Haunted University (Part 4)

228 6 0
                                    


Hello, Spookify! Sa mga nalilito po sa pamagat, kaya po Haunted University at hindi Haunted Dormitory ang title kasi tungkol ito sa mga creepy experiences ko sa loob ng Univ namin. Nataon lang na sa mga dorms pa lang ang naikukwento ko. Inuna ko na sila para maging familiar na rin kayo sa mga mababanggit na names sa mga susunod na kwento at dahil sila yung mga pinakanakakatakot na naranasan ko. Pasensya na kung laging mahaba kasi mahirap magkwento ng walang details. Baka malito po yung iba. Di ko na nga sinali yung ibang hindi naman ganun ka-creepy kasi baka magka-apo na ako, hindi pa tapos yung kwento. Haha! So eto na nga yung iba pang mga ganap sa loob ng aming Haunted University.

III. Guard House

Kapag lalabas ang mga taga-dorm after ng school hours, required kaming dalhin ang mga ID's namin dahil hindi ka papapasukin ng mga guards pag walang ID. Pauwi na kami nun ni Jingle galing sa palengke na walking distance lang mula sa Univ. Dun kami dumaan sa mas maliit na gate dahil nakababa na yung mahabang pole na humaharang sa mga sasakyan sa main gate. Pagtapat namin sa guard house ay walang guard na nakabantay doon. Nagtaka kami ni Jingle kasi never nawalan ng guard na nakaupo dun sa harapan. So sumilip si Jingle sa loob nang biglang sumulpot yung guard sa may pintuan. "Kakagulat ka naman, Kuya," sabi ni Jingle habang pinapakita yung ID nya. Ngumiti lang yung guard saka tumango. Lumapit na rin ako at nagpa-check at tumango ulit yung guard. Pagliko namin sa side ng guard house, may isang guard ulit na nakaupo doon at nagpapaypay. Lalampasan na sana namin siya pero sinita kami at tinatanong yung ID namin.

Etong si Jingle, medyo nagtaray at sinabi kay Manong na (non-verbatim convos), "Chineck na po nung isang guard tas iche-check nyo pa ulit." Tiningnan kami ni Manong guard na parang nagtataka. "Sinong guard?" tanong niya. "Yun pong nasa loob," sabi ko naman. Tumakbo siya papunta sa loob ng guard house para i-check siguro. Kami naman ni Jingle nagpatuloy na sa paglalakad. Then, tinawag kami ulit ni Manong. "Ineng, wala namang ibang guard sa loob." Tapos sabi pa niya, tatlo daw silang naka-duty doon pero nag-rounds yung dalawa kaya siya lang yung natira. Di naman kami pwedeng magkamali ni Jingle kasi same sila ng uniform at nandun talaga siya sa loob. Habang nag-uusap kami, dumating yung isa pang guard na si Manong Roger sakay ng motor niya. Kilala ko si Manong Roger kasi tito siya ng dati kong roommate na si Imee.

Naiirita na si Jingle kasi gusto na naming umalis pero tinatanong pa kami. Nag-aalala kasi yung isang guard na baka matanggal siya sa trabaho o ano. Pina-describe ni Manong Roger sa amin yung nakita namin. Moreno, chinito, semi-kalbo yung buhok, at medyo payat. Gulat si Manong Roger sa sinabi namin. "Imposible. Si Roman yan eh. Patay na yan kaya imposibleng nakita nyo siya," sabi niya. Nagkatinginan naman kami ni Jingle at nagpaalam na kami sa kanila.

Pagliko namin sa kanto papuntang dorm, nahagip ng mata ko yung nakatayong tao dun sa gilid ng daan. Straight at maluwang yung daan mula sa gate kaya kahit kapag lumiko ka na, matatanaw mo pa rin yung daan na pinanggalingan mo. Akala ko ay namamalik-mata lang ako kaya humakbang ulit ako pabalik at nabigla ako kasi nandun yung semi-kalbong guard. Di siya ganoon kalayo kaya agad ko siyang namukhaan pero di rin ganoon kalapit kaya di namin siya agad napansin. Napakapit ako sa braso ni Jingle at sinabihan siya na huwag lilingon dahil may sumusunod sa amin. Eh pasaway ang bruha at lumingon pa rin. Napamura siya ng malakas at hinatak ako para tumakbo. Sa mga ganung oras ay marami dapat nakalabas na taga-dorm pero walang ibang tao sa paligid maliban sa amin ni Jingle. Nagdadasal ako nun habang tumatakbo at pinipilit kong kumalma kahit parang sasabog na yung dibdib ko sa sobrang kaba. Nakalampas na kami sa mga Academic buildings at isang likuan na lang, matatanaw na namin ang mga dorms. Napatigil kami sa pagtakbo dahil parang bumigat yung mga paa namin. Parang yung kapag matagal kang nakaupo tapos pag tumayo ka, nagmamanhid yung mga binti mo. Ganun yung feeling ko that time. Palingon-lingon kami ni Jingle pero nandun pa rin si Roman.

Tumigil si Jingle sa paglalakad at sinabi niya na mag-alis kami ng tsinelas at tumakbo. Nung yumuko kami para damputin ang mga tsinelas, biglang may bumagsak na malaking sanga ng acacia, mga tatlo o apat na hakbang mula sa aming pwesto. Matanda na yung sanga kaya nagkapira-piraso ito nung tumama sa semento. Sumigaw kami at tumakbo. Sa kabutihang palad ay narating namin yung gate ng Lotus Dorm at tumigil kami saglit para maghabol ng hininga. May dumaan na mga girls noon palabas ng gate at tinanong kung napano kami. Sinabi na lang namin na naghahabulan kami. Nung tumingin ako sa pinanggalingan namin, wala na dun si Roman. Pag naaalala ko yung incident na yon, may dalawang tanong na pumapasok sa isip ko. Una, kaya ba kami sinundan at binagalan yung hakbang namin ay para maiiwas kami sa pagbagsak nung sanga? Ikalawa, sinundan ba kami at siya ang may gawa ng pagbagsak nung sanga at kaya lang kami nakailag ay dahil huminto kami para magtanggal ng tsinelas?

IV. Room 101
Isa ito sa mga pinaka-horrifying rooms sa college namin dahil una sa lahat, room ito ng prof namin sa Math. Haha!

Midterms namin nun at tahimik ang lahat habang nag-eexam. Nambabagsak kasi itong si Prof kaya lahat kami ay focused sa mga sinasagutan. Maya-maya nagtanong si Prof, "Sino yon?" Napatingin kaming lahat sa kanya at nung walang kumibo, nagtanong ulit siya, "Sino yung nagha-hum sa inyo?" Tumingin ako sa mga kaklase ko dahil wala naman akong narinig. Lumilingon-lingon din sila at nagkikibit-balikat. Tumawa naman yung iba dahil akala nila ay nagjo-joke lang siya. Nag-warning si Prof na wag kaming mag-ingay para di ma-distract yung iba at pinatuloy na niya yung exam namin. After ilang minutes, biglang tumayo si Prof at sumilip sa labas. Tapos nag-ikot siya sa room. Tinitignan lang namin siya kasi ang awkward ng mga kilos niya. Nung iilan na lang kaming naiwan sa room dahil lumabas na yung mga tapos na, nagtanong ulit si Prof kung hindi ba raw talaga namin narinig yung nagha-hum. Umiling lang kaming lahat. Nung tapos na kami, sumabay siya sa amin pababa dahil sa faculty room na lang daw siya magche-check ng papers. Pinilit namin siya na ikwento yung nangyari. Sabi ni Prof, dinig na dinig niya raw yung kumakanta sa loob ng room pero walang words kaya parang humming lang siya. Tapos, meron daw biglang tumakbo palabas sa room kaya hinabol niya kasi akala niya isa sa amin yun pero wala naman daw siyang nakita sa labas at kumpleto naman daw kami. Di naman na ito naulit pa kaya kapag tinatanong namin si Prof, sinasabi niya na baka kulang lang daw siya sa tulog that day.

V. Room X
Storage room ito dati ng mga sirang armchairs kaya nasa pinakadulong part siya ng 2nd floor. Nung magkaroon na ng bagong storage room, na-convert siya into classroom wherein mga 4th year Educ students ang madalas na gumagamit dito dahil may whiteboard siya para sa projector.

Itong si Ma'am Pia, wala siyang sariling classroom dahil wala siyang advisory class kaya nakikigamit lang siya sa room ni Ma'am Che kapag may klase siya. One time, nag-extend ng 30 minutes ang klase ni Ma'am Che dahil may activity sila. Tinanong kami ni Ma'am Pia kung gusto naming maghintay na lang at mag-extend ng oras hanggang 5:30. Ayaw naman ng mga kaklase ko dahil atat silang umuwi kaya pinaghanap kami ni Ma'am ng bakanteng room. May dalawang vacant rooms, yung Room 143 na malapit sa CR at yung Room X sa dulo. Yung mga boys nagrereklamo dahil mabaho daw yung CR kaya dun kami sa Room X nagpunta.

2nd sem nun at wala ng masyadong gumagamit sa Room X dahil nagpa-practice teaching na sa labas yung mga Educ students. Amoy-kulob at mainit sa loob kaya binuksan namin yung mga bintana. Yung kabilang dako ng room, nakatanaw na yun sa labas ng building kung saan maraming nakatanim na mga puno kaya mabilis nag-cool down ang temperature ng room. Pagdating ni Ma'am Pia, nag-lesson na kami pagkatapos ay nag-quiz. Tuwing matatapos yung quiz namin, para kaming nasa palengke dahil sa ingay. May parusa kasi yung mga mababagsak at kelangan nilang i-spell yung name nila gamit yung kanilang pwet sa harapan ng klase. Ang nakaisip ng parusang yan ay yung classmate naming si Mark.

That time isa si Mark sa mga bumagsak kaya sobrang tawanan kaming lahat. Lima silang lalaki na nasa harapan. Una si Mark na mag-i-spell kaya nagsitayuan yung ibang girls at naghihiyawan. Pinapatahimik kami ni Ma'am Pia pero pati siya ay natatawa na rin. Bigla-bigla, malakas na humampas yung sanga nung isang puno sa bintana ng room. Natigilan kaming lahat at napaurong yung mga nakapwesto malapit sa bintana. Humahangin naman sa labas pero afternoon breeze lang at di yun sapat para humampas nga ganoon kalakas yung sanga sa bintana. Lalapit sana sina Mark pero nahulog yung tatlong jalousie sa sahig kaya napaatras din sila. Nagpakiramdaman kami kung sino yung unang tatakbo o sisigaw. Since di na naulit iyon, kumalma na kaming lahat at pinag-ready na kami ni Ma'am Pia for dismissal. Siya na raw ang magpapalinis dun sa mga nabasag na jalousie. Nung palabas na kami, ayaw mabuksan nung pinto kahit ilang boys na yung humihila sa doorknob. "Hala, nagalit yata talaga sa atin," sabi ni Angie (yung nakatapon ng juice sa akin sa part 1). "Sorry po sa ingay, hindi na po mauulit," sabi nung isa sa mga boys. Gumaya naman kaming lahat sa pagso-sorry at nung i-try nila ulit yung pinto, bumukas na ito at nakalabas na kami ng maayos.

Hanggang dito na lang muna pero kapag na-post na ito, magse-send ulit ako. Sasamantalahin ko na habang day-off ko. Hehe! Thanks, Admin Chai! And thanks din po sa lahat ng mga readers!

Marga Vermilion, 2019

Scary Stories 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon