ENTRY 87: Hehehehehe...

342 2 0
                                    

Dear Online Diary,

May magnanakaw na nakapasok sa boarding ko. At ninakaw niya ang puso ko. Hehehe. Biro lang. Medyo nilalagnat pa kasi ako kaya pagpasensiyahan mo na ako, online diary.

Anyway, kaninang sumilip ako sa kusina para tingnan kung bakit may nanggagaling na ingay dun, may nadatnan kong isang anghel na nagluluto. Sean ang pangalan. Hehe. Ang bango nga ng niluluto niya eh. At nang makita niya ako, tinanong ko sa kanya kung ano yung niluluto niya. Sabi niya lugaw daw saka niya ako pinabalik sa higaan ko. Dadalhin na lang daw niya yung lugaw doon kapag luto na. Pero sa halip na umalis ako, tinitigan ko lang siya. Tinitigan ko lang siya ng matagal. Bagay pala sa kanya yung pink na apron habang may hawak na sandok. Ang cute niya. Tapos doon na niya ako tinanong kung bakit daw ako nakatitig sa kanya. Sa halip na sagutin ko yung tanong niya, tinanong ko din siya kung bakit ang poker-faced niya. Yung sabi niya? Pinabalik lang ulit niya ako sa higaan ko kasi kung ano-ano na raw pinagsasasabi ko. Ano bang masama dun sa ginawa ko, eh nagtatanong lang naman ako? Kaya nagtanong ulit ako sa kanya. Sa tingin ko nga ito dapat yung una kong tinanong sa kanya. Tinanong ko siya kung bakit niya suot yung pink na apron ko na may heart-heart design. Sabi niya hiniram lang daw niya kasi nagluluto siya. Kaya ngumiti ako at sinabi kong ang cute-cute niya. Hehehe.

Hindi na siya nagsalita pa pagkatapos nun kaya bumalik na lang ako sa higaan ko saka ko tinitigan yung mga poster ng mga sikat na K-pop, Bollywood, at Hollywood artists na nakadikit sa mga dingding ng kwarto ko. Hindi kaya K-pop o Hollywood actor si Sean pero tinatago lang niya yung tunay na pagkatao niya? Ito yung unang-una kong tinanong sa kanya pagkapasok niya sa kwarto ko dala yung tubig at kalulutong lugaw na nakalagay sa isang tray. Pero tinawanan lang niya yung tanong ko tapos sabi niya kumain na lang daw ako para mawala na raw yung lagnat ko at bumalik na ako sa dati. Ang gulo niyang kausap noh? Paano pa ako babalik sa dati eh ganito naman na talaga ako? Ang ibig ba niyang sabihin, diyosa talaga ako at sinumpa lang akong maging simpleng tao? Tumawa ulit si Sean. Naisaboses ko pala kasi yung iniisip ko nun. Sabi niya sobra na raw yung kanonood ko ng movies kaya kung ano-ano na raw tuloy nangyayari sa utak ko. Ang sama niya ha. Sinasabi ba niya na may sira yung utak ko?

Hindi ko kinain yung lugaw na niluto niya. Pero sinabi ko sa kanya na kakainin ko lang yun kapag susubuan niya ako. Sabi niya para daw akong baby. Ang sabi ko naman, tama siya dahil ako ang baby niya. Hehehe. Sa huli, sinubuan din naman niya ako. Kasi nga ako talaga ang baby niya. Hehehe. Sa tingin ko marami pa akong mga sinabi sa kanya nun. Kadalasan, tumatawa siya. Kung hindi naman, nananahimik lang siya. Nang maubos ko yung lugaw, umalis siya saglit para hugasan daw yun. At pagkabalik niya, tinanong ko siya kung magtra-transform ba siya bilang werewolf kasi alas dose na. Midnight na. Kaso tumawa lang ulit siya saka niya sinabing matulog na raw ako. Tinanong ko naman siya kung paano siya? Kung ano nang gagawin niya? Sabi niya uuwi na daw siya. Ayaw ko pa siyang umuwi nun. Kaya nung paalis na siya, tumakbo ako papunta sa kanya saka ko siya niyakap habang nakatalikod siya sa akin. Sinabi ko na huwag muna siyang umalis kasi kapag ginawa niya yun, maiiwan akong mag-isa at malulungkot ako ng sobra.

Kaya hindi muna siya agad umalis nun. Napagkasunduan namin na hihintayin na lang muna niya akong makatulog, at kapag tulog na ako, doon na lang siya aalis. Habang hinihintay niya akong makatulog, kinwentuhan ko na lang siya ng kung ano-ano. Pero sabi niya dapat siya daw ang magkwekwento dahil ako daw dapat yung matutulog. Sabi ko pareho na rin lang yun. Makakatulog din lang naman ako dahil sa kadadaldal ko. Hindi ko maalala kung ano yung mga kinwento ko sa kanya. Kaso may parte yata dun na naiyak ako dahil kinekwento ko yung sad movie na napanood ko. Yung Titanic ba yun? Yung kwento nila Jack at Rose? Hindi ako sigurado. Pero dahil sa pagkwekwento kung yun, unti-unti nga akong nakatulog.

At ngayon nga kagigising ko lang. Alas tres pa lang ng madaling araw. At medyo masama pa rin ang pakiramdam ko. Namimiss ko tuloy si Sean ko. Sana pala sinabi ko na lang sa kanya na tabihan niya ako sa pagtulog.

Verena's Online Diary --- COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon