Segunda Mano

15 0 0
                                    

"Ukay-Ukay" , "Pre-loved" , "Second hand" at "Slightly used" mga salitang nagbibigay pansin sa mamimili na naghahangad na magkaroon ng kanilang ninanais na bagay sa murang halaga. Mga branded na bag, sapatos at mga damit ang kalimitang nagpapaikot sa ating mundong materyal na bagay nalang ang mahalaga.

Katapusan ng buwan ng enero non' at talagang excited na excited ako. Sino ba naman ang hindi matutuwa sa unang sahod na matatanggap mo. 'Bibili ako nyan, bibili ako non' nakakatatak na sa memorya ko bago pa dumaan ang araw na hinihintay.

Sabado non' at isinama ko ang nanay at ang bunso namin para mamili ng mga bagong gamit. Hindi pa sapat ang sweldo kong iyon para makabili ng brandnew pero marami na ang mararating ng mga ito sa daday's ukay-ukay na malapit lang sa kompanyang pinagtatrabahuan ko.

"Ate! Ano sa palagay mo? Bagay ba?" Ngiting ngiting tanong ni bunso. Sabay ikot para ipakita ang pulang bestidang bumabagay sa kanyang kaputian.
"Gusto mo ba yan? Kukunin na natin? Nanay, anong napili mo riyan? " tanong ko pa sa aking ina

"Mukang maganda ang mga lumang alahas na nakadisplay doon anak" turo pa ng aking ina sa isang mesang punong puno ng abubot.
"Kumuha na po kayo ng gusto nyo ni bunso. Titingin lang ako sa banda roon" pagpapaalam ko.

Nahagip ng aking mata ang isang bag na kulay abo na may kakaiba ngunit may magandang disenyo. Inabot ko ang bag na iyon at tinignan kung may mga sira ba ito na pwede pang maremedyuhan.
"Muerte" mahinang pagbanggit ko sa nakaukit na pangalan sa loob ng bag. napangiti ako nang mahawakan ito dahil halatang mamahalin ang materyales ng mga iyon.
"Ale! Magkano ho rito sa bag?"
"180 nalang ganda. Kunin mo na, bundle ho iyan kasama yung pulang bestidang gusto ng kapatid nyo at bibigyan ko pa kayo ng discount sa alahas na kukunin ng nanay mo." nakangiting alok sa akin ng tindera. Sinuklian ko ang ngiti nya saka kinuha ang bag.
"Sige miss, kukunin ko na"
Ilang oras din kami namili bago namin napagpasyahang umuwi na.
Kinagabihan, napadaan ako sa silid nang kapatid ko.
"Talaga? Oo, oo! Ang ganda nga talaga ng dress na ito, gusto mo ito ang susuotin ko kapag maglalaro tayo?" Pabulong na sabi ng kapatid ko sa loob ng kwarto nya
Napakunot ang noo ko sa narinig. Kinatok ko ang pintuan ng silid
" Ella? Ella sinong kausap mo dyan? "
".... "
"Ella matulog na ah, gabi na! Pagagalitan ka ni nanay!"
"Shhh!"
lalong nangunot ang noo kaya tuluyan akong lumapit upang pihitin ang door knob
"Ella, ano bang--" isang malakas na hangin lang sumalubog sa akin. Walang tao sa silid. Wala si ella.
Isang ginagasgas na bakal ang nadinig ko. Masakit sa tenga at nakakangilo. Agad akong bumaba at nakita ko si ella na nagtatago sa likod ng ref suot ang pulang bestida nya na binili kanina. Humahangikngik ito saka pumalakpak ng isang beses.
"Bunso bakit mo naman sinuot na yan? Hindi pa nalabhan yan!"
"Shhhh! Hihihihi" paghangikgik nito saka pumalakpak ulit ng isang beses at nagtago lalo.
Tumaas ang kilay ko sa inakto ng kapatid ko. Mukang naghihide and clap ito.
"Sinong kalaro mo?" Prangkang tanong ko.
"Si nanay." nakangiting bulong nito sa akin. Napairap ako sa hangin at umakyat sa aking silid para matulog. Maaga pa ang pasok ko bukas at kailangan ko na din magpahinga.

Kinabukasan sa agahan, bumaba ako ng maabutan ko ang nanay na naghahanda ng almusal. Matamis akong nginitian ng aking ina. Napansin kong suot nito ang mga alahas na binili namin kahapon.
"Good morning anak, kain ka na. "
"Si ella po?"
"Tulog pa iyon, mauna ka nang kumain"
Ipinagpatuloy ko ang pagkain at pumasok sa trabaho. Ilang oras ang dumaan ng dumating ang break time.  Nag ring ang cellphone ko sa bag kaya agad ko itong hinanap. Kinapa ko ng kinapa pero hindi ko pa rin nakita. Tunog lang ng tunog at medyo gumagawa na nang ingay kaya binuksan ko ito saka ko inilabas ang mga gamit. Wala. Wala ang cellphone kong nagriring sa loob. Sa inis ko ay ibinaligtad ko ang bag sa pagbabakasaling naipit lang ito at mahuhulog kapag binaligtad ko. Katulad ng inaasahan. May nahulog. Hindi ito ang cellphone ko at kunot noo kong dinampot ngunit agad ko ding nabitawan ng mapagtantong ito ay isang  tenga ng tao
"Ahhhhh!!!!" Tili ko.
Hindi basta isang tenga iyon. Kundi isang tenga na suot ang hikaw na binili ko aking nanay galing sa ukay ukay.
Bumilis ng bumilis ang tibok ng puso ko at nanginginig na inabot ang bag na iyon at deretsong itinapon sa basurahan. Hanggang sa pag uwi ay parang wala ako sa sarili. Tenga. Tenga iyon ng tao. Dumaan ako simbahan at taimtim na nagdasal bago ako dumeretso pauwi. Naabutan ko ang nanay na nanonood ng tv. agad kong hinarap ang nanay ko para magmano, nakahinga naman ako ng maluwag noong nakita kong dalawa pa din ang tenga nya.
"Oh, buti naman at nakauwi ka na. Tatawagan sana kita pero naiwan mo palang nakacharge yung cellphone mo sa sala. " wala sa sariling napatango nalang ako at umakyat sa aking silid.
*claps*
"Hihihi!" Hagikgik iyon ng nakababata kong kapatid.
*claps*
Dumaan ang mga araw, hindi ko na nakikita si ella. Kapag tinatanong ko naman ang nanay, 'nandyan lang iyon' ang madalas kong makuhang sagot. Gabi gabi ko naman syang nadidinig na naghihide and clap.  Nawala sa isip ko ang aking kapatid ng maalala ko na naman ang nakita kong tenga sa bag. Kaya noong sumunod din na araw na iyon ay kinompronta ko ang aking ina na hubadin ang mga hikaw na suot nya
"Ano bang problema mo?! Ibibigay mo tapos babawiin mo?! Puñeta naman!" Galit na galit na sabi nya. Maski ako ay nagulat sa pagmumura nya.
"Ma, ibibili ko nalang kayo ng bago, wag nyo na isuot yan" mahinahong sagot ko.
Masama nya akong tinitigan. Saka tinalikuran. Wala akong ibang nagawa kundi mapabuntong hininga. Bumaba si ella suot ang bestidang pula. walang kibong kinuha ang kutsara at tinidor saka tahimik na kumain.
Naging ganoon nalang ang set up namin. Aalis ako, walang kibo si nanay at ella. Ganon din kapag uuwi ako. Pakiramdam ko ang lamig lamig na nang bahay namin. Pakiramdam ko ako nalang ang tao. pakiramdam ko mag isa nalang ako. Hanggang isang gabi, nakarinig ako ng palakpak. Hindi na ito bago sa akin dahil nitong mga nakaraang araw puro ganon ang ginagawa ni ella. Narinig kong pumalakpak sya sa labas ng kwarto ko. Hanggang sa lumapit ng lumapit ang tunog. Doon ako nagsimulang kabahan at mapabangon. Ang palakpak na iyon ay nananitili sa ilalim ng aking kama. Parang dinadaga ang dibdib ko. Para akong kakapusin ng hangin.
"E-ella"
"Hihihihi"

Nakarinig ako ng sunod sunod na katok mula sa aking pinto. Mabibigat ang mga iyon na halos gibain na ito.

"JEN!! BUKSAN MO!!" Dumagudong ang boses ng aking ina na galit na galit na kinakalampag ang aking pintuan. Natatakot ako dahil parang hindi na sila ang pamilya ko. Ramdam ko iyon.
"Hihihihi" kasabay na ginagawang ingay ng pinto ay ang mga hagikgik ni ella at pagpalakpak nito na malinaw kong nadidinig sa ilalim ng kama ko.
Nanginginig kong tinakpan ang mga tainga ko at nanatili sa sulok.
"Tama na!!" Sigaw ko pa
Lalong lumakas ang kalampag.
"SABING BUKSAN MO ANG PINTO!!!" Dinig ko pang boses  ng nanay ko na parang dinidemonyo na.
"Wag. Hindi na si mama yan" Nadinig kong bulong iyon ni ella sa hangin pero narinig ko. Alam kong sya yun.
Kagat labi kong inilapag ang mga paa ko sa  sahig at unti unting tumayo.  Dahan dahan kong inangat ko ang kumot na tumatabing sa ilalim na parte ng kama.  Si  ella. Si ella na wala nang katawan at tanging pugot na ulo nalang nya ang naroon. Napatakip ako ng bibig na makitang naroon lang sa ilalim ang bag na itinapon ko. Pigil na pigil ang mga luha ko. Napalunok ako at dahan na inabot iyon. Ngunit bago ko pa man maabot ito ay tuluyang nawasak ang pintuan at iniluwa noon si nanay. Ang kanang mata nya ay nakatingin sa itaas at deretsong nakatingin naman saakin ang kaliwa. Pilas ang isang tenga nya at nakangiting hawak ang bolo suot ang pulang bestida ni ella  at ang mga alahas na nabili ko sa  ukay ukay.

Wakas.

-Deoxyribo.

Ghost Stories Compilation(Summer Scares) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon