Ang Babaeng Nakapula

6K 85 6
                                    




           

Hi Spookifiers! First time ko pong magsulat dito kaya pasensya na po kung medyo magulo. Sana po mapost to kasi gusto ko lang ishare yung kwentong ito. Actually po ikinwento lang po to ng kaibigan ng lola ko.

May kasabihan na ang isang taong namatay sa isang trahedya ay hindi Basta- bastang matatahimik. Babalik at babalik ito sa pinangyarihan ng krimen, aksidente o lugar kung saan pumanaw ang biktima.

Actually, may ganitong kuwento na nagmula daw sa isang may kalumaan nang kainan sa loob ng isang university compound sa Quezon City. Sa kantina na ito ay may tinatawag silang "Maring" na madalas ay bumibisita sa kanila na tuwing malakas ang ulan at disoras na ng gabi. Walang makapag-sabi kung ano talaga ang dahilan ng pagsulpot ng kanilang regular na misteryosang bisita. Kadalasan, bigla itong papasok sa loob ng Kantina, uupo na tila may hinihintay , sabay mawawala na lamang bigla na parang bula. Sobrang kinatatakutan daw ito ng mga tauhan ng naturang kainan.

Ayon sa may ari ng nasabing kainan na si Aling Erika, dekada sitenta pa noong nagsimulang magpakita sa kanila si Maring. Tandang-tanda pa niya noong una itong sumulpot sa kanyang Kantina.

Malakas ang ulan, kalakasan ng bagyo noong Oktubre 1976. Limang taon pa lamang ang kainan ni Aling Erika noon. Naitayo niya ito sa pagsisikap na magkaroon ng isang maliit na negosyo na malapit lamang sa unibersidad ng kanyang mga anak na nag-migrate na pare-pareho sa Amerika sa ngayon.

Noong umpisa, isang Kantina na may higit kumulang maliliit na lamesita lamang ito, isang simpleng coffee shop at meriendahan lang 'to noon. Mag-aalas nueve na rin iyon ng gabi, kaya't wala ng iba pang customer at mga estudyante. Naiwan na lamang si Aling Erika, at dalawang katu-katulong sa Kantina na sina Julia at Nicka na kasalukuyan namang abala ng mga oras na iyon sa pagliligpit ng mga kagamitan para sa nalalapit nilang pagsasara.

Abala sa paglilista si Aling Erika noon nang biglang may isang babae ang pumasok sa loob ng Kantina. Basang basa ito sa ulan, maging ang suot nitong pulang bestida. Tila naligo ito ng matagal na oras sa kalakasan ng bagyo. Wala man lamang itong payong o ano pa mang pananggalang sa malakas na ulan. Basa ang mahaba nitong buhok, na nakatakip sa buong mukha nito.

Inakala ni Aling Erika na makikisilong lamang ang babae, nakadama pa nga siya ng awa dito. Subalit nang magpasya itong pumasok sa loob ng Kantina ay agad itong inusisa ng may ari.

"Ah miss, sorry pero pasara na ho kami. Kung gusto n'yo magpatila na lang kayong ng ulan, pero hindi na po kami tatanggap ng order," wika ni Aling Erika sa misteryosang babae habang dire-diretso itong dumaan sa kanyang harapan.

Subalit labis siyang nagtaka at kinabahan ng sa halip na huminto at siya ay kausapin ay tinitigan lamang siya nito ng masama. Mula sa magulo nitong buhok ay isang mata nito ang patagilid na tumitig sa ginang. Damang dama ni Aling Erika ang ngitngit at hilakbot sa titig na iyon. Matapos ay dire-diretso itong umupo sa isang bakanteng lamesita sa may dulo ng Kantina, kung saan nakapatay na ang ilaw.

"Ate, sino ba 'yun? Bakit doon pa umupo sa dulo e madilim na d'un," nagtatakang tanong ni Julia sa amo.

"B-baka giniginaw kasi naman basang basa sa ulan. Hayaan mo na, tanungin mo kung may order, pagbigyan na natin kahit kape nang mainitan," utos ng amo sa serbidora.

Mabilis ngang binuksan ni Julia ang ilaw sa may bandang likuran ng Kantina, matapos ay agad na tinanong kung may order ba ang misteryosang babae na halos hindi gumalaw sa pagkakaupo nito.

"Ma'am, ano po order n'yo? Tanong ni Julia sa babae. Hindi ito sumagot. Sa halip, ay dahan-dahang itinaktak sa lamesita ang mga daliri na tila may gustong ipahiwatig.

"Ma'am, may order po ba kayo?" muling tanong ng serbidora, habang nagtataka pa rin sa ikinikilos sa babaeng nakapula.

"M-may hinihintay ako," wika nito habang nakayuko, na tila pabulong pa ang pagkakasabi.

"Ho? E pasensya na ho pero pasara na ho kasi kami. Alam n'yo naman na may curfew ng alas diyes ng gabi. Siguro po, umuwi na po kayo basang basa na kayo, baka magkasakit kayo n'yan," suhestiyon ni Julia.

"MAY HINIHINTAY AKO!" galit na sinabi ng babae sa serbidora. At biglang itinaas niya ang kanyang mukha para tingnan ng masama si Julia.

Halos nawalan ng ulirat ang serbidora sa nakita. Ang mukha ng babaeng nakapula, puro sugat! Basag ang noo nito at mabilis na umaagos ang dugo pababa ng mukha hanggang sa leeg ng babae. Wala ring laman ang kaliwang mata nito, tila dinukot na hindi mawari.

"A-ate! Ateeee!" sigaw ni Julia sabay karipas ng takbo papunta sa amo.

"O bakit?" naalarma naman si Aling Erika sa sigaw ng serbidora.

"M-multoo! Multoo!"

Doon na nagkagulo ang tatalo. Mabilis na tumawag ng mga tanod si Aling Erika upang humingi ng saklolo habang pinapakalma nanaman ni Nicka si Julia na hindi pa rin matigil sa kakaiyak sa labis na takot. Wala pang limang minuto ang nagdaan ay dumating na ang mga tanod, subalit wala doon ang babae. Naiwan namang basang basa ang inupuan nito , maging ang sahig na dinaanan nito mula pintuan papasok sa may bandand dulo ng Kantina ay basang basa din.

"Baka tumakas na?" ani ng tanod matapos halughugin ang buong lugar." Pero imposible kasi wala namang ibang dadaanan bukod dito sa pintuan sa unahan. Hindi n'yo ba nakitang lumabas?"

Naging palaisipan kay Aling Erika ang pangyayaring iyon. Hindi na rin pumasok pang muli si Julia dahil sa takot sa nakita. Sino ang babaeng nakapula? At kung tunay nga itong multo, ano ang pakay nito sa kanila at ano ang nais nitong ipahiwatig?

Nagkaroon ng kasagutan ang mga tanong ng may ari ng Kantina nang sumunod na araw. Mayroong tatlong pulis ang pumunta sa Kantina, kinausap si Aling Erika tungkol sa nangyaring isang krimen hindi kalayuan sa kainan.

"A-anong krimen?" tanong  ng Ale.

"Isang faculty teacher po kasi ang nakita d'yan sa may talahiban dito  lang po sa may likuran ng Kantina ninyo. Sa pag-iimbestiga po namin, mukhang hinoldap tsaka pinukpok sa ulo hanggang mamatay. Tinapon po ang bangkay sa madamong bahagi hindi kalayuan dito," paliwanag ng pulis.

Para namang binuhusan ng malamig na tubig si Aling Erika.

"Kailan 'yan nangyari? At ano ang itsura nu'ng biktima?"

"Kagabi lang po, sa kasagsagan ng malakas na bagyo. Tantiya namin ay mga alas otso ng gabi. Naka-bestida po na pula si Teacher Maring. Ayon sa mga kasamahan niya sa faculty, naghihintay daw 'to  ng sundo ng huli nula itong makita. Hinihintay ang Mister niyang si Yayong sa may labas ng campus ng mapag-tripan ng mga adik. Hinahanap pa nga po naming ang mga suspek eh."

"M-maring?" 'Yun na lang at wala na sa sarili si Aling Erika at hanggang sa magpaalam na rin ang mga pulis. Alam niya, na ang misteryosang bisita nila nitong nagdaang gabi ay walang iba kundi ang pinsalang guro.

Simula noon, at magpasa-hanggang ngayon, madalas pa rin nakikita ang kaluluwa ni Maring sa sasapit ang disoras ng gabi habang malakas ang ulan. Sanay na sina Aling Erika at mga tauhan sa kanulang misteryosang bisita. Kagaya ng nakagawian nito, papasok itong basang basa sa ulan, uupo  sa madilim na dulo na bahagi ng Kantina , sabay mawawala na parang bula kinalaunan, tila mayroon paring hinihintay.

Aly

Scary Stories 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon