Ako si Queen. Nagtatrabaho ako dati sa isang kilalang hotel sa Cebu bilang isang receptionist. Gusto ko lang ibahagi ang aking hindi naman masyadong nakakakilabot na karanasan sa mahigit dalawang taon ko na pagtatrabaho sa hotel. Sana'y maintindihan nyo dahil trying hard lamang po ako magtagalog at hindi straight.Sanay na kami ng aking mga katrabaho na may nararamdaman kaming mga di pangkaraniwan sa hotel lalo na kapag ang duty namin ay graveyard shift o panggabing duty. Kapag graveyard, ang nakaduty lang ay isang front desk, isang room attendant or RA at isang gwardiya dahil di naman masyadong kalakihan ang hotel. Ako dun sa front desk, yung guard sa may lobby entrance at ang RA ay dun lang din sa lobby nakatambay kapag walang gagawin. Minsan, may biglang tatawag sa front desk galing sa laundry area namin at minsan din galing sa kitchen ang tatawag at wala naman saming tatlo ang pumupuntang laundry or kitchen kasi andun lang kaming tatlo sa lobby habang tumatawag yun. Alam po namin kung saan galing kung may tatawag dahil lalabas po saming telepono. Minsan sinasagot ko yung tawag kahit kinikilabutan ako at as expected, hangin lang yung naririnig ko at para akong tanga na hinihintay na sana may magsalita. Minsan din mabibigla ka nalang at biglang mag-o-on and off yung aircon sa lobby kahit wala namang gumagalaw at ang remote ay nakatago naman sa drawer. May mga guest din kami na tatawag sa front desk ng hatinggabi dahil daw may kumakatok sa kanilang kwarto at kung tatanungin nila kung sinong kumakatok ay walang sasagot at kung sisilip sila sa eye hole sa pintuan ay wala naman silang nakikita. Kahit ipa-check pa sa RA yung room nila may kumakatok pa rin at yung RA ay andun lang naman sa labas ng room nila at nakatayo lang hinihintay lang silang lumabas dahil ako na mismo ang mag-iinform sa guest na dumating na ang RA at naghihintay na sa labas ng room nila.
May isang American guest din kami na nagsabing isang gabi nagising siya at paglingon niya sa kabilang kama, may batang lalaki nakapatong sa kanyang asawa at naka-indian sit nakaharap sa kanya at nakangiti. Di kasi sila tabi matulog ng kanyang asawa ng gabing yun kasi nag-away yata sila. Di din naman daw siya na-sleep paralysis kasi nakakagalaw naman daw siya at ang ginawa niya pumikit nalang uli siya hanggang sa makatulog kasi alam niyang kakaiba na ang nangyayari sa paligid.
At ang di ko makakalimutan ay nung minsang may kausap akong guest sa telepono. Yung guard at RA ay nasa labas nag-uusap at kita ko rin sila dahil glass yung front wall. Nagtaka ako dahil biglang bumukas ang elevator ng mga 15 seconds bago nagsarado ulit at wala namang lumalabas na tao. Usually kapag walang lalabas magsasarado na ito ulit within 5 seconds. Nakatingin ako sa elevator mula pagbukas hanggang pagsara habang may kausap sa telepono. Iniisip ko nalang na baka yung ibang guest pinindot yung ground floor at di rin tumuloy sa pagbaba. Maya-maya natapos na din kami ng guest sa pag-uusap sa telepono at pumasok na din yung RA at sumilip sya sa restaurant at CR sa lobby na para bang may hinahanap pero di ko nalang siya pinansin kahit medyo nakapagtataka yung kilos niya. Tapos bigla siyang lumapit sa akin at nagtanong kung nasaan na yung babae. Nagtaka ako dahil ako lang naman ang babae na nandun. Tapos sabi pa niya "Yung babaeng lumabas ng elevator". Sabi ko sa kanya "wala namang babaeng lumabas sa elevator. Nakatingin ako dun mula pagbukas hanggang pagsara at wala akong nakitang lumabas." At bigla na din pumasok yung guard at nagtanong din kung nasaan na yung babae. Makikita din kasi nila if may lalabas kasi yung elevator ay nasa tapat lang din ng lobby entrance. Ayon sa kanila nagtaka daw sila nung pagbukas ng elevator may babaeng nakatayo sa loob ng elevator at di nila klaro yung mukha kasi naka-side view ito at mahaba ang kanyang buhok na tinatabunan din ang kanyang mukha. Nasa mga 20's na daw ito at nakasuot daw ito ng maluwang at mahabang white t-shirt at nakashort ng itim pero nakapaa lang siya. Pinaglalaruan daw nito ang mga buttons ng elevator na nasa right side, then maya-maya nakita nila itong lumabas ng elevator at naglakad papunta sa akin pero hindi pa din daw nila kita yung mukha dahil nakayuko ito. Pero nung malapit na daw siya sa akin di nalang daw nila pinansin at nag-usap sila ulit kaya di din nila nakita kung saan talaga ito nagpunta. Kaya din pumasok nalang ang RA para tanungin ako at baka may request din daw. Pagkatapos namin mag-usap-usap nagkatinginan na lamang kaming tatlo at itinuon nalang namin ang aming isipan sa aming trabaho at dapat gawin...
Pasensya na po kung bitin at di rin masyadong creepy.
Maraming salamat po.
PS. Hindi ko na i-mention yung name ng hotel for privacy na din po. Sana maintindihan ninyo. Habang nagtytype din po ako nito kanina may kasama po akong hindi ko nakikita at pilit tinatype ang 'y' sa keyboard ng paulit-uli kaya huminto muna ako saglit. Salamat po ulit.
BINABASA MO ANG
Scary Stories 2
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! Highest Rank : #3 in horror (03/20/2018) Consistent Rank : #6 (2018-Present) ciao /sheree