CHAPTER 37: "Into the woods"

108 7 0
                                    



Blue Nightfelt


Sa isang lugar na medyo may kalayuan sa kabihasnan, halos lahat ng makikita sa paligid ay puro luntiang kabundukan.  Ito ay isang lugar na halos sinasakop na ng kagubatan na punong-puno pa rin ng sariwa at iba't ibang mga halaman.

Hindi lamang ito sagana sa mga halaman kundi maging ang iba't ibang uri ng hayop ay matatagpuan sa pook na ito ng Land of Gardellia. Hanggang sa kasalukuyan ay nandito pa rin ako sa lupaing ito ngunit medyo malayo na ito sa mismong Royal Gardellia Kingdom.

Mag-isa ako ngayon na nangunguha ng mga tuyong kahoy upang gawing panggatong. Naglalakad ako sa isang malawak na kakahuyan na walang ibang maririnig kung hindi mga huni ng ibon at kung anu-ano pang nilalang na sa gubat lamang nakikita.

Biglang umihip ang malamig na hangin at tumama sa mukha ko kasabay ng mahinang bulong nito. Maya-maya pa ay naulinigan ko na ang pamilyar na boses ng isang babaeng kumakanta. Ang mga ibon, maging ang mga halaman at ang buong kapaligiran ay tila nakikinig at sumasabay sa tinig na ito.

Kilala ko siya. Isang taong malapit sa akin at isang mahusay na Nature Magic User. Walang iba kung hindi ang aking kakambal. Patuloy akong naglakad at sinundan ang pinanggagalingan ng tunog na nililikha niya. Namataan ko rin siya.

Nang mapadako ang tingin niya sa kinaroroonan ko ay tumigil siya sa pagkanta at nakangiting kumaway sa akin. Tumayo na siya mula sa pagkakaupo sa gilid ng isang puno at binitbit ang kaniyang basket na siya rin mismo ang gumawa. Of course, being a Nature Magic User, she knows a lot and can create such kind of handycrafts.


"Hi Asul, kanina ka pa ba?"

"Hindi pa naman masyado. Ano 'yang mga dala mo?"

"Heto, nakakuha ako ng iba't-ibang prutas at gulay na makakain natin."

Tipid akong ngumiti at tinanguhan siya. "Mabuti kung gano'n, marami-rami yata iyan."

Lumawak ang ngiti niya at saglit na inilibot ang paningin sa paligid. "Oo, mabait yata talaga sa atin ang kalikasan," usal niya pa. 

"Lalo na sa 'yo dahil nature ang element mo. Siya nga pala, nasaan na sina Emme?"

Nagkibit-balikat lang siya. "Ewan ko nga eh, siguro nand'yan lang 'yon, sa tabi-tabi."


Apat kasi kami na magkakasama sa paglilibot dito sa kakahuyan kanina. Ngunit nagkasundo kaming maghiwa-hiwalay muna at dito magkita-kita ulit. Hindi nagtagal ang paghihintay namin dahil dumating na nga sila.


"Nandito lang pala kayo, kanina pa namin kayo hinahanap," wika ni Zeus nang makalapit sa amin. May mga bitbit rin siyang kahoy.

"Akala ko tuloy ay naligaw na kayo," pabirong wika naman ni Emme.

Natawa na rin ako saka umiling. "Hindi mangyayari 'yan. Mukhang marami ang dala mong kahoy ah?"

"Oo, dinamihan ko na rin talaga para hindi tayo maubusan at nang hindi rin tayo pabalik-balik sa pag-iikot dito," turan naman ni Zeus.

"Tama 'yan Mr. Kidlat. Hey Emme, punong-puno rin ang basket mo ah? Ang sipag naman natin," nakangiting wika ni Ube.

"Oo nga, sa 'yo rin naman Vie. Salamat talaga sa biyaya ng kalikasan. Hindi pa rin tayo pinapabayaan."


Tama si Emme, sa kabila ng mga hindi kaaya-ayang pangyayari sa mundo ay heto pa rin kami at buhay na buhay, humihinga at nakararaos sa tulong ng kalikasan.


"Paano, bumalik na tayo sa kuta?"


Sumang-ayon na silang tatlo sa akin at nagsimula na kaming maglakad paakyat sa isang bahagi ng burol na hindi naman ganoon kalayo sa binabaan namin.

Fragments Of The SacredTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon