Page 52 Monday
Ang aga-agang nagpunta si Cecilia dito sa bahay. Pinagtitinginan siya ng mga kapitbahay namin. Narinig ko pa ngang para daw akong nanalo sa lotto. O baka raw ginayuma ko si Cecilia. Mga kupal! Hindi ko naman syota si Cecilia. Masyado kasing madikit, e. Sabay kaming pumasok. Ang layo ng binyahe niya mula sa kanila papunta sa amin tapos papasok sa school. Pagdating namin doon, bigla na lang akong hinawakan ni Cecilia sa kamay. Nagulat ako. Pero ngumiti lang siya. Hindi ko alam kung anong ibig-sabihin nito. Wala naman kasi akong alam pagdating sa mga ganitong sitwasyon.
Ilang minuto siguro kaming magkahawak kamay. Diretso lang ang tingin ko kasi para akong nahiya sa kanya. Sa amin din nakatingin lahat ng estudyanteng madadaanan namin. Hanggang sa makarating na kami sa harap ng room namin. Doon lang kami nagbitaw ng kamay. Nagpaalam na ako sa kanya. Pero ang labis kong ikinagulat, hinalikan niya ako sa pisngi. Natulala ako hanggang sa makauwi ako sa amin. Bumilis tibok ng puso ko kanina tang ina.