MADILIM pa sa labas pero gising na si Joan.
Mga alas-tres o alas-kuwatro pa lang ng madaling araw pero naigugol na niya ang unang sampung minuto sa pagbangon mula sa higaan at ang mga sumunod na oras sa pagmamadaling maligo kahit malamig ang tubig. Mas gusto rin niyang nagyeyelo sa lamig ang pinapaligo para gising na gising siya kapag sinimulan ang mga gawaing-bahay.
Nagligpit siya ng tinulugang papag. Pagkatapos, naglinis naman sa sala at sa harapan ng kanilang tagpi-tagping kubo na tinitirahan. Sumisilip na ang araw sa kalangitan nang lumabas ang usok sa nguso ng luma at may ilang yupi nang aluminum na takure. Isinalin niya ang tubig sa thermos at inilapag ang thermos sa nag-iisang mesa sa kanilang bahay na kinakainan din nila ng kaniyang kapatid.
Dahil masama ang pakiramdam ng kaniyang Kuya Kobi, siya na ang nagkusang ipagtimpla ito ng mainit na kape. Napagkakasya nila ang isang stick ng sachet ng kape para sa kanilang dalawa. Habang umuusok ang kape sa isang mug na maayos at sa isa namang basag na ang manipis na hawakan, nagsinangag siya ng tirang kanin mula sa kanilang hapunan kagabi. 'Tapos, nangutang na naman siya sa kalapit na tindahan para may maiulam na sardinas.
Para dumami-dami kahit papaano ang ulam, ginisa niya ang sardinas sa bawang at sibuyas. 'Tapos sinabawan. Dinamihan niya ang sabaw kahit alam niyang tatabang nang kaunti ang lasa ng kanilang uulamin. Ano ba naman ang pakialam nila kung matabang ang pagkain? Ang importante, marami ang makain nilang magkapatid at mabusog sila.
Mainit-init pa ang sinabawang sardinas nang ilapag ang pinaglutuang kaldero nito sa mesa. Medyo tumabingi ang kaldero na yupi na ang bandang gilid ng puwitan.
Ipinunas ni Joan ang mga kamay sa laylayan ng suot na T-shirt bago hinawi ang kurtina. Kurtina lang kasi ang nagsisilbing mga pinto sa kani-kaniyang tulugan nila ng kaniyang kapatid.
Sinilip niya mula sa labas ng kuwarto nito si Kobi. Lumambot ang ekspresiyon sa kaniyang mukha habang pinagmamasdan ang mahimbing na natutulog na kapatid.
'Tuwing may sakit lang siya napapahimbing ng tulog. Tuwing may sakit lang siya nakatutulog nang mahaba-haba,' malungkot niyang isip. Nanghinayang tuloy si Joan na gisingin ang kapatid.
Umatras siya at pumuwesto ng upo sa harap ng hapag. Pinagmasdan niya ang mga hinandang pagkain.
'Ipagtatabi ko na lang ng pagkain si Kuya.' Napatingin siya sa mga mug ng kape. ''Yong mga kape naman . . .'
Joan sighed. Kahit abalahin pa niya nang abalahin ang sarili, hindi pa rin mawala-wala sa kaniyang isip ang nangyari kahapon sa sabungan.
'Lalo akong kinakabahan. Bakit kaya hindi pa ako sinusugod dito ng mga Dela Fuente? Bakit hindi man lang nila kinokontak si Kuya Kobi?' Napalunok siya. 'Ang hirap paniwalaan pero nang dahil sa sinimulan kong gulo, na-postpone ang sabong kahapon.'
She flinched.
'Kung susugurin nila ako, sana naman magaling na si Kuya Kobi. May sakit na nga siya, lalo ko pang i-stress-in—'
Napakislot siya nang makarinig ng sunod-sunod na ubo mula sa kaniyang likuran. At saka lang namalayan ni Joan na nakatukod na pala sa mesa ang kaniyang siko at nakasabunot na sa kaniyang buhok na malapit sa kaniyang noo dahil sa sobrang pag-iisip.
Nalingunan niya si Kobi na nakalapit na sa mesa.
"Umagang-umaga, nakapalumbaba ka riyan," upo nito sa tabi niya, gusot ang mukha bago humarap sa ibang direksiyon para umubo. "Malas 'yan."
"Nadagdagan na naman kasi ang utang natin," nakalabing dahilan ni Joan.
Nagsinungaling siya dahil wala pa siyang lakas ng loob para sabihin sa kapatid ang kaniyang problema. Malalaman din naman nito iyon pero mas gusto niyang sa kaniya nito mismo unang malaman kaysa mula sa ibang tao pa. Kaya lang, wala talaga. Natatakot pa siya sa magiging reaksiyon nito kaya hindi niya masabi ang nangyari sa sabungan kahapon.
BINABASA MO ANG
Pinagsoltada
General FictionErnesto Dela Fuente did everything to please the people around him, particularly his father. He even tied himself into a marriage that was purely for their business' convenience. Eventually, he was already fathering a child. He became this responsib...