan. Tila hindi pa rin makabawi sa nasaksihan naming katatakutan. Magpahanggang ngayon ay naaalala ko pa rin ang insidenteng iyon na tila kahapon lamang nagdaan. Lalo pa't paminsan-minsa'y dumadaan ako sa lugar na iyon.
Mabuhay ang Spookify!
Dios Mabalos!
Ciao.
~Donna
BINABASA MO ANG
Scary Stories 2
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! Highest Rank : #3 in horror (03/20/2018) Consistent Rank : #6 (2018-Present) ciao /sheree