50th Madness

1.9K 54 2
                                    

... Pagpapatuloy

Kinagabihan ay binalikan ni Zephyr ang pandayan subalit hindi siya nakalapit man lang doon sapagkat napakarami ng tao, idagdag pa na naroroon ang awtoridad!

Nakasilip siya sa maliit ng siwang sa pagitan ng dalawang pesante. Nakita niya mula dun ang punong tagasiyasat na nasa kalagitnaan ng pagtatanong sa isang residente.

"—Ang sinasabi mo ay kilala mo kung sino ang pumaslang sa lahat ng panday dito sa pagawaan. Madidiskubre mo ba siya sakaling magkaharap kayo?"

Nagkrus ng balikat ang bungal na siyang tinatanong. "Hah! Syempre! Mahirap makalimutan ang mukha ng binatang si Zenith! Aba'y siya kaya ang tampulan ng paghanga ng mga kababaihan dito! Di ko lang talaga sukat akalain na magagawa niya ang isang karumal dumal na krimen!"

Sapat na ang narinig ni Zephyr para lumayo siya ng pandayan. Malaki ang pagkakahawig niya kay Zenith kaya hindi na niya maaaring ipakita pa ang mukha sa madla.

Ngunit si Zenith? Saan iyon nagtungo? Ginawa nga ba nito ang krimen kaya't nagtatago ito ngayon? Atsaka nangako siyang babalikan ito. Wala ba itong tiwala sa binitawan niyang salita?

Kakaisip ay napadpad si Zephyr sa pampang. Napansin niya ang isang lumang bangkang hindi nakagapos at nagpapalutang lutang lamang. Nakasayad ang lubid niyon sa mabatong bahagi ng pampang.

Kinuha niya ang lubid at saka hinila ang bangka. Kahit kailan ay hindi pa siya nakakasakay ng isang maliit na bangka bagaman may karanasan na siya sa pagsakay sa pagoda tuwing panahon ng pag aani at sa galyon kapag may paanyaya sa kanya ang mga pinsan mula sa kontinente ng Serion.

Ah! Ngayon na ang tamang panahon para maranasan niya ang pagbabangka nang mag isa!

Swerteng may munting sagwan na nasa sahig ng bangka. Bahagyang natakot si Zephyr nang ihakbang niya ang isang paa sa loob ng bangka sapagkat gumewang iyon na animo'y mawawalan ng balanse at tataob; ngunit napagtagumpayan naman niya ang pagsakay dito kapagdaka.

Ibang iba ang pakiramdam niya sa kanyang pag upo. Ang mundo niya ay biglang lumiit kumpara sa lawak at haba ng katubigan na nasa kanyang harapan.

Impit siyang natawa sa sarili habang nagsasagwan. Ni ayaw sumunod sa pagmamaniobra niya ang bangka. Hiningal siya nang husto pagdating niya sa pinakagitna ng ilog. Malapit na pala siya sa misteryosong hamog na iniiwasan ng mga tao.

Mas lalong gumanda sa paningin niya ang ilog mula sa kinapepwestohan ng bangka. Direkta kasi doong tumatama ang sinag na nagmumula sa bilog na buwan. Inalis ni Zephyr ang suot niyang gwantes at parang batang kinawkaw ang malinis na tubig.

Splash! Splash! Spl—!

Napatda siya nung parang may nakita siyang mukha na nakalubog sa ilalim ng tubig! Dilat ang mga mata niyon at nakatitig sa kanya! Nawala sa isip niyang maliit nga lang pala ang espasyo ng sinasakyan niya. Ang malakas na paggalaw niya ay sapat para mapatagilid ang bangka.

Forlorn Madness 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon