I have a roommate named Maria. Ayoko nang mag-isip ng malalim para sa pangalan kaya yung basic na lang. Matindi ang isang ito dahil hindi sya marunong magbayad ng renta. Hindi ko alam ang itsura nya o kahit kwento ng buhay nya. Basta ang alam ko lang, bata pa lang ako, nandito na sya.Second year high school ako. Magkakasama pa kami sa kwarto ng dalawa kong kapatid na lalaki dahil wala pang pera para makapagpagawa ng isa pang kwarto. Isang double deck ang meron kami sa kwarto. Sa ibaba kaming dalawa ng bunso at sa taas ang panganay. Kasalukuyan akong nanonood noon ng TV sa sala. Yung bunso, kapit na kapit sa nanay naming nasa terrace. At yung panganay na dakilang babaero noon, nasa kwarto, nakahiga sa taas ng double deck at may katext na kung sino. Patay ang ilaw noon sa kwarto. Ilaw lang galing sa cellphone ang meron si kuya. Habang nanonood ako ng TV ng tahimik, nakarinig kami ng malakas na kalabog. Lumabas si kuya galing sa kwarto na parang takot na takot. Tinawanan ko pa nga kasi mukha syang ewan na hinihila yung laylayan ng damit nya pababa dahil sa sobrang takot. Sya pala yung narinig naming kumalabog kasi tumalon sya mula sa taas ng double deck pababa. Paulit-ulit lang sinasabi nya nun. "May babae. May babae." Muntik ko pang masabing, "Ayan, minumulto ka na ng mga iniwan mo." Kaso mukhang seryoso sya sa isang ito. Nung nahimasmasan sya, kinuwento nya sa amin yung nangyari. Ang sabi nya, habang nakatihaya sya ng higa sa kama, may napansin syang puting tela sa bandang tiyan nya kaya inilawan nya yun gamit ang cellphone. Doon nya nakita ang babaeng nakaputi na nakayakap sa kanya kaya napatalon sya pababa. Simula noon, wala nang natulog sa taas ng double deck. Sa lapag na si kuya.
December 20. Hindi na ako makatiis na katabi yung bunso namin dahil lagi na lang akong sinisipa pahulog sa kama. Napagpasyahan kong matulog sa taas ng double deck. Kahit anong klaseng pwesto ang gawin ko noon, walang epekto. Hindi ako makatulog. Pakiramdam ko, may nakatingin sa akin. Tapos nai-imagine ko yung kwento ni kuya. Iniisip ko kung totoo yun o talagang duwag lang sya. Tumagilid ako, tumihaya, dumapa, wala pa rin. Mag-aalas dos na ng madaling araw nung dalawin ako ng antok. Pipikit-pikit na ako nung biglang may bumulong sa tenga ko. "N..oooo.." Napadilat agad ako. Klaro sa pandinig ko yung boses ng babae. Mabagal lang ang pagkakasabi nya pero madiin bawat salita. 'No' yung pagkakaunawa ko sa sinabi nya. Hindi ko na inisip na kung bakit english yun. Hindi rin naman siguro lahat ng multo, tagalog ang salita. Isa lang ang pumasok sa isip ko. Ayaw nyang matulog ako. Magpo-four AM, dinalaw ulit ako ng antok. Papikit na ulit ako nung biglang may malakas na humampas sa braso ko. Sa pagkakataong ito, napabangon na ako. Napatingin pa ako sa bintana para tignan kung nandoon yung pinsan kong namamato kapag nanggigising para sa simbang gabi pero walang tao. Tumingin ako sa higaan kung may nahulog lang bang butiki pero wala rin. Tinignan ko yung braso ko. Namumula yun at parang isang kamay ang bumakat dahil sa lakas ng hampas. Ayaw nya nga talaga na may natutulog sa pwesto nya.
1st year college, nagkapera na pampagawa ng isa pang kwarto kaya inangkin ko na ng tuluyan ang kwartong ito. Tinanggal na rin ang itaas ng double deck dahil hindi naman napapakinabangan kaya naging single bed na lang. At yun ang kama ko ngayon. Wala akong nararamdaman o nakikitang kahit anong kakaiba pero yung mga kasama ko sa bahay at yung mga kapitbahay, meron. Ang laging laman ng kwento nila sa akin ay yung bintana ng kwarto ko. Pare-parehas ang kwento nila. Na may babaeng nakatayo doon. Mahaba ang buhok na aabot hanggang sa puwetan. Kasing tangkad ko at palaging nakatingin sa katabing bahay. May pagkakataon pa ngang lumapit doon yung batang kapitbahay namin at inaaya daw ng laro yung babae. Nagtaka yung nanay ng bata kasi wala naman syang nakikitang kausap nito. Noong minsan naman, pumunta sa bahay yung pamangkin kong magtu-two years old pa lang. Kausap ng nanay nya ang asawa ng kuya ko. Makulit yung batang yun at maingay pero sa pagkakataong yun, tahimik sya. Ang kwento nung nanay sa akin, nakita nilang nakatayo yung bata sa tapat ng kwarto ko. Nakabukas daw yung pinto (Na lagi kong sinasara kapag umaalis ako. Baka kasi pakialaman ng mga bata yung mga gamit ko.) Nakatingala daw yung bata na parang may tinititigan tapos bigla na lang umiyak ng sobrang lakas at nagtatakbo papunta sa nanay nya. Hindi namin alam kung anong nakita nya pero alam kong sobrang nakakatakot nun para umiyak sya ng ganun. Simula nun, kahit anong pilit ko sa pamangkin ko, hindi na sya pumapasok ng kwarto ko.
Madami pang nangyari. Araw-araw yata may kwento pero sobrang komportable naman ako sa kwarto ko ngayon. Ewan ko kung hanggang kailan sya dito but I don't really mind if she'll be my roommate for a lifetime. At least, may tagabantay ako ng kwarto.
Mac
Land of Macaroni
BINABASA MO ANG
Scary Stories 2
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! Highest Rank : #3 in horror (03/20/2018) Consistent Rank : #6 (2018-Present) ciao /sheree