Page 101 Friday
Ang sabi ko kahapon ay iiwasan ko na siya. Pero hindi ako nakatiis na pansinin siya nang kulitin niya ako. Hindi ko alam kung bakit. Ugali ko namang mag-snob dati. Nagkita kami. Pero medyo nahihiya ako. Napansin niya kanina, pero nagdahilan na lang ako na masama ang pakiramdam ko. Nag-aabang na kami ng masasakyan nang muli niyang hawakan ang kamay ko. Ang lambot talaga ng kamay niya at sobrang kinis. Kamay mayaman.
Bumitiw ako. Nagtaka siya at tinanong ako ng bakit. Tinanong niya talaga? Tang ina hindi ba siya nakakahalata na nahihiya ako? Hindi ba niya alam na gusto ko na magpakain sa lupa sa tuwing magkasama kami? Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko, e. Paano kami naging magkaibigan ng babaeng 'to. Ginawa ko ang diary na 'to para sa mga hinanaing ko sa buhay pero bakit halos siya ang laman? Nakakabobo.
"Bakit?" tanong niya kanina.
Nakaramdam na naman ako ng inis kaya hindi ko rin naiwasang magtanong.
"Ano bang ibig-sabihin nito?"
"Ang alin?"
"Nitong tayo."
Natahimik siya. Sandali siyang tumingin sa lapag at muli akong tiningnan na may malapad na ngiti.
"Hindi mo pa ba gets?" tanong niya ulit.
Tuluyan nang nag-init ang ulo ko. Nang may dumaang jeep ay sumakay agad ako. Hahabulin niya sana ako pero puno na kaya hindi siya hinintuan ng driver. Tang ina naman kasi, e, nagtanong ako tapos tinanong din ako.