Summer ng 2016. Unang out of town travel naming magkakaibigan mula High School ang makapunta sa Ilocos Norte, kasama ang aming mga partners. Sobrang excited namin ni Mai kaya inagahan talaga namin ang alis ng bahay papunta sa meeting place kasi nais naming makapamili ng maayos na mauupuan sa tabe ng bintana. Pinaka una talaga kaming nakarating, at sa sobrang aga ay wala pa don ang van na susundo samin. Ilang saglit pa ay isa-isa nang nagsidatingan ang mga kaibigan pati mga kasama nila. Napakahabang byahe nito pero sigurado kong masusulit namin dahil sa dami ng pwedeng puntahan ay tiyak na bitin ang 3 days 2 nights.
Ang Kalye Crisologo, bagamat moderno na din ang ilang kalye sa paligid ay napanatili pa din nilang sinauna ang vibe nito. Maganda ang sikat ng araw kaya maaliwalas ang daan at talagang nakakaaliw mag lakad-lakad na kasabay nalilibang ang mga mata naming walang tigil ang pag tingin sa bawat bahay at panindang madadaanan namin. Sumakay kami ng kalesa ni Mai para libutin ang ilang parte ng lugar na iyon. Napaka sigla ng bawat sandali habang hawak-kamay naming iginagala ang aming mga paningin sa bawat madaraanan. Nang matapos naming marating ang iba't ibang makasaysayang museo at iba pang tanawin ay bumalik na kame lulan pa rin ng kalesa. Oras na kasi para magkita-kita na kami ng iba ko pang kasama na nilibot din ang lugar nang may kaparis. Marahan na ang patakbo ni manong dahil dumarami na rin ang turista sa kalye. Mayroong isang matanda ang pumukaw sa aking atensyon habang umaandar kami. Nakatayo sya sa gilid ng daan at nakatingen sa amin habang papadaan sa kanyang harapan. Nakasuot sya ng damit na baro't saya, mahaba at puti ang kanyang buhok. Nang makalagpas kami sa kanya ay nag aya si Mai na mag selfie kaya tinaas ko ang aking kanang kamay habang hawak ang cellphone, sabay click. Nang aking tignan ang kuha ay sinilip din ni Mai sabay sabing "Ang fresh natin dyan a".. nang aking tinitigang maigi ay agad akong nagulat nang mapansin kong nahagip sa larawan ang matandang babae. Ang kakatwa pa ay nakatingin sya at nakangiti sa lente ng aking camera na kahit malayo na ang distansya namin sa kanya ay kita mo pa rin kapag itinodo ang zoom. Agad na kinilabutan si Mai kaya pinabura nya ang kuha namin sa pag alalang may malas na dulot ito at baka mapano pa daw kami lalo na at dayo kami doon. Binura ko na din agad at napaka creepy talaga ng kanyang ngiti habang direktang nakatingen sa amin.
Kinabukasan ay maaga kaming gumising at marami-rami pa ang aming lilibutin. Bandang hapon nang pumunta kaming Pagudpud at napagpasyahang lumusong sa dagat ng mga kasama ko at di na rin kami nag pahuli. Saglit lang kameng lumangoy at nag gayak na din kame paalis at maaga palang nagsasara ang resort na iyon.
Bandang 5:30 pm nang kami ay magsimulang bumyahe na pauwi, nang biglang sinabe ni kuya driver na malapit nalang din daw ang Cape Bojeador kaya daanan na namin. Naalala ko pa nuon ang kalangitang kulay kahel na kahalo ng kulay lila dahil nga pagabe na din. Nang makarating kami sa paradahan nang sasakyan ay nagkatamaran nang sumama ang ilan sa kaibigan ko at bibili nalang daw ng souvenir sa mga tindahan doon. Kahit ako ay tinamad na din ng makita kong pataas pa ang daang aming lalakarin. "Magtricyle na tayo papunta don, sa pauwi nalang natin lakarin pababa. Sumama ka sakin at gusto kong marating yon" pagpupumilit ni Mai. Nakarating kami sa tapat ng hagdan patungo sa itaas pa kun nasan ang atraksyon. Bago ko pa ilapat ang aking paa sa unang baitang ay tiningala ko ang aming aakyatin at di ako nakaramdam ng maganda. Pero dahil sa napakarami naming kasabay na ibang turista ay binaliwala ko na lang ang aking pag aalinlangan. Nang sa wakas ay maka akyat na ay bumungad sa amin ang isang parihabang istraktura na makaluma ang mga bintana at may pasilyo sa gitna na daraanan paakyat naman sa may parola. Kaya pala pamilyar ang lugar na iyon ay dahil napanuod ko na ito bago pa man kami makapunta dito. Biglang lamig ng paligid sa ihip ng hangin. Nagbalik sa aking ala ala ang napanuod ko. Isang grupo din ng mga magkakaibigan ang bumisita sa lugar na ito at pinag pakitaan ng matandang lalaki na itim ang mga mata. Di ako nagpahalatang kabado kay Mai kahit na habang tiningnan namin ang bawat kwarto. Napapahimas nalang ako sa braso ko na nagtatayuan ang balahibo dahil naalala ko pa ang matandang lalaki na sumasayaw sa may pasilyo sa saliw ng isang kantang Ilocano ang liriko. Napaka creepy nang parteng iyon sa palabas habang andon ka mismo kung saan nangyare ang napanood mo. Kung maari lang ay bumalik na agad ako sa sasakyan pero dahil ayaw ko namang masira ang mood ni Mai at nang mga kasama ko ay pilit kong nilabanan ang kagustuhang iyon. Naka-kandado ang ilan sa mga kwartong dinaanan namin.
Dalawa lamang ang naiwang bukas at kahit na bahagyang kabado ay pumasok na din kami para tingnan kung ano ba ang nasa loob. Medyo kulob at di masyadong maliwanag. Wala naman kaming ibang nakita kundi isang kama na makaluma din ang estilo at isang aparador, di ko na maalala kung anong iba pa ang naroon. Lumabas din kami agad at pumunta na sa hagdan sa may parola. Napadasal talaga ko sa isipan nang papanik pa lang sa hagdan dahil doon din ang parteng nakaupo ang babaeng duguan ang mukha sa palabas.
Maraming tao ang nakatambay sa paligid ng lighthouse. Panay kuha ng picture ang mga turista at nakigaya na din kami. Saglit na umupo at inikot ang kapaliran dahil sarado naman ang pintong papanik sa mismong tuktok ng parola na siguradong mas maganda ang tanawin mula doon. Maya maya ay bumaba na din kame. Dumaan uli sa pasilyo at nang akmang pababa na ng hagdan ay napansin ko sa aking peripheral vision sa gawing kaliwa na may tao.. matandang babae na nakatalikod sa amin at doon na kaharap sa tanawin. Maaring naparanoid nanaman ako sa mga katatakutang naisip ko kaya di ko na uli sya nilingon at nagmadali na kaming lumakad pababa. Nang kami ay bahagyang nakalayu na at kasalukuyang bumababa ng hagdan ay napatanong si Mai na "bat nagmamadali tayong bumaba?". "Hindi ako sigurado pero parang andon yung matandang nakita natin sa kalye Crisologo. Yung nakadamit sinauna at nakatingen sa camera ko".. tugon ko. "San banda don?,wala kong napansin" pagtataka nya. Ang sabi ko naman ay hwag na lamang namin intindihin at malamang ay guni-guni ko lang yon.
Naging ligtas ang pag balik namin resort kun saan kame namamalagi. Masayang nagkukwentuhan ang lahat bago kami matulog. Pinakiramdaman ko sila kung may nakaranas ba ng kakaiba doon sa mga pinuntahan namin at dahil masigla naman silang nagbahagi nang mga nagustuhan nilang pasyalan ay di na namin ikinwento pa ni Mai ang tungkol don sa matanda.
Kinaumagahan ay pabalik na kaming Maynila, saglit na nag umagahan at nagpicture kasama ang lahat bago sumakay sa van.
Ang lugar kung nasan ang resort na pinaglagian namin ay medyo tago dahil nasa isang makipot na kalye ito na napapaligiran ng mga bahay. Habang umaandar na kami patungo sa National road ay nakatingen lamang si Mai sa bintana nang biglang .."OH MY GOD!" Sabay biglang mahigpit syang kumapit sa kaliwang braso ko. Napakadiin ng pagka pikit nya habang nakakasik-sik sa akin. Pati ang mga kasama namin sa sasakyan ay naalarma na rin. "S-sa may kanto pagliko ng sasakyan natin ay nakita ko uli ang matandang babae na nasa kalye Crisologo, kumakaway saatin habang nakangiting nandidilat ang mga mata" paglalahad ni Mai. Nagsi-lingunan ang mga kasama ko sa likod ngunit di na nila ito nakita pa. Doon ko na ikinwento ang lahat sa kanila. Nabalot tuloy ng takot ang sasakyan habang umaandar kami kaya nagmistulang may prayer meeting sa loob ng van dahil sabay-sabay kaming nagdasal habang nakakapit ang isat' isa.
-Bert
BINABASA MO ANG
Ghost Stories Compilation(Summer Scares)
HorrorEvery Summer u may have scary & unusual experiences, this serie presents compiled unusual stories that happens in Summer... What happens in Summer, tales of different people & their encounters.