Summer Scares 2021 continues. Will start posting on Maundy Thursday.Thanks.
××××××××
Year 2005. Buwan ng Mayo at bakasyon noon. At dahil walang pasok, ang gaya kong anim na taong gulang ay nasa labas ng bahay at mag hapong naglalaro. Lalo na tuwing bakasyon, umuuwi ang mga pinsan ko galing sa ibang lugar at nagtitipon kaming lahat sa ancestral house ng lola namin. Ang nasabing ancestral house ay tahanan ng nanay ko noong dalaga pa lamang siya.Sa isang compound na iyon, tatlong bahay ang nakatayo. Ang ancestral house ang nasa gitna at sa harap nito ay may hindi kalakihang lupain na kung saan kami naglalaro. Ang bakanteng lupain na iyon ay may malaking puno ng mangga sa harap na katabi ng gate. Doon sa mangga kami palaging sumisilong tuwing siesta, pero imbes na matulog, paglalaro ng kung anu-ano ang inaatupag namin.
Isang araw, napaaga kami ng punta sa ilalim ng puno ng mangga na nagsisilbing tagpuan naming mga magpipinsan. Umuwi kasi ang pinsan naming kambal na nakatira sa Piat. Sa normal na araw, apat lang kaming naglalaro. Pero noong araw na iyon ay nadagdagan kami ng dalawa. At gaya ng dating gawi, pagkababa pa lang ng kambal mula sa sasakyan nila ay diretso takbo na agad sila sa silong ng mangga kung saan kami nag-hihintay. Hudyat ng pagsisimula ng laro namin.
Napili naming maglaro ng taguan dahil medyo marami kami nang araw na iyon. Hindi ko na tanda kung sino ang taya pero diretso takbo ako noon sa gilid ng bahay nila Krissy kung nasaan ang bakuran nila. Kaso pagtingin ko sa likod ng mga rosas, hayun at naroon na siyang nakayuko. Kaya tinakbo ko na lang hanggang sa likod at dun ako sa nagtago sa dirty kitchen nila.
Na sana pala ay hindi ko ginawa.
Mahigpit na bilin sa'min ng lola namin na huwag pumunta sa likurang bahagi ng bahay nila Krissy (o yung bahay na nasa kaliwang bahagi ng ancestral house) kasi kakahuyan na ang likod noon. At dahil nasa probinsya kami, uso ang mga kwentong kababalaghan gaya ng mga engkanto, maligno, at mga lamang lupa.
Pero nang sandaling iyon ay hindi ko iyon alintana, dahil ang nasa isip ko lang ay huwag mahuli ng taya.
"GAME?" mula sa pinagtataguan ko ay rinig ko ang sigaw ng taya na kasalukuyang nakasandal sa katawan ng puno ng mangga at naghihintay matapos ang sampung segundo para hanapin kami.
Sandali akong nag-isip kung sakto na ba ang lugar na pinagtaguan ko. Tingin ko kasi ay madali akong mahanap dito kung kaya't nang muling sumigaw ang taya ng "GAME?" ay buong lakas akong sumigaw ng–
"TIME!"
Saka ako tumakbo sa kabilang bahagi ng bahay at naisipan na lang mag tago sa garahe nila Krissy at siniksik ko ang sarili ko sa likod ng van nila.
Kinagabihan ay nilagnat ako. Ang akala kong simpleng lagnat na dulot lang ng paglalaro ay inabot ng isang linggo. On and off ang lagnat ko noon. Kung sa umaga ay maayos ang lagay ko, pagdating ng takip silim ay inaapoy ang katawan ko sa init ng aking temperatura. Pinainom na ako ng gamot. Ang akala pa nila'y dengue pero dinala na ako sa hospital noon at wala namang findings ang doctor maliban sa simpleng lagnat. Patuloy na ako noon sa pag-inom ng gamot ngunit walang pagbabago sa aking kondisyon hanggang sa abutin pa ito ng ilang araw.
May isang umaga kung saan nasa sala ako't nanonood. Ang bench na hinihigaan ko ay may katabing lamesa ngunit hindi ito masyadong nakadikit. Saka lang ito itinatabi kung nakatulog na ako para di ako mahulog kung sakali.
Habang nakatitig ako sa telebisyon ay may nahagip ang mata ko sa ibaba, parang may anino na nakaluhod sa tiles na nasa ibaba lang ng bench na hinihigaan ko, doon mismo sa tabi ng lamesa.
Unti-unti ko itong tinignan. At ganun na lang ang pagka-gimbal ko dahil habang dahan-dahan kong ibinabaling ang tingin ko rito ay siya ring dahan-dahang pag lingon niya sakin.
Bata. Lalake. Maputla ang balat na halos kulay berde. Parang nalunod. At sa kanang mata niya, may malaki itong pasa. Sobrang itim ng kulay na parang binugbog. Hanggang ngayon, matapos ang higit isang dekada ay tanda ko pa rin ang itsura niya.
Dali-dali akong nagtalukbong ng kumot. Halos di ako noon makasigaw at makahingi ng tulong sa tatay kong nasa kusina at nagluluto.
Simula nun ay patuloy na akong nakakakita ng kung anu-ano. Mayroong nakikita ko pa ang nanay kong humahaba ang kamay na parang kinukuha ako. Sumisigaw ako noon at umiiyak at pilit pinipikit ang mga mata ko. Ngunit pagkadilat ay kamay niya lang pala at gusto niya akong subuan ng gamot.
Meron pa ngang kahit kaluluwa ng hayop ay ginagambala ako. Katatapos ko noon naligo at pumunta ako sa kwarto ng parents ko para manalamin kasi sila lang ang may malaking salamin na kita mula ulo hanggang paa. Nagsusuklay ako 'nun habang nakatingin sa salamin nang magulat ako dahil sa biglaang pagpasok ng aso namin at tumakbo ito sa loob ng silid, inikutan pa ako bago tuluyang lumabas. Napasigaw ako noon dahil sa agresibong galaw ng aso na sa sobrang bilis ay parang anino na lang ang nakita ko rito. Agad ko itong sinumbong kay papa. Pero nagulat ako nang sabihin ni papa na nasa kulungan naman pala ang aso namin at nakatali pa.
Sa ilang araw akong nilagnat ay ilang mga kaluluwa ang nakita ko. Nang malaman ng mga lola ko na hindi pa rin ako gumagaling ay dinala na nila ako sa isang albularyo.
Hindi ko na tanda ang ano mang ritwal na ginawa sa'kin. Ang alam ko na lang ay nag-katay ang tatay ko noon ng manok. Bumili rin ang nanay ko ng kung anu-ano. At nang bandang dapit hapon, sinama nila ako at nag tungo kami sa ancestral house. Nagtaka ako nang pumunta sila sa likod ng bahay nina Krissy, kung saan ako noon nag tago. Nilagpasan namin ito at dumiretso kami sa mga kakahuyan. Huminto na lamanv kami sa isang puno at ibinibaba ang mga pagkaing dala nila. May mga inuusal sila noong salita na hindi ko maintindihan. Lumipas ang ilang minuto ay ibinaba ako ng nanay ko na noo'y bitbit ako. Saka nito sinabing, "Anak, mag-sorry ka sa kanila."
Hindi ko noon mainindihan kung bakit ako magso-sorry sa isang puno. Pero dahil gusto ko nang gumaling sa aking sakit ay humingi ako ng tawad. At kinaumagahan, nawala na ang ko.
Doon ko na lang nalaman na kaya pala kami pinagbabawalang pumunta sa lugar na iyon ay dahil pinaniniwalaang may nuno na naninirahan doon. Marahil ay nagambala ko sila. At dun na sumagi sa isip ko ang ginawa kong pag sigaw na nakapemerwisyo sa mga hindi nakikitang nilalang.
Nais ko lang sabihin na wag tayong maging pasaway sa mga bagay na ibinibilin sa atin. Hindi man ito kayang ipaliwanag ng siyensya, wala pa ring mawawala kung tayo ay susunod sa sinasabi ng mga nakakatanda.
–Finding Rory, 022321
BINABASA MO ANG
Ghost Stories Compilation(Summer Scares)
HorrorEvery Summer u may have scary & unusual experiences, this serie presents compiled unusual stories that happens in Summer... What happens in Summer, tales of different people & their encounters.