Nagpunta na kami sa bahay nila Paul at ngayon ay nasa terrace kami habang nakaupo't pinagmamasdan ang paglubog ng araw.
Ngayon ko lang naunawaan kung bakit sila nasa sementeryo kanina. Ngayon pala ang death anniversary ng kanyang lolo. Hindi rin pala alam ni Paul na darating ako ngayong araw. Tanging mga magulang lamang niya at ang kanyang lola ang nakakaalam.
Hindi ako makapaniwala. Iniisip ko nga kanina na isa itong panaginip. Pero hindi. Totoo na itong nangyayari na siyang bumuhay sa nalulumbay kong katauhan.
"So, paano ka naging author? Hindi ba't HRM ang course mo?" pagtataka ni Paul. Magkatabi kami sa upuan habang magkahawak ang kamay. Medyo mahina pa rin siyang magsalita pero maririnig pa rin naman.
"Noong nawala ka. Lahat ng sakit ay idinaan ko sa paggawa ng mga kuwento. May naka-discover sa akin at 'yon, doon na ako nag-focus since doon ako kumikita. Pero alam mo, hindi ko na-feel ang tagumpay kasi wala ka no'n," sabi ko at tinitigan ko sya.
"Alam mo ba, gustong-gusto nga kita makita pero ayaw ko talagang masaktan ka dahil mawawala ako. Pero walang lumipas na araw na hindi kita na-miss."
Iyong mga ngiti niya. Ang sarap pagmasdan. Lahat ng alaala namin ay nanunumbalik kapag nakatitig ako sa kanyang mga mata.
"I miss you too, Paul. Halos mabaliw ako sa kaiisip kung saan ka hahanapin, mabuti na lang at nagtagpo kami ni Lola Nilda," sabi ko.
"Sandali, paano pala kayo nagkakilala?"
Isinandal ko ang aking ulo sa kanyang balikat.
"Palabas na ako ng bookstore ko kahapon nang bigla niya akong salubingin at ibigay ang diary mo, Paul, nag-da-diary ka pala?"
Pagkatapos kong sabihin iyon ay tiningnan ko siyang muli. Nakita ko sa mukha niya na bakas ang hiya.
"Nabasa mo?" tanong niya.
"Oo, habang binabasa ko nga 'yon umiiyak ako." Napabuntong-hininga ako.
Humangin nang malakas at nadama naming pareho ang malamig na simoy ng hangin kaya hindi namin napigilang magyakap.
"Nabilang mo ba kung ilang mura ang naroon sa diary ko na 'yon?"
"Hindi, basta marami. Pero, grabe ka, nilason mo ang manok ng kapitbahay ninyo," sabi ko at lumitaw ang ngiti sa mga labi niya.
Binuksan ko ang aking sling bag at kinuha ang diary ni Paul. Binigay ko sa kanya.
"Na-miss kong magsulat dito. Tanda ko pa, tuwing uuwi ako sa bahay lahat ng nangyari buong araw na kasama kita ay sinusulat ko. Kapag kinikilig ako, hinahaluan ko ng mura," aniya.
"Pero alam mo kung anong mas nagustuhan ko sa diary mo?"
Nagtaka siya.
"Ano?"
"Sa part na hinalikan mo ko noong inaasar kitang bakla."
Napapikit siya sa sinabi ko at bahagyang natawa.
Ilang segundong namutawi ang katahimikan sa amin. Walang ibang maririnig kundi tunog na nagmumula sa mga dahon dulot ng mahanging panahon.
"Cecilia," bigkas niya.
"Bakit, Paul?"
"Naniniwala ka ba sa miracle?"
Nagkatitigan kami. Ang inosente ng tingin niya. Ang layo sa dating Paul na parang ang tapang-tapang.