Zeus Erudite
Nandito kami ngayon sa Office of the Superiors ng palasyo ng Gardellia. Kinakausap namin ngayon ang hari at reyna upang hingin ang pahintulot na payagan kaming makauwi sa Magicca.
"Hindi ko kayo pinapayagan dahil masyadong delikado at isa pa, inihabilin kayo ng mga magulang ninyo sa amin," maawtoridad na wika ni Reyna Angelica.
Mahinahon lamang siya at pilit ipinapaintindi sa amin ang lahat. Ngunit hindi rin naman kami mapapakali rito lalo na ngayon at alam na namin ang mga nangyari sa aming lupaing pinagmulan.
"Kung gano'n kamahalan, alam n'yo nga ang mga naganap? Alam ninyo na may nangyaring kaguluhan sa Magicca ngunit hindi n'yo po sinabi sa amin!" Hindi na napigilan ni Vie ang magtaas ng boses.
Mula sa likuran ay hinawakan ko ang magkabilang balikat niya. "Vie, kalma lang."
Napabitaw ako nang gumalaw siya at humarap sa akin. "Hindi Zeus! Tama naman ako 'di ba? Mawalang-galang lamang sa inyo kamahalan, pero dapat sana ay sinabi n'yo na lamang sa amin ang totoo!"
"Tapos ano? Uuwi kayo at susugod roon? Sa palagay n'yo ba ay madadaig ninyo sila ng ganoon na lamang kadali?"
Natahimik si Vie at umiwas ng tingin sa reyna. Mamula-mula pa rin ang kaniyang pisngi at bakas pa rin ang luha sa kaniyang mga mata.
"Hindi ko alam kamahalan. Pero sana man lang ay nandoon kami upang tulungan sila. Hindi iyong nagkakasiyahan lamang kami rito at walang ginagawa."
Punong-puno ng hinanakit at panlulumo ang boses ni Vie. May diin sa bawat salitang binanggit niya. Hindi ako sanay na nakikita siyang ganito dahil palaban siya at masayahing tao.
"Ano'ng walang ginagawa? Hindi ba't nandito kayo upang magsanay? Lahat ng ito ay para sa pagdating ng araw na kayo na ang mga hahaliling pinuno ng Royal Magicca Domain, na magagawa n'yo na itong ipaglaban!"
Para kaming binuhusan ng malamig na tubig dahil sa narinig. Ngayon ay tila nagising na kami sa katotohanan, natauhan sa mga sinabi ni Reyna Angelica.
"Kung gano'n, sa simula pa lang, alam n'yo na at ng mga magulang namin na may mangyayaring hindi maganda?" tanong ni Emme sa kanila. Lumuluha pa rin siya.
"Oo, alam nila dahil nagbabala ako."
Mas lalo akong naguluhan. Paano siya nakapagbigay ng babala? Bakit hindi namin ito alam samantalang ilang beses nagkaroon ng pagtitipon sa Magicca?
"Babala? Anong babala mahal na Reyna? Paano?" nagtatakang tanong ni Blue.
Si Prinsipe Heather na ang sumagot, "May kakayahan si Ina na makita ang mga naganap sa nakaraan at mga magaganap pa sa hinaharap. Nakikita niya ito sa mga panaginip niya. Iyon nga lang, bibihira lamang na mangyari iyon."
Siya naman ngayon ang tinanong ni Vie, "Alam mo na rin ba ang tungkol dito kamahalan?"
"Noong una ay hindi. Pero nang tumira na kayo rito, saka sinabi sa akin nina Ama at Ina."
"Ang daya kuya, bakit ngayon ko lang nalaman ang lahat?" wika ni Prinsesa Arabella na may halong panunumbat.
"Pasensya na Ara, napag-usapan kasi namin na huwag munang sabihin sa inyo."
Muli namang nagsalita ang reyna, "Bago ang mga kaganapan sa Annual Royal Assembly noong isang taon, may nakita ako sa panaginip ko. Isang kaguluhan, may mga naglalaban at alam kong sa Magicca iyon. Hindi masyadong malinaw ang lahat ng nakita ko. Basta't ang alam ko, sa isang labanan doon, nakita ko kayo. Nandoon kayo, nakikipaglaban din."
![](https://img.wattpad.com/cover/108508166-288-k89747.jpg)
BINABASA MO ANG
Fragments Of The Sacred
Fantasy[TO BE EDITED] A legendary Sacred Book of Magic has been kept for years and is believed to be the most powerful thing that maintains the balance of the world. But it was stolen by the evil ones who wanted to rule the humanity and became the most pow...