Page 119 Thursday
Nagulat si Cecilia sa hitsura ko. Pinagupit ko na kasi 'yong buhok kong parang pugad ng ibon. Tapos ginamitan ko ng wax. Sabi kasi ni Mama, magpapogi raw ako. Pumorma daw ako para mas lalong ma-inlove si Cecilia. Alam na kasi niyang umiibig na ang hampas-lupa niyang anak. Pinakita ko nga sa kanya si Cecilia sa phone ko, hindi rin siya makapaniwala, e. Ang ganda-ganda kasi ni Cecilia kasi saang anggulo mo titingnan. Pero ako, wala talaga akong kumpyans sa sarili ko. Hindi ko makita kung saang banda ako guwapo. Sabi ng mga kaibigan ni Cecilia, may histura naman daw ako, kailangan o lang mag-ayos. Puta, ito na nga, o. Kaya kanina, sabi sa akin ni Cecilia, para daw akong Chairman ng isang kumpanya sa mga korean novela. Gano'n daw 'yong awra ko. Sinuot ko na kasi 'yong regalo sa akin ni Mama na half sleeve no'ng nakaraang pasko pa. Tsaka 'yong tribal kong pants. Sibilyan lang naman kami kanina kaya nakaporma ako. Hindi ko alam kung binobola lang ako ni Cecilia, maging 'yong mga kaibigan din kasi niya e napa-wow. Ramdam na ramdam ko na tao na talaga ako. Parang ang sarap sa feeling na alam mong natatanggap ka ng mga taong nakapaligid sa 'yo.
Nag-date kami ni Cecilia. Doon lang sa isang cafe malapit sa school namin. From now on, susubukan ko nang magkaroon ng kumpyansa sa sarili. Kailangan kong maging matatag para kay Cecilia.
Pagdating ko sa bahay, ang saya-saya ko. Nagulat nga si Mama kasi napapasipol pa ako. Hindi na raw ako 'yong dating anak niya. Napaluha nga siya kanina, e. Sinisisi niya ang sarili niya kung bakit ngayon ko lang daw naramdaman ang maging masaya. Aminado naman siya sa mga kasalanan niya. Pero siyempre, nasasaktan din ako. Gusto kong sigawan si Mama, sinira niya ang mood ko. Pero naalala ko ang sinabi sa akin ni Cecilia na kahit anong gawin namin, kailangan pa rin naming mahalin ang mga magulang namin. Kaya binalewala ko na lang ang eksena.