1996. Walong taong gulang lamang ako ng mga panahong iyon. Payak lamang ang pamumuhay namin sa probinsya, wala kaming kuryente at gawa sa nipa at kawayan ang bahay namin noon. Pero sa awa ng Diyos, nakakakain pa rin kami ng tatlong beses sa isang araw. Sagana kami sa gulay, prutas atbp.
Ang bahay namin ay napapalibutan ng naglalakihang mga puno, halaman, at sa di kalayuan ay gubat na.
Madalas may dalang diyaryo ang lolo ko kapag bumibili sya ng tabako sa tyangge ng aking tiyo, binabasa ko iyon pagkatapos maghapunan bilang libangan. Gabi noon. Excited ako sa bagong dalang dyaryo ni lolo. Excited ako sa kwento ni Pugad Baboy, crosswords, mga magagandang artista at larawan ng mga masasarap na pagkain.Pagkatapos kumain ay agad kong nilapag ang dyaryo sa sahig na gawa sa kawayan, at sinimulan kong basahin ang dyaryo sa harapan ng gasera.
Maya-maya pa ay may narinig akong yabag sa labas ng bahay. Tumigil ako sa pagbabasa at pinakinggan ang yabag na iyon. Tuwing ganitong oras ay dumadaan muna sa bahay ang aking tita Janet bago manuod ng betamax sa bahay ng kapatid ng aking lola. Inaasahan ko na si Tita Janet yon, pero wala sya. Maya-maya pa ay biglang tumahol si Magic. Nagtaka ako kasi magkakilala naman sina Magic at Tita Janet.Inantay ko pa ang ilang sandali ngunit walang pumanhik sa bahay. Nasa kusina ang nanay ko, nasa kwarto naman ang lola ko, at lolo ko naman ay nagpapahinga na.
"Tita?" sabi ko. Pero walang sumagot. Biglang umihip ang malamig na hangin. Bigla na lang ako nagulat ng may lumitaw na apat na daliri ng babae sa siwang ng sahig na kawayan na kinauupuan ko. Mahaba at malinis ang mga kuko, maputi at hindi nalalayo sa mga daliri ni Tita Janet. Ngunit hindi mahaba ang kuko ni tita dahil bawal yun sa school nila! Napaisip ako sa sinabi ng lolo ko noon na madalas daw ay marami syang kagalit na mga masasamang elemento, aswang, etc dahil isa syang manggamot. Ito na kaya iyon? Pero ayaw kong maniwala. Pananakot nya lamang iyon sa akin sa gabi kapag ayaw kong matulog ng maaga. (Pero hindi biro ang dami ng mga napagaling ng aking lolo — karamihan ay mga bata, ngunit hindi sya tumatanggap ng suhol.)
"Tita, halika sa loob!" Naglakas loob akong sabihin yon para mawala ang takot ko. Ngunit nanatili lamang na nakalitaw ang mga daliring iyon. Dahan dahan akong pumatong sa diyaryo at agad kong tinawag si Nanay, ang Lolo at Lola. Ngunit bago pa nila maabutan ang daliring iyon, nawala nlng ito bigla. Naririnig ko ang papalayong yabag ng mga pagkakataong iyon.Kinaumagahan, pumunta ako sa bahay nila Tita Janet para itanong kung bakit hindi sya pumanhik sa bahay kagabi. Wala sya, nag sleepover daw sa bahay ng kaklase nya sa bayan. Pero sino ang taong iyon?
Pangalawang gabi. Nagulantang kami sa sobrang lakas ng tunog ng pagbagsak ng kung anong bagay na nagmumula sa bahay ng pinsan ng lolo ko. Alas dos ng madaling araw. Kasabay ng lagapak na iyon ang isang nakakapanindig balahibong sigaw ng pinsan ng lolo ko, "Tabang!!! (Saklolo)"
Dali-daling nagsilabasan ang mga tao, isang malakas na kalabog ang aming narinig sa bubungan nila at papalayong halinghing ng boses ng babae. Nadatnan namin ang pinsan ng lolo, si Lola Idang na umiiyak, at sira ang damit, gulo ang buhok, at may mahaba at dumudugong kalmot sa mukha lalo na sa likod. Ayon sa kanyang kwento, nagising syang may babaeng nakaupo sa kanyang bintana, buhaghag ang buhok at nakatitig sa kanya. Bago pa man sya nakabangon ay pumaimbabaw na ito at pinagkakalmot sya. Pilit syang sumigaw ngunit walang tinig na lumalabas sa kanyang mga labi. Wala syang kasama ng mga gabing iyon dahil nasa Maynila ang kanyang anak kasama ang buong pamilya nito para magbakasyon. Ayon sa kanya, malansa daw ang babae, at madulas ang katawan na parang naligo sa langis. Bigla na lamang sya pinakawalan ng babae ng may napadaang bus sa kalsada. (Malapit sa kalsada ang bahay ni Lola Idang. Ang bus na iyon ay naghahatid ng mga estudyante na nag-aaral sa kabilang syudad). Ayon sa matanda ay malamang na natamaan daw ito ng ilaw ng bus o nagulat kaya biglang tumakbo, nalaglag pa ang takip ng bintana, at dumaan sa bubong ang babaeng aswang.Noong buhay pa si Lola Idang, lagi kong naaalala ang malagim na eksenang iyon sa tuwing nakikita ko ang mahabang kalmot sa kanyang likod kapag naliligo sya sa aming poso....
BINABASA MO ANG
Ghost Stories Compilation(Summer Scares)
TerrorEvery Summer u may have scary & unusual experiences, this serie presents compiled unusual stories that happens in Summer... What happens in Summer, tales of different people & their encounters.