Tuskan
Sa loob ng kuweba.Malawak ang kwueba, nakahilira sa bawat gilid ang mga kulungang bakal na kasing laki ng hita ng tao. Gaano man katibay at kakakapal ng rehas ay nagmistula itong marupok na kahoy nang dumaan ang usok. At iyon ay dahil sa lakas ng kapangyarihan ng hybrid na elfo. Walang duda na sa labanan ng dalawang makapangyarihang mages, ang kauna-unahang masasawi ay ang mga nakakulong sa rehas na bakal, lalo na at hindi nila magagamit ang kanilang kapangyarihan sa loob ng kulungan.
Isa sa mga nakakulong sa kwueba ay si Pan.
Takot na takot si Pan dahil hindi niya alam kung makakaligtas siya pagtinamaan ng usok. Kahit likas sa isang were na katulad niya ang hindi tinatablan nang mahika pero may iilang mages na sobrang lakas ng kapangyarihan na kahit ang kagaya niyang Were ay kayang patayin sa isang pitik lang ng mga daliri, kagaya nalang ng lalaking elfong ito.
Puno ng takot at may kasamang pakiusap ang mga matang napatingin si Pan sa mala anghel na elfong babae, dahil ang usok ay may tatlong dipa nalang mula kay Pan. Malakas ang pakiramdam ni Pan na ang mala angel na babae ay ang tangi niyang pag-asang makalabas sa kulungan.
---
Pinagmasdan ni Tara ang mapanirang kapangyarihan ng hybrid elfo na unti-unting tumutupok sa naglalakihang rehas. Nakita niya ang takot sa mukha ng mga nilalang na nakakulong, partikular na ang wereleopard na nasa mga mata ang pakiki-usap na tulungan niya ito. Ngunit nagdadalawang isip siya... nagdadalawang isip siya kung tutulungan ba ang mga nakakulong o hahayaan niyang lamunin ang mga ito ng usok hanggang sa wala nang matitira sa mga ito. Naroon sa puso ni Tara ang kagustuhang tumulong sa mga hindi nakikilalang nilalang, pero ang praktikal na isipan ni Tara ay umayaw, sa kadahilanang, hindi siya nakakasiguro na kung tutulungan niya at pakakawalan ang mga nakakulong na kakaibang nilalang ay magiging kakampi ba ang mga ito o kalaban. Hindi siya ang kaibigang si Brynna na walang kinikilalang kalaban o kaibigan. Hindi ganun kalambot ang puso niya at mas lalong hindi siya ganun ka bait. Dagdag pa na ang mga nilalang na ito ay resulta ng kahayupan ni Andracus, kaya mas malamang na maari itong utusan ni Andracus. Pag nagkataon ay daig pa niyang kumuha ng batong ipinokpok sa ulo.
Habang nagdedebate ang puso at isipan ni Tara, muli siyang napatingin sa dalawang gintong pares na mga mata. Sa lahat ng mga naroroon, ito lang ang nakikilalang anyo ni Tara, hindi maikakailang isang Were ang lalaki. Naroon ang kawalan ng pag-asa na may kasamang lihim na paki-usap. May kumislot sa dibdib ni Tara. Sa bandang huli dahil sa dalawang gintong pares na mga matang ito ay nakapagdesisyon si Tara.
---
Mula nang nanalanta ang usok ay iilang segundo palang ang lumipas.
Papalapit nang papalapit ang usok kay Pan. Gustuhin man niyang umatras ay wala na siyang maatrasan dahil ang nasa likod niya ay ang makakapal na bakal, gaano man kalakas ng isang Were na katulad niya ay hindi niya kakayaning yupiin ang bakal na rehas. Takot na takot si Pan. Ayaw pa niyang mamatay. Gusto pa niyang bumalik sa Zhurea at pagbayarin si Putris at mga kasama nitong mga traydor sa ginawa nito sa kanya at sa mga kasamahan niyang Wereleopard! Ngunit paano pa niya gagawin iyon kung ito na ang kanyang katapusan? Papalapit na ang usok, kasabay niyon ang unti-unting pagkawala ng pag-asa ni Pan.
Malaking parte ng bakal na rehas ang natutunaw ng daanan ng usok. Nang mapansin ito ni Pan, may ideyang pumasok sa isip nito. Naisip nitong dahil nasira ang rehas na bakal, baka pati ang mahikang nagpapawalang bisa ng kapangyarihan bilang isang Wereleopard ay nawala na rin, kaya sinubukan ni Pan na magpalit anyo.
Kapag nakapagpalit siya ng anyo, kasabay na babalik ang kanyang lakas, bilis at talas ng pakiramdam. At ibig din sabihin niyon ay malaki ang posibilidad niyang makatakas sa impyernong lugar na ito.
BINABASA MO ANG
Elemental Mage Book 3 (Tarieth)
FantasiaLumaki si Tarieth sa Elvedom, namuhay kasama ang mga elfo. Mula't sapol palang ay ipinaalam na sa kanya ng kanyang lola ang magiging papel niya hindi lang sa mundo ng mga elfo kundi sa mundo ng mga tao. Kaya naman bata palang ay puro na pag eensay...