48

353 9 3
                                        

KANINANG tanghali, umuwi si Joan sa bahay para maligo at magpalit ng damit. 'Aksidente' kasi siyang nasabuyan ng maruming tubig mula sa isa sa mga bahay na kaniyang nadaanan.

Sa bahay na rin siya nagtanghalian. Minadali pa nga niya ang pagkain para mabisita saglit si Kapitan at makumusta ang kalagayan nito mula sa pakikipag-sparring.

Pero nasa pintuan pa lang si Joan ay tumambad na sa kaniya ang nagkalat na mga basura sa kaniyang bakuran. Naaktuhan pa niya ang kaniyang mismong kabitbahay na may hawak na puting plastik at itinaas ito para ihulog sa kaniyang bakod ang laman nitong mga basura—mula sa mga tinik at tira-tirang isda hanggang sa balat ng saging at mga maliliit na sachet ng shampoo.

Nang mapatitig siya rito, nginisihan lang siya ng matandang lalaki bago nito initsa ang walang-lamang plastik sa kaniyang bakuran at bumalik sa loob ng bahay nito.

Napabuntonghininga na lang si Joan at ini-lock ang pinto ng bahay. Inisip niya kasi na lilinisin na lang niya ang kalat pag-uwi kinagabihan. Sigurado kasi siya na madadagdagan pa ito dahil aware na siya kung bakit pinagkakaisahan siya ng mga katrabaho at kapitbahay sa hacienda.

Habang maingat na humahakbang sa bakuran para hindi makatapak ng basura, pilit niyang iniisip kung bakit galit na galit sa kaniya ang mga tao. Ni wala ngang katotohanan ang kumakalat na mga tsismis!

'Inaapi ba ako ng mga tao rito dahil napakasama kong tao o dahil sa sobrang pag-idolo at pagmamahal nila para kay Señora? O dahil sina Ma'am Allyssa ang nagbibigay ng hanap-buhay at nagpapakain sa kanila? Gusto lang ba talaga nilang ipagtanggol si Señora mula sa mga nananakit sa kan'ya o pinag-iinitan lang ba talaga nila ako?'

Malapit na si Joan sa gate nang magsulputan na ang mga galit niyang kapitbahay. Halatang pinaghandaan ng mga ito ang paglabas niya ng gate dahil may bitbit silang mga timba ng maruming tubig at kani-kaniyang mga nakaplastik na basura.

Pinagbabato siya ng mga ito at ang nakahihindik dito ay mukhang nag-e-enjoy sila sa ginagawa sa kaniya. May mga dumadakot pa ng lupa at dahil maalikabok ang lupa sa kapitbahayanan nila, nagiging putik ito kapag binabasa nila ng tubig galing sa dala nilang timba. Sa oras na magputik ito, mabilis nilang ibinabato ito kay Joan.

Bukod sa mga basura at putik, binato rin siya ng mga ito ng mga masasakit na salita.

"Dapat lang 'yan sa 'yo, malandi!"

"Ang kapal ng mukha mo!"

"Sabi na nga ba, nasa loob ang kulo nito, e!"

"P*kpok!"

"Kaya pala hatid-sundo ka ni Sir! Napagaling mong sawa ka!"

Ipinangsalag ni Joan mula sa mga ito ang sarili niyang mga braso. Ayaw niyang atrasan ang mga ito pero may bumato na sa kaniya ng mga bato kaya naiiyak na tumakbo siya pabalik sa bahay. Halos madapa pa siya nang makatapak ng ilan sa mga basura na nagkalat sa kaniyang bakuran.

Manginig-nginig ang kaniyang mga kamay habang sinususian ang pinto. 'Para silang mga sinaunang tao kung umakto. Hindi ko maunawaan kung bakit nagpapakababa sila nang ganito nang dahil lang sa isang walang-basehang akusasyon!'

Kinailangan niyang i-lock ang pinto at mga isara ang mga bintana dahil nakapasok na ang mga tao sa bakuran at talagang hinabol siya ng mga ito at ng mga basura't putik na kanilang ibinabato sa kaniya.

Buong hapon siyang umiyak nang umiyak habang nakaupo at nakasandal sa saradong pinto ng bahay.

Dapit-hapon na nang mahimasmasan si Joan. Tumigil na rin ang panggugulo ng mga kapitbahay kaya muli siyang naligo at nagbihis.

PinagsoltadaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon