Page 108 Friday
Hindi ko alam ang gagawin ko no'ng salubungin ako ng mga kaibigan ni Cecilia sa school kaninang tanghali. Nakakahiya. Pero nawala ang hiya na 'yon nang malaman kong boto sila sa akin. Boto sila para sa amin ni Cecilia. No'ng una, tinatanong ko sarili ko kung ano na nga ba ang meron sa amin ng babaeng kumag na 'yon. Kami na ba? Umamin siya. Tapos umamin din ako, girlfriend ko na ba siya? Ewan ko. Anong malay ko sa ganyan, NGSB ako, e. Hindi ko nga alam kung anong nakita sa akin ni Cecilia. Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala.
Nag-sorry ako sa lalaking inakala kong lumalandi kay Cecilia. Bakla nga talaga siya. Ang nakapagtataka lang, bakit ako nag-sorry? Hindi ko naman gawain humingi ng sorry.
Pinipilit akong hawakan ni Cecilia sa kamay habang naghihintay kami ng jeep. Pero bumibitiw talaga ako. Nahihiya ako, e. Feeling ko kasi lahat ng tumitingin sa amin e iniisip kung anong klase ng love potion ang ginamit ko. Basta hindi ako komportable. Nahihiya ako para sa sarili ko. Pakiramdam ko hindi ko deserve si Cecilia. Tang ina kasi, sana naging pangit na lang siya para fair.
Pero, sa kabila ng pagdududa ko sa sarili ko. Mas lalo akong hinawakan ni Cecilia sa kamay. Wala raw siyang pakialam sa sasabihin ng iba. Tiningnan ko siya sa mata kanina nang mabuti, nakita ko roon na talagang seryoso siya sa sinabi niya.
Bigla ko na lang na-feel na sobrang kakaiba ni Cecilia. Tanggap niya kung ano ako. Sana hindi siya mauntog at magising sa katotohanang umiibig siya sa hindi worth it.