Kwentong Bangkero.

16 0 0
                                    


Misteryo ng makipot na lagusan...

Last April, nakulayan yong ilang taong drawing ng barkada. So dapat talaga sa may *toot* kaya lang nanghina kami nong makita kung gaano kahaba yong pila tas palakasan pa. Kaya sabi nong driver nong bus na inarkila namin, mag *toot* na lang kami tutal malapit tas maganda din at hindi pa gaanong commercialize.

Linaw ng tubig, may mga tao pero yon nga iilan lang hindi pa crowded. So yon naligo na yong mga lalaki, hindi man lang tumulong mag-ayos. Kami naman nila Lyn nag seset up ng pag iihawan, yong isang parang bantay ng mga cottage nag volunteer na tumulong. Kwento kwento tas yon kain kain.

Bandang 9, nagsabi si kuyang bantay na may bangka sila kung gusto naming mag ikot ikot. Yon balak talaga namin iwanan sila Baki para madala, mga tamad. Pero nakita nila kami. So sa isang bangka sampu lang pwede. Nagtatlong bangka kami kasi pituhan lang tapos tatlo yung bangkero kada bangka. Nagtaka nga kami non kasi ang higpit nila eh maraming bilin, wag maingay, wag maharot ganon.

Yong iba ko kasing mga kaibigan parang si Lyn dala anak nila. Pagkatapos ng picture picture sabi ni isang bangkero kung sino may ayaw sumama pumasok doon sa may kweba mauna na. So ang sumama lang, ako, Kulas, Ison, Baki, Ilad, Butch tas si Lala.
Takot yong iba kasi baka raw may anaconda, nanakot pa.

Maliwanag sa loob kasi tirik ang araw tas yong bukana mismo malaki tas nakaharap sa may araw,tahimik tas pag nagsasalita ka nag eecho talaga. Nong nasa bandang gitna na kami sabi nong isa.

""Ate wag kayong magpicture dito, don na lang banda"" Tinuro nya yong dulo banda. Tinginan kami pero hindi na kami nagsalita. Tas sa isip ko, mamaya ka kuya pagkwekwentuhin kita. So yon noong narating namin yong dulo, basically hindi pa sya dulo kasi may maliit pang daanan, kasya naman yong bangka pero sabi nila off limits na yon. Picture picture. Bumaba sila Lala photographer nya si Ison. Napansin ko si Baki nakatitig don sa may tubig.

""Ang dami nila tol""

Tinignan ko yong tinitignan nya, watdapak may mga mukha na mukhang halimaw sa may tubig. Gumewang nga yong bangka non kasi bigla akong napaupo sa gulat. Pagkalabas namin diretso na kami ulit ng pampang.

Pakain na kami ng tanghalian nong matanaw ko yong tatlong kasama naming bangkero. Tinawag ko sila tas inayang kumain. Pinasimula ko muna silang kumain bago ko sila pagkwentuhin para may lakas sila Una ayaw pa nila kasi nga pausbong pa lang yong turismo sa kanila, Baka wala na raw magpunta sa kanila pag malaman yong kwento. Tas sinabi ko sa kanila, never akong nagbanggit ng pangalan ng lugar, safe sila sakin.

Bata pa lang kami, kasa kasama na kami ng mga tatay namin sa pangingisda. Dati wala pa yang mga fish pen na naraanan nyo sa may bukana. Malinis pa itong pampang (ibig sabihin wala pang mga cottage) puro taga dito pa lang yong mga naliligo. Mahirap kasi daan dito dati, maalikabok, lubak lubak, butas butas.

Bente anyos ako nong may dumayong mga estudyante dito, naghahanap sila ng hindi mataong beach, nilakad nila mula don sa may bukana hanggang dito, apat na kilometro rin. Nirentahan nila yong bahay ni kapitan non. Naligo sila, kumain, uminom. Inaya pa nga nila kami. Gabi nong magbonfire sila tas kakwentuhan kami. Nabanggit ng isa sa amin yong kweba. Lahat sila gustong pumunta. Napa kasunduan na magpapaalam muna kay kapitan kinabukasan. Pero hindi yon nangyari.

Tanghali na nang galit na galit na inipon ni kapitan kaming mga bangkero. Hinanap kung nasaan ang mga estudyante. Hinanap nya rin sila Ompong. Napagdugtong dugtong na namin, magkakasama sila.

""Pagdating ng mga talipandas na yon papuntahin nyo sila sa barangay hall. Sinabi ko ng wag lalaot na sila sila lang eh""

Nasa buhanginan kami non nagkwekwentuhan nang mula sa tanaw ng mata namin may nakita kaming lumalangoy, dalawa. Agad kaming lumusong lalo na nang marinig namin ang sigaw nila. Nang maiahon namin, nakilala namin, sila yong mga dayo. Hingal na hingal sila sa pagod. Nang makaya na nilang magsalita ay tinanong namin sila kung anong nangyari at nasaan ang mga kasama nila.

Sinabi nila sa amin na naiwan ang iba sa loob ng kweba, nangungunyapit sa mga bato habang ang iba ay wala na. Hindi namin maintindihan ang sinabi nilang wala na. Tensyonado ang lahat nang magpunta lahat ng bangkero sa kweba.

Nakita namin ang tatlo sa limang bangka na lulan ng mga estudyante at ng mga kasama namin. Inakala ng iba na nasa makipot pa na lagusan sa loob ng kweba ang dalawa pa. Kaya isa isa naming isinakay ang mga dayo.

""Kukuha kami ng pang ilaw, iuuwi muna din namin sila. Wala munang papasok"" utos ni kapitan sa amin.

Yon na ata ang pinakamatagal na sandali ng buhay ko. Pagkaalis nila kapitan ilang minuto kaming tahimik. Hanggang sa marinig namin ang boses nila Ompong mula sa loob.

""Rigor tulong""

Pero di tulad ng boses namin parang wala sila sa loob ng kweba. Sumilip kami sa makipot na bukana pero kadiliman lang ang nakikita namin. Nagsimula ring lumamig ang paligid.  Kasabay non, nagsimula yong sigawan, nakakabingi, nakakatakot. Napilitan kaming lumabas, lumangoy kami. Pero parang napakalayo ng labasan nang oras na yon. Nang makalabas nag iiyakan kami. Sanay kami sa paglangoy, laking dagat kami, pero para kasing hindi kami umaalis sa pwesto namin.

Sa pagbalik nila kap ay kinagalitan pa kami, saka na rin nagkalakas ng loob na bumalik sa loob ng kweba. Sila sila lang ang pumasok sa makipot na daan. Nakapasok na ko doon dati, hindi naman nakakatakot, maganda don sa loob. Pero nung araw na yon, hindi kaya ng isip, puso at katawan kong sumama sa loob. Hindi sila nagtagal, alam na namin kung bakit, wala doon ang dalawang bangka. Wala din don sila Ompong.

Umuwi kami habang ang iba ay naghanap pa. Walang pumalaot nang gabing yon para mangisda. Lahat naghahanap ng mga nawala naming kasama. Ako, sa takot ng nanay ko hindi ako pinasama. Pumunta kami ng mga kaibigan ko sa bahay ni kapitan na naabutan naming tinatanong ang grupo ng mga estudyanteng bakas ang takot sa mga mata.

""Pumasok po kami don tas yon lang po""

Sabi nila walang kakaiba nong una. Pero bigla na lang daw sabi nila Ompong na may titignan sila ulit sa loob. Pagpasok ng dalawang bangka nawalan ng liwanag, narinig pa nila ang pagbibiruan, hanggang sa magsigawan na at biglang yumanig ang paligid ng kweba. Sa lakas tumaob ang mga bangkang lulan nila, tila may malakas na pwersang humihigop sa kanila pailalim. Walang isang minuto ang pagyanig. Pero matapos non kahit anong sigaw nila walang sumasagot sa grupo nila Ompong.

Tinanong sila ni Kapitan kung nakainom sila. Sabi nila hindi. Dadalawa lang ang marunong lumangoy sa grupo nila at yon ang nakita naming lumalangoy nong umaga. Nakaalis na sila lahat lahat, wala pa ring balita sa mga kasama namin.

Dumaan ang anim na buwan, nasa laot kami non, nang isa sa mga kasama namin ay sumigaw na may nakita syang dalawang bangka ilang metro ang layo.

""Susana tas Princess""

Nagsitayuan kaming lahat at tinanaw ang tinuro nyang direksyon. Pangalan kasi yon ng dalawang bangkang nawawala. Dali-dali kaming nagpunta doon. Akala namin walang tao, pero nang makalapit, andoon ang katawan nila Ompong. Anim na buwan na ang lumipas, pero tila kakaahon pa lang nila sa tubig. Ang palatandaan na lang na wala na silang buhay ay ang dilat nilang mga mata na nakatingin sa mga bituing langit nang gabing yon.

*** So, whirlpool yong una kong naisip non. Pero sa dulo ng kwento ni kuya, don na ko napaisip na may kakaiba. Kasi dapat agnas na pero sabi nilang tatlo, intact pa na parang kakaahon lang. Hindi pa rin daw mabaho. Tas nong binuhat sila nong nasa pampang nga hindi nadurog. Yong bangka, hanggang ngayon meron pa pero hindi na ginagamit. Parang paalala na lang sa kanila yong mga yon sa mga nangyari.

So walang picture. Naka pangako ako eh. Pero maganda yong lugar sobra, mababait yong mga tao. Lalo na sila mga kuyang bangkero. Sa susunod yong compilation ng mga creepy stories nila sa laot, sila, yong mga tatay nila, yong mga lolo nila, yong mga lolo ng lolo nila, salin salin na. Galing nga eh, kalahating araw ginugol ko sa pagpapakwento.

Don naman sa bawal magpicture don sa gitna. Kasi daw dati nong may nagpicture don syempre pagbalik sa pampang tinignan yong mga kuha, yon may nakisali. Sa takot nong kumuha nanginig bumula bibig. Ayaw na nilang maulit yon.

Hunter.

Ghost Stories Compilation(Summer Scares) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon