January 17, 2020
Hi, Kairus!
I'm back at it again with another letter and video. Oha! Ayan na iyong pinaka-intro ko. Ang ganda, 'di ba? Ang ganda ko. Char! Haha! At... ang featured video ngayon ay "Heaven Sent."
Alam mo ba, sobrang amazed ako sa pagka-talented mo. Natural ang humor mo bilang isang content creator, pagkatapos magaling ka na ngang tumugtog ng gitara, magaling pang kumanta. Pero, Kairus, ang mas nakahatak talaga ng atensiyon ko ay ang paggamit mo sa talent mo to praise God.
My heart's filled with joy dahil ang video mo na ito ay tungkol sa Youth Camp n'yo, kasama ang mga tropa mo. 'Kainggit ka talaga. Blessed ka na nga ng masaya at mapagmahal na pamilya, blessed ka pa to have a solid friendship with your friends. Sorry na, hindi ko talaga maiwasang mainggit, eh. Pasali na nga kasi sa tropa n'yo. Char! Gusto ko na kasi ulit ma-experience ang ganyan kasayang bonding kasama ang mga kaibigan.
A friendship build by God. Ang saya lang ng ganyang pagkakaibigan. Hindi lang puro kalokohan ang alam n'yo, alam n'yo rin kung paano magpuri sa Diyos. Hindi kayo nahihiyang pasalamatan Siya, lalo na sa mga natatanggap n'yong blessings. Ang saya n'yo lang talagang panoorin. You're all singing and dancing while worshiping God. Kitang-kita ang saya sa mga mukha at mga mata n'yo. Halatang nag-e-enjoy talaga kayo, hindi kayo mga napipilitan lang. Sabi nga nila, hindi pang-content lang.
Dahil tuloy dito sa video mo na ito, na-miss ko na naman ang mga kababata ko. Nabanggit ko na sila sa unang sulat ko, 'di ba? Kaya lang, mula nang lumipat kami dito sa city, nawalan na rin ako ng communication sa kanila. Gusto ko pa rin sana silang makausap kahit na malayo na ako sa kanila, kaya lang, iyon ang gusto ni Daddy. Huwag na huwag na raw akong makikipag-usap sa mga kababata ko. Umiyak talaga ako nang ipinag-utos iyon ni Daddy sa akin. Masyado ko iyong dinamdam. At maniniwala ka ba kung sasabihin ko sa 'yong I was hospitalized because of that? Ganoon ang naging epekto ng paglayo ko sa mga kaibigan ko.
Memories with my childhood friends will always be in my heart. Hinding-hindi ko malilimutan ang experiences ko with them. Ang simple lang kasi ng buhay dati kasama sila. Hindi ko ipagpapalit ang happy memories na iyon kasama sila kahit pa bayaran ako.
Maaga kaming pumapasok sa school. Ang higpit kasi ng principal namin dati, kapag na-late ka, may parusa agad. Pagkatapos, excited kami tuwing recess at lunch break kasi naglalaro kami ng text money o jolen sa likod ng stage. O kaya naman, Chinese garter at piko. Kapag uwian naman sa hapon, maglalakad lang kami nang sabay-sabay. Pero hindi pa agad kami makakauwi sa mga bahay namin dahil may mga side trips pa kami. Kalimitan, dadaan muna kami sa ilog na malapit sa amin. Kapag na-trip-an, maliligo kami doon bago umuwi. Kaya naman high blood lagi ang mga magulang namin sa amin kasi madilim na, wala pa kami sa bahay.
Bigla ko ring naalala iyong mga contest na sinasalihan ko noong nag-aaral pa ako ng elementary. I told you, matataas ang grades ko—again, hindi ako nagyayabang. Haha—kaya naman usually, sa mga quiz bee contest ako isinasali ng school namin. Kasama ko sa contest ang mga kaibigan ko. Matatalino rin kasi sila, kahit puro pasaway at puro kalokohan ang alam. Parang kayo lang din ng mga tropa mo. Haha!
Naalala ko rin every grading period, nag-aabang kami kung sino ang top five sa klase. Ipino-post kasi iyon sa bulletin board. At... lagi akong top one sa klase namin. Nakakatuwa lang, kasi that time, proud pa ang parents ko sa mga achievements ko. Ngayon? Ngek! Asa pa ako. Tama na nga, change topic na ako. Ayaw kong magdrama. Ang gusto ko lang ngayon, mag-reminisce about my childhood.
Hmm, kapag school vacation naman, puro laro lang kami. Minsan, sa ilog, maliligo kami roon. Maghahagis ng piso, pagkatapos paunahang mahanap iyon sa ilalim ng tubig. Then, maghuhukay kami ng kamote sa may gilid ng riles na malapit sa amin. Iyon ang trip naming merienda kapag nagutom.
Pero madalas, doon kami nakatambay sa may tinatawag naming kalawakan. Lugar iyon kung saan may malawak na Bermuda grass. Hindi madumi iyong mga damo roon kaya puwede kahit mahiga kami doon. Magpapalipad lang kami ng saranggola o kaya maghahabulan, maglalaro ng taya-tayaan, luksong baka at luksong tinik. Pagkatapos, trip na trip naming maglaro ng patintero at tumbang preso sa gitna ng kalsada. Inis na inis kami kapag may pang-abalang tricycle o jeep na dadaan habang naglalaro kami. Ngayon ko lang naisip, bakit nga naman kami pa ang naiinis, eh, daanan naman talaga ng mga sasakyan ang kalsada. Lol!
Hay, sana naaalala pa ako ng mga kababata ko. Miss ko na talaga sila. It's been years. Sana may way ako para makausap sila. Kaya lang, alam mo ba, pati social media accounts ko, may say sina Daddy? Hindi ko alam kung talagang mino-monitor nila ang mga social media accounts ko. Iyon kasi ang sabi nila. Nasaan ang kalayaan doon, 'di ba? Wala na talaga. Wew!
Hala, pasensiya na, Kairus, kung napahaba ang kuwento ko. Nakaka-miss dumaldal, eh. Haha! Pero, seryoso na tayo in three, two, one...
Kairus, I was moved nang kantahin mo iyong One Way Jesus sa Youth camp n'yo. Umiiyak talaga ako habang pinapanood kitang kumanta. Isa kasi ang One Way Jesus sa mga paborito kong kanta. Sana one day, maka-duet kita, tapos iyan ang kakantahan natin. Huwag kang mag-alala, hindi naman kita ipapahiya. Magpa-practice na ako, ngayon pa lang. Hehe!
Ayun lang muna ulit for now. Salamat sa hatid na inspirasyon, Kairus!
-Live, Laugh, Love
