" Nagpapasalamat ako ginoong Sanzumaru sa kabaitan ninyo. Sa totoo lang sa digmaang ito kung saan kayo at mga amerikano ang siya talagang unang magkaaway at nadadamay kaming mga Pilipino ay may kabutihan pa rin kayo sa amin." Tanging nasabi ko kay Sanzumaru.
" Ang ginagawa naming ito ay tungkulin namin para sa bayan. Bagamat may dugo akong Pilipino pero bilang isang sundalo ng bansa namin ay tungkulin kong gampanan ang bagay na ito. Ang bansang ito ay hawak ng mga Amerikano......may rason kung bakit narito kami. Para ibigay sa inyo ang tunay na kalayaan. Ang Pilipinas ay para sa Pilipino, ang Asya ay para sa mga Asyano."
Napangiti ako sa sinabi ni Sanzumaru. Napakagandang pakinggan ng sinabi niya at ang layunin nito. Pero hindi niya hawak ang lahat ng maaring mangyari sa mga susunod na araw na maaring magdulot ng kapahamakan sa lahat ng tao....Pilipino man, Amerikano at silang mga mananakop. Marahil hindi niya alam na sa pagdeklara ng commonwealth govt ay unti-unti ng ibinibigay ng bansan Amerika ang ating kalayaan mula sa kanilang pananakop. At ngayon naman ay silang mga hapones ang hahadlang sa kalayaang iyon.
Agad kaming naglakad palabas ng garrison. Pero minarapat ni Sanzumaru na kami ay maglakad. Nakasunod lang sa amin ang ilang sundalong hapones. Katulad ng dati ang pagiging magalang ni Sanzumaru sa nakatatanda ang makikita sa kanya. Nakita pa siya ng ilang bata na nakita namin sa may dalampasigan at agad nagtakbuhan ang mga ito palapit sa kanya. Dumukot ito ng ilang pirasong kendi sa kanyang bulsa at binigyan isa-isa. Agad nagpasalamat ang mga bata na tuwang-tuwa. Nakangiti namang tinatanaw ni Sanzumaru ang mga ito.
" Naaalala nyo po ba ang anak ninyo?" Tanong ko sa kanya.
" Walang araw na hindi ko naaalala ang aking pamilya. Masakit sa akin ang aming pagkawalay pero pansamantala lang ito. Sana makabalik pa akong buhay sa aming bansa dahil ipinangako ko sa aking anak na anumang mangyayari sa akin ay dapat maging matatag siya. Napakabata pa ng aking anak para maintindihan ako pero iyon ang nararapat."
Nagpatuloy kami sa paglalakad habang nagkukuwento si Sanzumaru tungkol sa kanyang pamilya. Naroong natatawa siya kapag nababanggit ang kanyang anak na si Hiro, nalulungkot kapag ang kanyang asawang buntis naman ang naalala. Isa nga siyang ama, isang mabuting ama na tanging hangad ay mapabuti ang kanyang pamilya.
Humantong kami sa medyo may kalayuan na sa centro ng Barcelona. Ang baryo San Isidro ang sabi ng nakausap naming mga taong naroon. Malawak ang palayan at sa ibang lupain ay may mga taniman ng gulay. Sa tulong namin ay kinausap ni Sanzumaru ang mga magsasaka. Lubos kaming humanga na magkaibigan maging ang ilang magsasaka dahil sa kaalaman nito sa pagsasaka. Naalala ko na lumaki nga pala siya sa isang ama na pagsasaka ang naging buhay sa bansang Japan. May ilan pang magsasaka ang nagbigay ng ilang gulay at prutas kay Sanzumaru. Tinatanggihan sana nito pero nagpumilit ang mga magsasaka. Alam kong tulad namin ay magaan ang loob nila sa batang opisyal na sundalong hapones na palaging nakangiti sa mga tao. Kaya maski papaano ay nababawasan ang takot nila sa mga hapones....pero hanggang saan...
Habang bumibiyahe na kami pabalik ng garrison ay bigla na lang natigilan kami dahil sa gilid ng kalsada ay may pinagkukumpulan ang mga tao.
Agad kaming bumaba at nakita naming may isang bata ang tumitirik ang mata na kalong ng ina. Umiiyak na ito at hindi na makatayo. Agad naming tinignang magkaibigan ang kalagayan ng bata.
" Sobrang taas ng lagnat ng anak ninyo ate! Kaya siya kinukumbulsyon! Kailangang madala siya sa Hospital!"
" Walang hospital dito sa bayan! Maging ang klinika ay sarado...wala akong gamot para sa anak ko...tulungan nyo kami!" Nagmamakaawang sagot ng ale. Agad kong kinausap si Sanzumaru na agad siyang tumugon at pinasakay na namin ang magina sa sasakyan. Sa garrison ay may infirmary. Doon ay may nurse din sila na tulad namin. Maging doktor ay mayroon din sila. Lumuwag ang pakiramdam ko sa narinig dahil may malaking tulong din pala ang pananakop ng mga hapon sa mga mamamayan sa bayang ito sa oras ng pangangailangan.
BINABASA MO ANG
IN ANOTHER PLACE AND TIME
Ficción históricaCompleted 081717 #1 in Timetravel 020819 #5 in His Fic 031518 #2 in His Fic 062317 #3 in His Fic 062217 Samahan po natin ang magbestfriend na Almira at Theo sa kanilang adventures sa nakaraan. Magkaibigang puno ng kasiyahan sa kabila ng minsay nakak...