Patungo Kay Paul

80 5 8
                                    


Hapon na nang magising ako mula sa mahabang pagtulog. Pagdilat ko ng aking mga mata ay katabi ko pa rin ang lola ni Paul. Nasa loob pa rin kami ng sasakyan. Nang tingnan ko ang orasang nasa kanang kamay ko ay alas-singko na pala. Hindi ko alam kung nasaan kami kaya nagtanong ulit ako.

"Nasaan na po tayo?" tanong ko na inusisa pa ang aming mga nadadaanan. Nakita kong maraming mga halaman sa labas at mga kawayan.

"Nasa Baguio na tayo. Sampung minuto na lang mahigit at makakarating na tayo sa paroroonan natin."

Naimulat ko na aking ang mga mata nang maalala ko si Paul. Ibig-sabihin, makikita ko na mamaya ang lalaking matagal ko nang hinahanap. Ang lalaking bumuo ng buhay ko noong mga panahong wasak na wasak ako. Pero, sana makita ko siyang buhay. Malakas, nakangiti at malusog. Ayoko siyang madatnang natatabunan ng lupa habang nakaukit ang pangalan sa makinis na bato.

Muling naipon ang tubig sa aking mga mata. Nabigla ako nang hawakan ako sa kamay ng lola ni Paul. Naroon sa paghawak na iyon ang mensaheng maging matatag ako sa mga sandaling ito. Sana kayanin ko.

Makalipas ang ilang minuto. Huminto ang sinasakyan namin sa isang kulay pulang gate. Naunang bumaba ang lola ni Paul at ang driver, samantalang ako, naiwang nakaupo sa loob.

Hindi ako makagalaw. Hindi ako makapagsalita at tanging pagtangis lang ang aking nagawa. Bakit? Bakit kami nasa sementeryo ngayon? Hindi puwede. Hindi!

Pinilit kong kumilos at sundan ang paglalakad nila. Bawat hakbang ay tila siyang patalim na sumusugat sa aking puso. Bawat puntod na madadaanan namin ay kasing bigat ng malaking bato ang hatid sa aking kalooban.

Nanginginig ako. Para akong hihimatayin. Hindi ko maintindihan ang ibig-sabihin nito kahit pa sinasampal na ako ng katotohanang unti-unti nang yumayakap sa akin.

Naglakad pa kami. Makailang minuto pa'y huminto kami sa isang kapilya kung saan may mga nakatirik na kandila.

At sa pagkakataong ito, tuluyan na akong naiyak nang naiyak.

"Pasensya na, hija kung dito kita dinala. Nakalimutan kong pupunta pala sila rito ngayong araw. Isa pa, madadaanan din naman natin ito bago tayo makapunta sa bahay."

Hindi ko masyadong pinagtuunan ang sinabi niya. Nakatuon lang ang aking tingin sa isang lalaking nakatalikod at nakaupo sa wheelchair na may kasamang lalaki at babae na hindi pa naman katandaan. Kilala ko ang dalawang iyon.

Nang mapansin nila ako ay dahan-dahan nang humarap ang nakaupo sa upuang de gulong.

Lalong bumilis ang tibok ng aking puso.

Hindi makapaniwala...

Pero sa kabilang banda, ako'y nagpapasalamat.

"Paul!" sigaw ko.

Si Paul iyon. Kahit pa sobrang payat niya ngayon, kilala ko ang tingin niya.

Sa sobrang pagkasabik ko'y agad akong tumakbo sa kinaroroonan ni Paul.

Niyakap ko siya habang humahagulgol.

"Paul! Bakit?! Bakit mo ko iniwan?! Bakit?!" sabi ko habang hinahagkan siya.

Naririnig kong umiiyak na rin ang mga magulang ni Paul sa gilid.

Halos limang minuto ko yatang niyakap si Paul. Kulang pa ito. Kulang na kulang pa para sa bawat segundong wala siya sa tabi ko.

"Paul! Mahal na mahal kita!" Naramdaman kong inilagay na rin niya ang kanyang kamay sa aking likod.

Kumalas ako. Tinitigan ko siya nang mabuti. Ang payat niya. Mas patpat siya kumpara noon. Bakas sa pangangatawan niya ang epekto ng kanyang sakit.

"Sorry, Cecilia..." aniya sa mahinang tinig.

Umiling ako.

"No. Huwag ka mag-sorry. Ang importante magkasama na ulit tayo," sagot ko habang hawak ang magkabila niyang pisngi.

"Iyon lang ang alam kong paraan para hindi ka masaktan nang todo; ang lisanin ka. Sorry."

Hinawakan ko ang payat niyang kamay.

"Walang araw na hindi kita iniisip. Bawat kilos ko ikaw ang naalala ko, Paul. Never pumasok sa isipan ko na humanap ng iba, dahil ikaw lang ang nandito, Paul. Ikaw lang," sabi ko habang tinuturo pa ang aking kaliwang dibdib.

Umiyak na rin siya.

"Mahal na mahal kita, Cecilia." Muli kaming nagyakap.

Napawi ang lahat ng pangungulila ko sa kanya sa mga sandaling ito. After two years, nakapiling ko na siyang muli. Ang saya ko. Noon, galit na galit ako sa kanya kasi bigla niya akong iniwan, pero hindi ko na inisip iyon basta't ang mahalaga, siya at ako na ulit.

"Hu-huwag mo n-na akong iiwan ulit, a," sabi ko habang umiiyak.

Nginitian niya lang ako sabay ayos ng buhok ko.

"Ikaw lang ang babaeng mamahalin ko, Cecilia."

"Ikaw lang din ang lalaking mahalin ko, Paul."

Muli naming pinag-isa aming katawan. Aaminin kong naninibago ako sa pisikal niyang anyo. Pero wala na akong pakialam doon. Mahal ko siya. Kahit ano kakayanin ko para sa kanya at kahit anong tungkol sa kanya ay tatanggapin ko.

ReadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon