Page 104 Monday
Walang Cecilia kanina sa school dahil hindi siya pumasok. Nag-text siya sa akin at sinabing magkita raw kami sa 7/11. Kaya ayon, pinagbigyan ko siya kanina. Nag-usap kami. Hindi tungkol sa amin kundi tungkol sa problema niya. Iyak siya nang iyak na naman. Pinagtitinginan na nga kami ng ibang customer. Akala siguro nila pinaiyak ko si Cecilia.
Nag-away pala sila ng mama niya sa phone. Sumbatan malamang. Habang nag-uusap kami kanina. Na-realize ko na ang dami pala naming pagkakapareho ni Cecilia lalo na sa mga problema namin. Ang pinagkaiba lang namin, maganda siya at pangit ako. Sobrang lungkot niya kanina, hindi ko alam ang gagawin kung paano siya pasasayahin. Tang ina tapos nagulat na lang ako sa sarili ko, niyayakap ko na siya.
Nang matauhan ako, bigla akong tumayo at pumunta sa nagtitinda ng ice cream. Binilhan ko siya. Pag-abot ko sa kanya, sakmal agad, e. Ice cream lang pala katapat. Bago kami umuwi, naging okay na siya. Okay na ulit kami. Pinapansin ko na siya at pinapansin na rin niya ako. Habang pinagmamasdan ko si Cecilia habang naglalakad kami, parang gumagaan ang pakiramdam ko. Siguro dahil alam kong okay na rin siya. Ang bigat kasi ng kalooban ko kapag malungkot siya.