CONTINUATION...
Hindi ko alam kung ano at kung paanong nangyari ang lahat noong nagtatype ako rito habang hinihintay naming tumila yung ulan, pero paglingon ko magkausap na sila Catharina at Sean.
Hindi lang basta usap, kwentuhan. Ito ang ginagawa nila habang pinagmamasdan yung mga postcard ng iba't ibang klase ng mga ibon sa isang bulletin board. At mukhang pareho silang nag-eenjoy dahil parang masaya naman silang nagkwekwentuhan. Akalain mo yun, Online Diary. Nalingat lang ako saglit, paglingon ko naging iba na ang agos ng lahat. Sinabi sa akin ni Catharina na hindi daw niya kayang kausapin si Sean dahil sa sobrang hiya at kaba. Halata ito kanina. Pero noong nakita ko silang nagkwekwentuhan sa mga oras na yun, wala na akong makitang bakas ng mga nararamdaman niyang ito. Siguro kasi nakahanap sila ng bagay na pareho silang komportableng pag-usapan. Well, at least nakagawa na ng progress si Catharina. At least nakausap na niya si Sean. At least, masaya siya. At least, ito na ang simula para sa kanya. At least...
Renzo: (Tinapik ako sa balikat) "V, ayos ka lang? Bakit parang naiiyak ka ata?"
Ako: "Huh? Ano namang klaseng tanung 'yan? Bakit naman ako maiiyak?"
Renzo: (Nagkibit-balikat) "Ewan ko. Pero itong dalawa dito tuwang-tuwa at nakausap na raw ni Catharina ng maayos si Sean sa wakas."
Ako: (Tiningnan sila Gray at Elene na nag-high five pa sa isa't isa) "Eh yun naman talaga kasi ang dahilan kaya nagpunta rito. Para mapalapit yung dalawa sa isa't isa. Kaya 'wag ka ng magtaka kung bakit abot-langit 'yang mga ngiti nila Gray at Elene."
Renzo: "Ah, kaya naman pala."
Nang huminto na yung pag-ulan, sakto namang may narinig kaming announcement mula sa mga speaker sa tabi-tabi. Inimbitahan kami nitong makilahok sa isang trivia competition na gaganapin sa bandang likuran ng museum na kinaroroonan namin. Game na game yung mga kasama ko. Kaya, hayun, napasabak kami. Bago magsimula yung competition, kailangan daw muna naming maghanap ng kanya-kanya naming ka-partner. Awtomatikong naghawakan ng mga kamay sila Elene at Gray, siyempre. Si Renzo naman, binangga yung balikat ko gamit ang balikat niya at nagpaalam sa aking kami raw ang magka-partner. Kaso bago ako sumagot, napatingin ako kay Sean na katabi lang ni Catharina sa bandang harapan namin. Sa totoo lang, gusto ko siyang maging ka-partner. Kung pwede ko lang sana yung sabihin sa kanya, kung pwede ko lang sana yung ipagsigawan sa lahat.
Pero wala eh. Hindi ko pa nga inaasahan yung nakita ko sa mismong harapan ko. Hinawakan ni Sean yung kamay ni Catharina. Kahit mula sa likuran, nakita ko ang pamumula ng mga tenga ni Catharina. Ganun pa man, hinawakan din niya yung kamay ni Sean kaya mukha na silang magka-holding hands. Hindi lang 'mukha' dahil magka-holding hands na talaga sila. Kaya para maalis ang atensyon ko sa kanila, tiningnan ko na lang si Renzo saka pumayag na maging partner niya. Ang sama ko. Ang sama ng ginawa ko. Ginagamit ko ang ibang tao para lang pagkatakpan itong nararamdaman ko. Ang sama ko talaga.
Thirty-three pairs ang nabuo, ito ang sabi ng host. In-instruct din kami nito na pumila kasama ang mga partner namin sa staff na may hawak ng cardboard na may ekis kung false ang sagot sa tanong, at doon naman kami sa staff na may hawak ng cardboard na may bilog kung true. Tungkol sa zoology ang mga tanong. Ito yung madalas na binabasa ko dati kay Tiffany noong binibisita ko siya sa ospital dahil ito ang hilig niya. Pero kung hindi ko talaga maintindihan yung binabasa ko, nanonood na lang ako sa National Geographic. At least doon, mas madali akong natututo na siyang tinuturo ko rin sa kapatid ko. Hindi ko nga lang akalaing magagamit ko pa pala ito hanggang ngayon.
Nang magsimula yung trivia competition, sinabi ng host na purple daw yung dila ng mga giraffe para maka-absorb daw ng UV rays. True ang sagot ni Renzo kaya tinanong ko kung sigurado siya. Ngumiti siya at sinabing hindi, kaya hinila ko siya sa pamamagitan ng braso niya papunta sa staff na may hawak ng cardboard na may ekis. False kasi ang sagot ko. At sigurado ako rito. At tama rin nang i-announce ng host yung sagot. Para sa pangalawang tanong, tungkol naman sa mga elepante kung apat daw ang mga ngipin ng mga ito. True ang sagot. Sa pangatlong tanong, tungkol sa rhinoceros kung nag-sheshed at tumutubo ulit ang mga ito taon-taon. False ang sagot. Nagpatuloy ito hanggang sa umunti ng umunti ang natirang mga kalahok, at hanggang sa dalawang pares na lang ang natira. Hindi ko namalayan na natanggal na rin pala sila Gray at Elene. Si Renzo naman tuwang-tuwa at nakaabot pa raw kami sa dulo. Pero ang pinaka hindi ko namalayan ay yung pares pala nila Catharina at Sean ang kasama naming natira, at ang siyang makakalaban namin sa huling tanong.
BINABASA MO ANG
Verena's Online Diary --- COMPLETED
Chick-LitVerena Suarez, isang simpleng babae, hindi palakaibigan, at hindi rin madaling magtiwala sa iba. Pero kapag ginalit mo na, kabahan ka na. Simple at low profile man siyang maituturing, siya pa rin ay isang babaeng palaban at walang kinikilingan. Sean...