Anim na taon na rin ang nakalipas mula nang mangyari ang isang bagay na akala ko noon ay hindi ko kakayanin. Kaya ko pala. Kinaya ko dahil inisip ko si Paul. Nasa tamang edad na ako para maghanap ng mapapangasawa subalit mas pinili kong tumandang dalaga. Ayokong palitan si Paul. Sapat na sa akin ang pagmamahal niya kahit pa panandalian lang. Siya lang ang nakaukit dito sa puso ko.
Sa ngayon, nami-miss ko pa rin siya at minsan, nakararamdam pa rin ako ng lungkot. Pero kailangan kong magpatuloy sa buhay dahil alam kong iyon din ang gusto niya para sa akin. Kahit masakit, kinailangan kong maging matatag.
Napapangiti na lang ako habang muling binabasa ang diary ni Paul. Sabi niya noong namamasyal kami ay isalibro ko ito para malaman ng buong mundo kung gaano raw siya ka-sweet na boyfriend at kung gaano niya ako kamahal. Iyon ang huli niyang kahilingan.
Kaya naman sa pagkakataong ito, masaya akong haharap sa maraming taong nakapila at nagnanais na makabili ng kopya ng kuwento namin ni Paul kasama ang laman ng kanyang diary. Pinamagatan ko itong Team PaulCi.
"Ms. Cecilia, ready na ang table mo."
Napatingin ako sa babaeng nasa pinto. Siya ang secretary ng isa sa mga kilalang publishing house na kumuha sa akin.
"Sige, susunod na ako."
Tumayo ako sa kinauupuan ko. Huminga ako nang malalim habang hawak ang orihinal na kopya ng diary ni Paul.
"Paul, ito na 'yong hiling mo. Mahal na mahal kita kung nasaan ka man ngayon. Huwag kang magmumura diyan, a," bulong ko at natagpuan ko na lang ang aking sarili na nakangiti ngunit may kaunting luha.
Niyakap ko ang diary niya at saka naglakad palabas ng kuwarto at nagtungo sa aking table sa labas. Ang haba na pala ng pila. Nang mapadako ang tingin ko sa bandang gilid, naroon ang mga magulang ni Paul.
"Go, Cecilia!" Narinig kong sigaw ni Tita.
Nginitian ko sila at lumapit ako sa kanila. Niyakap ko silang dalawa nang mahigpit. Mula nang mawala si Paul, nagpatuloy ang magandang relasyon namin ng parents niya.
"Alam kong proud sa 'yo si Paul, hija," sabi ni Tito.
"Fight lang, okay?" dugtong ni Tita.
"Salamat po sa inyo. I love you po."
Nagyakapan ulit kaming tatlo.
oOOOo
Wakas.