ENTRY 21: Kalokohan ni Elene... (Elene: Kasama rin si V!)

585 8 0
                                    

May kalokohan na naman si Elene. And guess what? Isinama na naman niya ako. Hindi na nakakagulat, 'di ba? Pero kahit papaano, hindi boring yung kalokohan niya ngayon.

Ganito kasi yun. MVP pala ng basketball si Gray noong nasa junior high pa lang sila. Kaya naman nakiusap daw yung basketball players ng school nila na kung pwede sumali daw siya sa kanila. May basketball competition kasi na magaganap sa school nila next month, at kapag hindi daw nila maipapanalo yung laro laban sa iba pang schools ngayong taon, hindi na raw sila makakasali pa sa mga basketball competition sa susunod na mga taon. Matulungin naman itong si Gray kaya napapayag nila agad. Kaso isang buwan ang basketball practice nila, at ibig sabihin, magiging limitado rin ang oras na magkakasama sila ni Elene sa loob ng panahon na 'to. Buti na lang at very supportive itong kaibigan ko at naunawaan din niya ang sitwasyon. At dahil sa pagiging very supportive niyang ito, gusto daw niyang panoorin yung practice nila Gray sa gym ng school nila ng pasekreto, at dito nga nabuo ang kalokohan niya. (Elene: Namin)

Tulad ng school namin, strikto ang Camvard Senior High pagdating sa pagpapapasok ng mga estudyante. Kailangang nakasuot palagi ang i.d. at two inches above the knee lang dapat ang pinaka maigsing skirt 'pag sa mga babae. Pero hindi ito ang problema, dahil tulad nga ng school namin, hindi rin nagpapapasok ang Camvard Senior High ng estudyanteng taga-ibang school. Sakto naman na nung nag-aya 'tong genius na kaibigan ko, uwian na nun at wala na kaming oras umuwi para makapagbihis man lang sana ng civilian. Magkaibang-magkaiba pa man din ang kulay ng uniform ng school namin at ng school nila Sean at Gray. Navy blue sa kanila at pastel yellow sa amin. Yung kulay na madaling marumihan at kitang-kita kapag natagusan.

Pagkarating namin sa tapat ng school gate ng Camvard, nag-observe muna kami ni Elene. Parang mga vulture yung mga gwardiya roon kung makapagbantay. Yung tipong kapag may napansin silang parang mali lang sa ekspresyon ng pagmumukha mo, maniningkit na agad yung mga mata nila. Hindi rin pwedeng mag-uber-da-bakod dahil matataas yung pader at may mga cctv camera sa paligid. Kaya ang kamangha-manghang suggestion ko? Umuwi na lang kami. Kaso napansin ko yung disappointment ni Elene. Tuloy, nagbago yung isip ko. Buti na lang at nakaisip din ako agad ng plano.

Ako: (Lumapit sa dalawang nagbabantay na mga gwardiya) "Mga kuya, may banyo ba kayo diyan sa loob?"

Guard 1: (Sumimangot) "Hindi ka pwedeng makigamit ng banyo."

Ako: "Sino naman ang nagsabing makikigamit ako ng banyo?"

Guard 1: (Hindi ako pinansin)

Ako: "Pero kung naiihi na talaga ako, hindi pa rin pwedeng makibanyo?"

Guard 2: "Hindi pwede, ading. Dun ka na lang maki-cr sa may fastfood chain dun. Pwede dun."

Ako: (Namimilipit na kunwari) "Pero kuya, ihing-ihi na talaga kasi ako. Puputok na 'tong paltog ko."

Guard 1: "Ang kulit. Hindi nga pwede. Maghanap ka na lang ng ibang maiihian mo."

Ako: "Kung kayo na lang kaya?"

Guard 1: "Aba't bastos kang---"

'Yan ang plan A. Hindi umubra. Ang sungit pa nung guard kaya hindi ko na rin hinintay pang matapos niya yung sinasabi niya at iniwan ko na siya. Tuloy na lang kami ni Elene sa plan B. Pero sa pagkakataong 'to, magkasama na kaming dalawa na lumapit sa mga gwardiya.

Elene: "Kuya, pwede po ba kaming pumasok sa loob? Susunduin ko lang po kasi sana yung kapatid ko."

Guard 2: "Pasensiya na ading pero hindi pwedeng pumasok ang taga-ibang school dito. Diyan na lang kayo maghintay sa labas ng gate kung gusto niyo."

Guard 1: (Napansin ako) "Hindi ba't ikaw yung bastos na bata kanina? Bakit ka na naman nandito? May binabalak yata kayo ah."

Ako: (Kunwaring namangha) "Wow, ang galing niyo kuya! Nalaman niyong may balak kami. Balak nga naming sunduin yung kapatid niya. Kasasasabi lang, 'di ba?"

Guard 1: "Kanina yung palusot mo, naiihi ka. Ngayon naman susunduin niyo yung kapatid niya? Linoloko niyo lang ata kami eh."

Ako: "Kuya, umihi na kasi ako sa mga damuhan dun. Kaya ngayon, susunduin na namin yung kapatid niya."

Guard 1: "Ahy, basta hindi kayo pwedeng pumasok sa loob. 'Wag matigas ang ulo niyo. Mga kabataan talaga ngayon ang hirap umintindi."

Ako: (Biglang nanginig) "Kuya... Ku-ku-ku..."

Guard 1: "Oh, anong nangyayari diyan?"

Elene: (Kinabahan at inalalayan ako) "Oh, my God! Kuya, tulong! May epilepsy po kasi siya. Inaatake po ata ulit siya."

Ako: (Natumba sa semento at nangingisay na)

Guard 1: "Rick, kumuha ka ng stretcher, dali! Hihingi ako ng tulong sa iba!"

At doon na nga naging effective ang plan B. Dahil habang abala yung dalawang gwardiya, bumangon na ako at saka na kami kumaripas ng takbo ni Elene papasok sa campus. Huli na nang mapansin kami ng mga gwardiya dahil nakalayo na kami. Kaya kahit na hinabol nila kami, madali na lang namin silang natakasan.

Ligtas kaming nakarating ni Elene sa gym at pinanood na nga yung basketball practice nila Gray ng palihim. Infairness, bukod sa sobrang tangkad ni Gray, talaga nga rin namang may ibubuga siya sa paglalaro ng baskteball. Maliksi siyang kumilos, magaling din siya sa offense at defense, at maganda yung form niya sa pagsho-shoot ng bola ng basketball sa ring, dunk man o three-point shot. Pati yung mga kasamahan niya nabibilib sa kanya, samantalang si Elene malapit nang mabaliw sa kanya, isang patunay kung gaano siya ka-in love sa boyfriend niya. Nakita din namin si Sean na nanonood doon pero dahil pasekreto nga lang kaming pumuslit sa school nila, tinaguan namin siya.

P.S.

Ang dami-dami naming effort kanina maka-puslit lang ng pasekreto, pero sa huli sinabi rin lang daw pala ni Elene kay Gray kung anong nangyari. Ito minsan ang ayaw ko sa mga kaibigan na may boyfriend eh. Yung sekreto sanang para sa inyong dalawa lang, palagi na lang nalalaman ni boyfriend sa huli. Hay naku!

Verena's Online Diary --- COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon