"LARGA na!" masiglang sigaw ng kasador o announcer sa mikropono.
Nalilitong napatingin sa paligid si Joan nang makitang sumugod sa gitna ng arena ang kaniyang mga kapwa kristo. 'Kristo' ang tawag sa mga nangongolekta ng pusta mula sa mga manonood ng sabong. Pagkikristo din mismo ang sideline ng kaniyang Kuya Kobi bukod sa pamamasada ng padyak na pagmamay-ari ng iba sa pinakabayan ng Mandaon, Masbate.
Pinanood ni Joan ang mga kristo na nakaputing T-shirt din tulad niya, mga kalalakihan na may iba't ibang hitsura at edad. Nakalahad, nakataas, at panay ang senyas ng mga kamay ng mga ito. Matalas ang kanilang mga mata sa pagtunton sa mga manonood na gustong magtrabesiya o pumusta sa manok ng mga mananabong na pinagsisilbihan ng bawat kristo.
Nilingon ni Joan ang isang matandang lalaki. Puti ang bawat hibla ng manipis nitong buhok, buhay na buhay ang kislap sa mga mata na nakikipagtalo sa pagiging itim at abuhin ng mga ito sa likuran ng makipot na reading glasses. Nakita niyang sa kabila ng dami ng tinatanggap nitong mga pusta ay walang-palya ang bilis nito sa pag-accommodate sa bawat isa sa mga mananaya. Watching his frail hands with slight hanging skin flail and wave in the air and shifting finger signs made him look like a magician—a master with the sleight of hand.
Nahihiya man, kailangang makadiskarte ni Joan. Hindi puwedeng makahalata si Señor Ernesto at ang mga tauhan nitong wala siyang muwang pagdating sa sabong dahil kung hindi, kawawa ang kaniyang Kuya Kobi. Mas mabuti nang may maiuwi siyang pera at mapagsabihan ng kaniyang kapatid kaysa umuwi na nga siyang walang dala, makatikim pa sila ng kaniyang kuya ng galit mula sa isang Dela Fuente.
"Excuse me po, manong." Joan smiled as friendly as she could.
Nagsalubong ang mga kilay ng matanda. Nagmukha itong masungit sa ginawa. Nakuha na ni Joan ang atensiyon nito, kaya huli na para umatras pa siya.
"Patulong naman ho. Hindi ako maalam sa ganito, e."
The old man released an arrogant scoff. Nanliit tuloy siya at napayuko. "Ano'ng tulong ang kailangan mo, bata?"
Nabuhayan siya ng loob sa narinig. Pag-angat ni Joan ng tingin, nakapokus na uli ang matanda sa pagtanggap ng mga trabesiya. Palitan ng makahulugang tingin at hand signals lang ang ginagawa nito pero sisiw na sisiw lang ang trabaho para dito. Isabay pa na kasalukuyan siyang kinakausap nito.
"Paano ba 'to ginagawa? Bakit may mga hand signal at bakit . . ."
"Isinalang mo ang sarili mo sa laban nang hindi ka handa, bata," natatawang iling nito. Tawa na hindi natutuwa sa kaniya, matunog ang kalakip na sarkasmo. "Para kanino ka ba nagtatrabaho?"
"Sa mga Dela Fuente."
"Kanino?"
Nilakasan pa niya ang boses dahil sa umuugong na ingay ng mga patron at kristo na nagpapalitan ng senyas at sigawan. "Sa mga Dela Fuente!"
Napapalatak ito ng mura sa pagitan ng mga ngipin na malaki ang mga agwat. "Tangina, bata." Pagkatapos ay tinanaw nito ang kristo na nasa kabilang tabi nito. "Sa amin 'yong pusta na 'yon!"
"Gago, sa akin sumesenyas, e!" sagot ng bagong kausap nito.
"Linawan mo nga 'yang mga mata mo!" At kumaway ito sa pinag-aagawan nilang mananaya.
Kalaonan ay tumango rin ito bilang pagsang-ayon na sa matanda nga tumataya ang mananaya. Maasim ang mukha na nag-iwas na lang ng tingin ang kaagaw ng kausap ni Joan.
Ilang saglit din inabala ng matanda ang sarili sa trabaho at ilang ulit na nagtaas ng isang daliri para kumpirmahin kung magkano ang pusta ng kausap nito bago siya binalikan. "May cell phone ka?"
"Ho?" gulat niyang bulalas.
"May cell phone ka?"
"O-Opo," mahina niyang sagot.
BINABASA MO ANG
Pinagsoltada
General FictionErnesto Dela Fuente did everything to please the people around him, particularly his father. He even tied himself into a marriage that was purely for their business' convenience. Eventually, he was already fathering a child. He became this responsib...