#TangInaMoPaul

100 5 2
                                    


Maaga kaming nagising ni Paul para maglakad-lakad. Pero dahil nahihirapan siyang lumakad, nakasaupo pa rin siya sa wheelchair habang ako naman ang nagtutulak. May kaunting hamog sa daan. Ang lamig, kaya naman makapal ang jacket na suot naming dalawa.

Nasa gilid kami ng kalsda. Wala naman masyadong dumadaan dito na sasakyan kaya hindi naman gano'n kadelikado.

Habang tinatahak namin ang daan ay kinakantahan ko siya ng Your Love by Alamid. Tuwang-tuwa naman siya habang pinakikinggan ako.

"Lalo akong na-i-inlove sa 'yo dahil sa boses mo," sabi niya.

"Ganda ng boses ko, 'no? Pang-concert," pagmamayabang ko.

"Doon muna tayo, baka pagod ka na," aniya at tinuro ang direksyon kung saan may mga puno.

Sinunod ko siya. Medyo hinihingal na rin kasi ako kaya siguro ay magpahinga muna ako.

Pumuwesto kami sa ilalim ng punong mangga.

"Alam na ba ng parents mo?" sabi niya sa malumanay na tinig.

"Oo. Nasabi ko nang nandito ako kasama ka."

Ngumiti lang siya.

"Ahm, Paul. Kung napapagod kang magsalita, ayos lang. Kahit ako na lang ang magkuwento nang magkuwento."

"Kung ikaw ang dahilan kung bakit ako mapapagod, ayos lang din."

Medyo kinilig ako sa sinabi niya. Natuto na siyang bumanat.

"Naaalala ko pa noong una tayong magkita sa kubo, ang sungit-sungit mo no'n. Tapos no'ng hiniraman kita ng panyo, hinagis mo pa sa mukha ko," natatawa kong sabi.

"Hindi ko rin alam kung bakit kita pinahiram ng panyo noon. Wala naman dapat ako pakialam pero may kung anong nagtulak sa akin na bigyan ka ng panyo," aniya.

"Siguro noon pa lang crush mo na ako, 'no?" Sinundot ko nang mahina ang tagiliran niya.

"Noong una, hindi. Nahihirapan akong magtiwala sa kahit sino. Nagulat na nga lang ako at naka-attach na ako sa 'yo, e."

"Naalala mo pa rin ba 'yong sinapak mo 'yong bumangga sa 'kin sa hallway?" tanong ko.

"Oo naman. Hindi ko makakalimutan 'yon. No'ng mga sandaling 'yon, aaminin ko na kinabahan ako pagkatapos no'n. Iniisip ko na baka banatan niya ako sa labas. Hindi naman kasi ako sanay sa away. Pero no'ng makita kong nasaktan ka, kusa kong nagawang ipagtanggol ka."

Ang suwerte ko talaga kay Paul. Kahit napakasungit at napakamainitin ng ulo niya noon, talagang hindi niya ako hinahayaan. Pinararamdam niya sa akin kung gaano niya ako kamahal sa paraang alam niya.

"Nasa akin pa rin ang scrap book," sabi ko at dahan-dahan siyang napatingin sa akin.

"Talaga?" tanong niya.

"Oo. Lahat naman ng galing sa 'yo, iniingatan ko, kahit nga 'yong panyo na binigay mo sa 'kin na hindi mo na tinanggap no'ng isauli ko."

Pareho kaming natawa. Hindi niya siguro inakala na kahit maliit na materyal ay nagawa kong pahalagahan. Para kasi sa akin, maliit man iyon o malaki, may kalakip na pa rin na alaala iyon.

"Pero ang pangit ng pagkakagawa ko ng scrap book. Hanggang ngayon hindi pa rin ako satisfied," sabi niya habang nasa malayo ang tingin.

"Hindi naman 'yong design ang mahalaga. No'ng binigay mo nga sa 'kin 'yon pakiramdam ko isa akong prinsesa. Ikaw lang kaya ang nakapagbigay sa 'kin no'n."

ReadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon