47

360 7 2
                                        

December 26, 2004 . . .

MAAGANG gumising si Joan. Natagalan siya sa paghihintay kay Dario para kunin si Kapitan at dalhin sa barnhouse kung nasaan ang mga manok-panabong ni Señor Ernesto. May iniinda pa kasing injury si Kapitan kaya mainam kung nababantayan ito ng mga handler ng manok ni Señor Ernesto habang nasa trabaho siya.

Kailangan na ni Joan pumasok sa trabaho kaya sa huli, iniwan niya ang tandang na nasa kulungan nito sa tapat ng pinto ng kaniyang bungalow, kung saan hindi ito maiinitan. Iniwan din niyang hindi naka-lock ang gate para makapasok si Dario at makuha ang kaniyang alagang manok.

Pagkatapos, naglakad na si Joan sukbit ang kaniyang backpack papunta sa poultry house. Wala siya masyadong nasalubong na mga tao sa daan, pero may ilang bahay siyang nadaanan kung saan may mga tao sa bakuran ng mga ito. Ang ilan ay nagwawalis. May nakatambay at nagkakape o 'di kaya ay nakikipagkuwentuhan sa kapitbahay. Pero lahat sila, napapatingin sa kaniya nang masama tuwing nakikita siya.

Noong una, hindi iyon binigyang-kahulugan ni Joan. Pero nang tumatlo na ang tumitingin sa kaniya nang matalim, doon na siya nabahala. Minadali tuloy niya ang paglalakad at pinanatiling nakayuko ang kaniyang ulo.

Mas dumami ang tao na nasalubong niya habang palapit na siya sa poultry house. Sa entrance nito, nakasabay niya ang mga katrabaho. At katulad ng mga taong nadaanan niya kanina, tinapunan din siya ng mga ito ng nang-uuyam na tingin. Ang iba pa nga ay ngumisi nang nakaloloko sabay bubulong sa katabi nito o sa kasabay sa pagpasok sa poultry house.

'Ang kapal din niya, nano? Nahuli na nga siya ni Ma'am Allyssa, narito pa rin siya sa hacienda.'

'E, ano ang laban ni Ma'am Allyssa kung malakas ang kapit niya kay Señor Ernesto?'

Napatigil tuloy si Joan sa paglalakad.

Tumambol ang kaba sa kaniyang dibdib nang mag-sink in sa kaniya kung tungkol saan ang pinagbubulongan ng ilan sa kaniyang mga katrabaho.

Sigurado siyang may kinalaman ito sa pagsugod nina Allyssa sa kaniyang bahay nitong nakaraan. May kinalaman ito noong natiyempuhan ng señora na naroon si Señor Ernesto at kasama niya.

Iyon pa rin ang gumugulo sa isip ni Joan sa kalagitnaan ng kaniyang pagtatrabaho. Katabi niya ang sariling push cart na may nakalagay na magkakapatong na tray ng itlog. Nakatayo siya sa tapat ng isang layer house at kinakapa sa ilalim nito kung may itlog na naiwan dahil minsan nai-stuck ito sa dayami na nilalakaran ng mga nakakulong na inahin imbes na gumulong patungo sa tray kung saan nila ito dinadampot.

Habang kumakapa si Joan, lumapit sa kaniya ang isa niyang katrabaho.

"Naku, nabasag ang mga itlog," nakangisi nitong saad kaya gulat siyang napatingin dito bago niya kabadong inilipat ang tingin sa tray ng mga itlog.

Nakita niyang maayos pa naman na magkakapatong ang tray mga ito sa push cart pero sa isang iglap, sinagi ng siko ng babae ang hawakan ng push cart niya kaya patagilid itong natumba.

Nakabibingi ang pagkabasag ng mga itlog at ang pagkalansing ng bakal ng push cart. Nagkalat ang mga tray na gawa sa karton na nabudburan ng mga balat ng itlog at nalubluban ng dilaw at puti ng mga ito.

"Naku, ibabawas 'yan sa s'weldo mo," singhap ng babae na halatang pinepeke ang pag-aalala para sa kaniya at umaakto na parang walang-kinalaman sa pagkabasag ng mga itlog.

Napatitig lang si Joan sa nagkalat na mga tray at basag na itlog sa sahig. Kahit nakatutok doon ang kaniyang yingin, hindi lingid sa kaniya na pinaligiran na siya ng iba pang mga katrabaho at kumalat ang tila excited na bulong-bulungan ng mga ito. Ang ilan pa nga ay napapabungisngis.

PinagsoltadaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon