Page 122 Sunday
Isang linggo mula nang malaman ni Papa ang kalokohan ni Mama. Ngayon lang ulit ako maglalabas ng kaletsehan sa diary na ito dahil nawalan talaga ako ng gana nitong mga nakaraang araw. Ni hindi ko nga rin nakausap si Cecilia nang matagal. Alam naman niya ang dahilan kung bakit kaya hindi na rin siya nagtaka.
Nag-focus na nga lang ako sa thesis namin para hindi ko na maisip. Pero kapag naalala ko 'yong pag-iyak ni Papa, parang gusto kong magalit kay Mama. Ang sakit-sakit no'n para sa isang lalaki. Paano kung gawin sa akin iyon ni Cecilia? Ano kayang mangyayari sa akin?
Kaya kanina tinawagan ko si Cecilia. Tinanong ko siya kung kaya niya ba akong lokohin.
"Madali lang naman magloko. Pero kapag sobra mong mahal ang isang tao, kahit gaano kadali 'yon, hindi mo 'yon magagawa."
Iyan ang sabi niya. Alam kong kaputanginahan ang tanong ko sa kanya pero napanatag ang kalooban ko sa sagot niya. May tiwala ako sa kanya. Sobra. Kaya hindi ko talaga hahayaang mawala siya sa akin.