Nakakunot ang noo ko pagkakita ko sa kwarto na ibinigay ng kumpanya sa amin dito sa Saudi. Maarte na kung maarte, oo, at alam kong maswerte na din ako kumpara sa ibang mga trabahador dito sa bansang ito, pero para sa akin maliit yung kwarto. Isang normal na higaan ang nakapuwesto sa kanan pagpasok na pagpasok mo, at may dalawang kutson na nakalatag sa sahig sa tabi nito para sa dalawang tao. Dahil may pagkasugapa ako, inangkin ko agad yung kama at natawa nalang yung dalawa kong kasama sabay sabi na walang kaso sa kanila iyon. Si Anton ang gumamit ng kutson sa tabi ko at si Francisco ang nasa dulong kutson. Sa dulo ng kwarto ay nakapwesto ang kusina at palikuran. Sa area na ito isang tao lang ang pupwedeng gumalaw dahil medyo masikip dito, maliban na lamang kung gusto mong madikit ang harapan ng kasama mo sa puwitan mo. Humiga ako sa higaan ko at tumingala sa kisame. Isang may kalumaan na chandelier ang nakasabit dito, pero mukhang matatag naman ito para hindi ito biglaang bumagsak sa mga pagmumukha namin. Napabuntung-hininga na lamang ako at napaisip na buti nalang sa labasan ay matao at madaming tindahan na mapupuntahan.Sa mga unang araw namin ay kumportable naman kami sa aming tirahan. Madali pakisamahan ang mga ka-kwarto ko at kahit may pagkakaiba kami sa ugali ay nagkakaintindihan kami. Makwento si Anton tungkol sa trabaho niya sa grocery ng isang mall dati. Kapag ginagabi daw sila at wala ng masyadong tao ay nakakaramdam sila ng kakaiba sa mga stockroom. Mga ihip ng hangin na maginaw kahit imposible magkaroon doon dahil patay na din ang aircon sa buong mall ilang oras na ang lumilipas, at mga yabag na hindi maipaliwanag. Hindi lamang iyon ang kuwento niya pero sa susunod ko na ibabahagi. Si Francisco naman kadalasan ang kuwento ay mga kalokohan niya sa kanila. Medyo malayo sa ating topic kaya hindi ko na babanggitin. Day shift ang trabaho namin ni Anton, samantalang si Francisco ay night shift, kaya kami lang dalawa sa bahay kadalasan.
Isang gabi pagkauwi namin galing trabaho biglaang nagtanong sa akin si Anton.
"Bhai (ang bhai ay hango sa salitang bhaisaab ng mga indian (hindi) na ibig sabihin ay kapatid, napulot namin to sa mga kasama namin), wala ka bang nararamdaman sa kuwarto na ito?"
"Wala naman, bakit?", sagot ko.
"sigurado ka?"
"Huwag ka ngang ganyan, nananakot ka naman eh."
"Seryoso, bhai. Meron dito", sabi niya. Mukhang seryoso siya, kaya binago ko ng kaunti ang tono ko.
"Weh? Bakit, ano ba nakita mo?"
"Bata, hindi ko makita ang mukha. Nakadamit na puti, pero hindi ko mawari kung anong klaseng damit iyon. Nagising ako ng alas-tres yata iyon. Ambigat kasi ng dibdib ko ng mga oras na iyon hindi ko magalaw ang katawan ko pati."
"Ha? Saan mo nakita?"
"Sa paanan, bhai."
"Baka naman nananaginip ka lang?", sagot ko, sabay tawa na kunwari matapang. Sa isip-isip ko naman ay: Puta ayawan na.
"Hindi ko masabi pero mulat ako noon."
"Baka naman may nakakapasok ba na ibang tao sa kwarto? Baka naman nilolooban na tayo ng kung sinu-sino na", napag-isip-isip ko.
"Tanong mo na din siguro sa haris (haris ang tawag sa security guard o caretaker dito), baka tama ka."
"Hayaan mo na. Baka pagod ka lang."
Kinabukasan ay tinanong ko ang haris kung may nakakapasok sa apartment namin. Ang sabi niya ay imposible iyon dahil may gate kami papasok ng apartment at bawal ang babae na mamalagi sa area namin, alinsunod sa mga batas nila dito. Naku, napagdudahan pa nga yata ako na nagdadala ng babae, sinabihan pa ako na haram (haram ay kasalanan sa arabic) iyon.
Muling lumipas ang ilang araw na wala naman siyang naikuwento muli hanggang sa isang umaga pagkagising na pagkagising ko nakaupo siya sa dulo ng kutson niya.
"Nasaan na ang almusal. Gutom na ako", biro ko. Tumingin siya sa akin.
"Nakita ko na naman, bhai", sagot niya. "Dalawa na sila."
"Ha? Ang alin?"
"Yung bata. May kasamang babae."
"Ha? Panaginip ba iyan o seryosohan na?", tanung ko.
"Seryoso 'to."
"Saan mo naman nakita?"
"Sa tabi ko mismo", sabay turo sa pagitan ng kutson niya at kama ko.
Napaisip ako: 'King ina sa tabi niya, ibig sabihin sa tabi ko din! Tulog-mantika pa man din ako.
"Ano itsura?"
"Malabo talaga yung mukha, bhai."
"Eh yung babae naman, ano hitsura? Chicks ba?", biro ko.
"Ganoon din, malabo din yung mukha."
"Eh saan mo nakita yung babae?"
Tinuro niya yung puwesto na kung saan niya nakita yung babae, at kinilabutan ako sa sunod niyang sinabi.
"Sa paanan mo, bhai, nakaharap sa iyo. Nakaputi din."
Naramdaman ko lahat ng balahibo ko na tumatayo.
"Palit tayo ng puwesto, pre."
5A
Saudi
BINABASA MO ANG
Scary Stories 2
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! Highest Rank : #3 in horror (03/20/2018) Consistent Rank : #6 (2018-Present) ciao /sheree