Page 117 Tuesday
Mukha akong tanga kanina. Hirap na hirap akong ibigay kay Cecilia 'yong scrap book. Hindi ko kasi siya masolo kanina. Kung saan kami magpunta nakabuntot 'yong mga kaibigan niyang tukmol. Kaya ang nangyari, binigay ko talaga sa harap ng mga kaibigan niya para mas lalo siyang kiligin. Mga gago, nagsigawan. Tili nang tili 'yong bakla sarap batukan. Si Cecilia naman panay ang sabunot sa kaklase niya. Tapos hindi makatingin sa akin nang maayos. Siyempre ako naman, gusto ko nang magpalamon sa lupa. Hiyang-hiya ako. Paul Martin, ano bang pinasok mo? Letse.
Kitang-kita ko kanina sa reaksyon ni Cecilia na ang saya niya. No'ng magkatabi na kami sa jeep, inisa-isa niyang tingnan ang bawat pahina. Sabi ko sa kanya saka na niya tingnan kapag nakauwi na siya. Nakakahiya kasi. Hindi ako satisfied sa design ng ginawa ko. Habang tinitingnan niya, sinabi niyang ako pa lang ang nakakapagbigay sa kanya ng gano'n, ako na lang palagi una? Baliw. Para sa akin, maliit na bagay lang 'yong scrap book na 'yon pero damang-dama ko ang ligaya niya.
Umuwi rito sa bahay nang nakangiti. Naabutan ko si Mama. Nagtaka sa hitsura ng mukha ko. Hindi ko siya pinansin at nagpunta lang ako sa kuwarto.
