Palabas na ako ng aking maliit na bookstore nang may isang matandaang babae ang iniluwa ng kulay itim na kotse. Nakatingin siya sa akin na parang kilala niya ako. Nakangiti siyang naglakad palapit sa akin dala ang isang bagay sa kaliwa niyang kamay.
Napahinto ako. Dahil na rin sa kuryusidad ay hinintay ko kung ako nga ba ang lalapitan niya.
Hindi ako nagkamali. Huminto siya sa harap ko at ibinigay ang kulay itim na notebook na sa unang tingin pa lang ay masasabi ko nang luma.
"Basahin mo ang mga nakasulat diyan," aniya. Muli siyang ngumiti at bumalik sa sasakyan.
Mukha siyang mayaman. Halata sa kanyang kasuotan at sa kanyang kilos.
Wala man akong ideya kung ano ang mga nakasulat sa notebook ay tinaggap ko pa rin. Isa akong manunulat, hindi na bago sa akin ang ganitong sitwasyon. Marami nang pangyayari na bigla na lang may lalapit sa akin para pilitin akong isalibro ang mga buhay nila. Pero dahil hindi iyon gano'n kadali, hindi ko sila napagbibigyan.
Subalit, kakaiba ang naramdaman ko ngayon. Parang ang bigat-bigat sa kalooban nang hawakan ko na ang notebook. Mas lalo tuloy akong nagkainteres.
Mayamaya, umalis na rin ang kulay itim na kotse sa tapat ng bookstore ko.
Tiningnan ko nang mabuti ang notebook, medyo maalikabok na ito. Gusot-gusot na rin ang pabalat. Dahil dito, bumalik ako sa loob. May bibilhin sana ako sa labas pero ipinagpaliban ko muna. May kung anong enerhiya talaga ang humahatak sa akin para buklatin at basahin na ang nakapaloob sa bawat pahina.
Binuksan ko ang notebook at una kong nabasa ang front page...
