Solo Backpacking

2 2 0
                                    

Solo Backpacking in Batangas

December of 2019.

Nakabirthday leave ako from work and I planned this solo backpacking trip to this island municipality. Madami ka kasing maaaring gawin dito: may magandang beach na maputi ang buhangin at parang tubig ng swimming pool ung tubig sa linaw, island hopping kung saan pupunta kayo ng ibat ibang lugar para icheck ung isang isla na may snorkling spot, kweba at mga coves.

Madaling araw pa lang, nasa istasyon na ako ng Bus.  7am, nakarating na ko sa pantalan. Nagtext na rin ako sa contact ko sa isla para malaman nila na malapit na ko. Susunduin kasi ako doon ng motor na maghahatid sa akin sa tutuluyan ko. Bumili na ako ng ticket at sumakay na sa passenger boat.

Sa may bandang harap ako ng bangka sumakay dahil mas maganda ang view. Makikita mo kasi ang probinsya ng Mindoro sa ruta na tatahakin ng bangka.

Nasa kalagitnaan na kami ng byahe ng may kumausap sa akin na katabi ko. Isang matandang Babae.

"Amang, bagong salta ka sa isla ano?" Tanong ng lola.

"Opo lola. First time kong pupunta dito. Kayo po? Taga doon ba kayo?"

"Oo amang. Dumalaw ako sa mga kamag anak ko sa Bayan kahapon at ngayon ako uuwi" tugon nya.

"Ang swerte nyo po lola, ang ganda dito sa lugar nyo." sabi ko sa kanya. Totoo naman dahil nasa bangka pa lang kami ay sadyang ang ganda na ng tanawin, presko pa ang hangin.

"Maganda nga nako, pero mag ingat ka. Wala kang alam dito sa amin"

Nagulat ako sa sinabi ni Lola "Ano po?"

"Wag kang tatanggap ng kung ano ano sa kung sino sino." Tanging tugon ni lola.

"Sige po." Yun na lang ang tugon ko sa matanda.

Nakarating na kami sa isla at nauna na akong bumaba since nasa unahan ako. Nakita ko na rin ung sundo ko. Umangkas na ko sa Motor para makadating na agad sa Beach House  (nasa kabilang part pa ito ng isla).

Pagdating sa Beach house, maayos akong sinalubong ni Manag Caretaker. May ilang guest rin sa beach house ng mga oras na yon. Since first day ko, at ang island tour ay bukas pa nakaschedule, at medyo pagod ako sa byahe, nagpasya ako na magpahinga muna.

Pagkakain ng tanghalian, pahinga ulit since mataas pa ang sikat ng araw. Napasyahan kong lilibutin ko tong beach around 4 para di na mainit.

Dumating ang alas 4. Nagpaalam ako sa caretaker na lilibot muna ako. So naglakad lakad ako sa may beach. Maaliw ka sa mga makikita mo sa mga batuhan: may starfish, taling bilao, mga kabibe, mga maliliit na isda, may nakita pa nga akong igat na maliit.

Di ko namalayan ang oras, papalubog na pala ang araw. Pero may nakita akong kabibe na kakaiba ang hugis, at sobrang tingkad ng kulay. Medyo natatabunan ito ng buhangin pero sa sobrang tingkad nito ay kumikinang ito nung tamaan ng sinag ng papalubog na araw. Kukunin ko dapat ung kabibe ng napukaw ang atensyon ko sa laot, sa dako ng araw at may napansin ako sa di kalayuan.

May ulong nakasilip sa dagat. Pero kakaiba ito, dahil naaninag ko ang silhoutte nya na parang Mohawk style na buhok, at  patulis ang tenga nito sa gilid.

Dahil nasa parehong direksyon ito ng araw, pilit kong inaninag ito kahit nakakasilaw. Pero lumubog ito sa dagat. Nawala na!

Inabangan ko kung lulutang ung kung ano man ung nakita ko. Pero maglilimang minuto na at padilim na pero wala pa ring lumulutang. Di ko na rin makita ung kabibe na kukunin ko sana. Nagdesisyon akong bumalik na sa beach house para sa hapunan.

Pagdating sa beach house, inayos ko na ang mga gamit ko sa tent, at kumain ng hapunan. (Tent pitching lang ang accomodation ko, pero libreng gamit ng Cabana nila). Parang kubo pero walang dingding, kurtina lang ang harang. Maaga na akong natulog sa tent since excited ako sa island hopping kinabukasan.

Kinabukasan, maaga naman akong nagising. Dumating na rin si Manong Bangkero at nagsimula na kami sa pagtour sa mga lugar doon. Nagstart kami ng snorkling, tapos sa may Kweba, yung beach doon. Sulit na sulit!

Nakabalik na ko sa beach house. Kumain ng tanghalian at nagpahinga. Pagdating ng hapon, naglibot ulit ako sa dalampasigan. Nakakita ako ng spot na walang tao so dun ako tumambay panandalian. Inisip ko kung ano nga ba yung nakita ko kahapon sa dagat. Nang may lumapit na lalaki sa akin, tingin ko turista rin sya kasi hindi sunog ung balat nya sa araw na tulad sa mga mangingisda na babad sa araw. Mestiso ang kulay ng balat at basang basa katawan nya na parang kakaahon lang sa dagat. May dala syang plato na may laman pero di ko maaninag kung ano

"Sayo na to, kainin mo." sabi nya.

Chineck ko ung dala nya, kanin pero itim.
"Itim.. na kanin?"

"Sabaw... ng pusit yan" tugon nya. Parang blankong papel lang ang expression sa mukha nya habang nagsasalita.

Hindi maganda ang kutob ko sa inooffer ni kuya.

"Salamat na lang bossing busog pa ko" pag ayaw ko sa kanya.

"Kainin mo na. Tikman mo." pilit pa rin ni kuya.

Biglang may tumatawag sa akin galing sa direksyon ng beach house. Napabaling ako sa pinangalingan ng tumatawag. Si Manong bangkero pala at tinatawag na ako dahil malapit na daw maghapunan.

Pagbaling ko kay kuyang nagaalok ng kanin, wala na sya doon. Pero ang pinagtataka ko ay di basa ng tubig ung spot na inupuan ni kuya. Sumama na ko kay Manong Bangkero pabalik ng beach house.

Sinabayan akong kumain ni Manang caretaker at ni Manong bangkero. Tinanong pa ko kung bakit para akong nakakita ng multo? Kinwento ko sa kanila ang nangyari kahapon at kanina, mula sa kabibeng nakita ko, ung ulo sa dagat na may Mohawk, at ung lalaking nagoffer ng kaning itim.

Sabi nila Manong, baka Kataw raw ung nakita ko: sila ay mga engkantong dagat, may mga paa sila ng tao, at kasikis at hasang ng isda. Sabi ni Manong gumagamit raw ang mga Kataw ng magaganda at mamahaling uri ng kabibe na sobrang kinang para kumuha ng tao sa dagat para gawin nilang kauri. Kaya rin nilang mag anyong tao para makapanlinlang. At ang isa pa nilang paraan ay ung pagpapakain ng itim na kanin sa mga tao. Pag kumain ka daw nun, hahanap hanapin mo ang paglusong sa dagat sa loob ng 24 oras at pag sumisid ka, dun na sila magpapakita sa yo para dalhin sa kaharian nila.

Natulala na lang ako sa kinauupuan ko nun.

At bigla ko rin naalala ung sabi nung matanda sa bangka: "Wag kang tatanggap ng kung ano ano sa kung sino sino."

Kinabukasan hinatid na nila ako sa pantalan. May binigay rin si Manong na kwintas na may ugat ng bungang kahoy. Sabi ni Manong pangtaboy daw yan ng mga Kataw at hindi sya makakalapit dahil may amoy ito na hindi nila gusto. Kung nung papunta sa Isla ay nasa harap ako ng bangka, ngayon naman nasa may gitna ako umupo, ung di ko makikita ung dagat habang nasa byahe. Buti naman at nakauwi ako ng ligtas noon.

- Avis

Ghost Stories Compilation(Summer Scares) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon