Hindi ko na yata masukat kung gaano karaming luha ang naidilig ko sa aking pisngi sa pagbabasa ng diary ni Paul. Magkakasunod na paghikbi at walang tigil na pag-iyak ang bumalot sa office ko. Naninikip ang dibdib ko. Ang sakit-sakit. Halos dalawang taon ko nang hinahanap si Paul sa kung saan-saan. Pinuntahan ko na rin ang iba pa nilang kamag-anak sa Pasig pero wala rin silang alam kung saan nagpunta ang magpamilya.
Pero ngayon, ngayong nalaman ko na ang dahilan kung bakit ako iniwan ni Paul nang gano'n-gano'n na lang. Para akong tinutusok sa puso sa sobrang sakit. Ilang beses na nga akong binalikan ng pinsan kong nasa counter para i-check ako rito.
Niyakap ko na lang ang diary ni Paul habang umiiyak. Ayaw kong isipin na totoo ang mga nakasulat dito, pero kinakabahan ako. Sana hindi ito tunay. Sana wala lang ito. Sana panaginip lang ito at magising ako sa unang araw ng pagkikita namin ni Paul. Hindi ko kaya. Hindi ko kayang wala siya!
Sana matupad ang lahat ng sana.Niyakap na lang ako ng aking pinsan. Hagulgol pa rin ako. Gusto kong magwala. Paul, bakit! Bakit ngayon lang? I hate him! Pero miss ko na siya. Gusto ko na siyang mayakap. Mayakap kahit alam kong malabo nang mangyari.
Natapos ang mga sandaling iyon pero hindi natapos ang pagbuhos ng aking mga luha. Hanggang sa makauwi ako sa amin ay mugto pa rin ang aking mga mata. Agad akong dumiretso sa aking kuwarto at muling tumangis.
Wala akong ganang kumain. Pinipilit nila akong lumabas pero mas pinili kong magmukmok dito. Wala akong ibang gusto, si Paul lang. Siya. Gusto ko siyang makita ngayon kahit sa panaginip man lang.
Muli kong binuklat ang diary ni Paul. Halatang kanya ito dahil kabisado ko ang sulat-kamay niya. At ang madalas niyang pagmumura. Naroon din ang mga masasayang sandali naming dalawa.
Mayamaya lang, may napansin ako sa huling pahina. Mayroong numero doon na may kasamang pangalang Nilda. Hindi ko alam ang pumasok sa utak ko kung bakit kinuha ko ang number na iyon. Para bang may nagtutulak sa akin na tawagan iyon.
Nang i-dial ko iyon, boses ng matanda ang narinig ko.
"Hello?" aniya sa kabilang linya.
"He-hello p-po?" utal kong tugon.
Wala akong ideya kung anong sasabihin ko.
"Si Paul ba?"
Bigla akong nabuhayan. Napaayos ako ng upo at sabik na sabik na muling marinig ang pangalan niya.
"O-opo! Ki-kilala n'yo po ba siya? Saan siya nakatira? Okay lang po ba siya? Ano na pong lagay niya?"
Alam kong six months na lang ang itatagal ni Paul noon pero nagbabakasakali pa rin akong buhay pa rin siya hanggang ngayon.
"Thank you for calling. Hintayin mo at ite-text ko sa 'yo ang detalye kung saan tayo magkikita. By the way, ako ang lola niya."
Pagkatapos niyang magsalita ay agad nang naputol ang linya. Sinubukan ko ulit siyang tawagan pero pinapatay na niya. Ilang sandali lang, may natanggap akong text. Katulad ng sinabi ng matandang nakausap ko, binigay na niya ang detalye kung saan kami magtatagpo.
Hindi ako sigurado kung lola nga ba siya ni Paul pero wala na akong pakialam. Ang mahalaga sa akin ay malaman kung ano na ba si Paul ngayon; ang lalaking minahal ko nang sobra.
Bukas ng umaga ang sinabi ng matanda. Magkahalong pananabik at kaba ang nadarama ko. Sana buhay pa si Paul. Sana.
---***---
Kinabukasan, maaga akong umalis. Ni hindi na rin ako nakapagpaalam sa mga magulang ko. Wala na rin akong balak magbukas ng bookstore ngayon. Si Paul, siya ang mahalaga ngayon.
Nakatayo na ako ngayon sa harap ng isang korean restaurant matapos akong ibaba ng taxi. Kaunti pa lang ang mga taong nasa loob. Sinuyod ko ng tingin ang loob at sa bandang kaliwa ay may natanaw akong matandang babae. Pamilyar siya sa akin.
Agad-agad akong lumapit doon at nakilala ko na ang matanda. Siya, siya iyong nagbigay sa akin ng diary ni Paul. Siya rin kaya ang nakausap ko sa phone?
Napatingin siya sa akin. Ngumiti at sumenyas na umupo ako sa upuang nasa harapan niya. Nalilito man ako ay sinunod ko na lang din siya.
Nanginginig ang kamay ko. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko.
"Cecilia? Right?" tanong niya sa akin.
"O-opo, ako po."
Bawat pagbuka ng bibig niya ay pagkabahala ang hatid sa akin.
"Ako ang lola niya. Kinausap ako ng mga magulang ni Paul para sunduin ka."
Biglang nanuyo ang lalamunan ko at sinundan pa ng muling pagpatak ng aking pawis sa iba't ibang parte ng katawan ko.
"Kumusta na po siya? Gusto ko na po siyang makita? Ano pong lagay niya? Okay lang ba siya?" magkakasunod kong tanong.
Ngumiti siya sa akin. Hindi ko mabasa kung anong kahulugan ng ngiting iyon kaya mas lalo akong kinabahan. Dalawang taon akong nangulila kay Paul. Bawat araw ay hindi siya nawawala sa isipan ko. Lahat ng alaala naming dalawa ay paulit-ulit na tumatakbo sa sistema ko. Hindi ko siya nakalimutan kahit kailan. Dinagsa man ako ng mga lalaking gustong manligaw sa akin pero hindi ko naisipang palitan si Paul. Hanggang ngayon, umaasa pa rin akong muli kaming magkakasama.
"Follow me."
Tumayo ang matanda. Sinundan ko siya palabas ng restaurant at nagtungo kami sa kotseng itim na nakaparada sa tapat. Pagpasok namin sa loob ay agad niyang inutusan ang driver na paandarin ang sasakyan. Magkatabi kami sa back seat, tahimik lang siya at tila kalmadong nakatingin sa aming dinadaan.
Hindi ko na talaga maiwasang kabahan. Mas nilalamon ng kaba ang pagkasabik na nabubuo sa aking kalooban.
Kaya hindi na ako nakatiis. Nagtanong na naman ako sa kanya.
"Mawalang galang na po, pero, maaari ko po bang malaman kung anong lagay ni Paul?"
Tumingin siya sa akin.
"Ready ka na ba, hija?"
Umiiwas talaga siya sa tanong ko. Mas lalo tuloy akong kinakabahan.
Tumango na lang ako. Siguro nga mayroong dahilan kung bakit ayaw niya sabihin sa akin. Kung ano man ang dahilan na iyon, sana kayanin ko.