Chapter 2
MARAMING in-order na pagkain ang lalaki. Ang bilog na lamesa ay punong-puno ng mga pagkain. Teka, mauubos ba nilang lahat ito? Mula sa appetizer hanggang dessert ay nasa lamesa na nila. Napatingin siya sa lalaki na kasalukuyang umiinom ng tsaa.
"Binili ko lang ang mga pagkain na sa tingin ko ay magugustuhan mo," sabi nito na parang iyon ang inaasahan niyang sagot.
Hindi na siya sumagot at alanganin na ngumiti. Ano ba ang uunahin niya? Bahala na! Kakain lang siya nang kakain hanggang sa hindi na niya makayang ngumuya. Ngayon na nakakain na siya ng matinong pagkain ay naalala niya bigla si Yeye Moran, noong nakaraang araw na kasama niya ito ay palaging pagkain nila ay nilagang kamote o saging sa buong maghapon. Kaya siguro nagreklamo na ang tyan niya at naghahanap na nang matinong pagkain.
"Kung sakali ba na hindi natin maubos lahat ito ay puwede ba akong magdala? Bibigyan ko lang ng pagkain si Yeye Moran."
"Moran? Ang matandang lalaki na nakatira sa Ganjing? Yeye mo siya?"
"Hindi ko siya kaano-ano, pero malaki ang utang na loob ko sa kanya dahil siya ang nagligtas sa akin nang mapunta ako rito sa panahon niyo."
"Ha?" Nakakunot-noo na tanong nito. Bigla naman siyang nasamid kaya nabuga niya tuloy ang kinakain. Mabilis na lumapit sa kanya ang lalaki at inabutan siya ng tubig habang hinahaplos ang likod niya.
"Okay na ako, salamat." Pagbibigay niya ng assurance dito dahil parang ayaw pang maniwala na okay lang siya. Ang hitsura nito ay tila nag-aalala sa kanya. Ngumiti siya para makumbinsi itong maayos na ang pakiramdam niya. "Siyanga pala, kanina pa tayo magkasama at nilibre mo na ako ng pagkain pero hindi pa natin kilala ang isa't isa." Sinadya niyang ibahin ang kwentuhan nila para hindi na nito maalala ang sinabi niya kanina. "Ako nga pala si Yi Jian, ikaw?"
Biglang nangislap ang mata nito, ngumiti pagkuway bumalik na sa sarili nitong upuan. "Dou Ji." Titig na titig sa mga mata niya ang lalaki habang sinasabi ang pangalan. "Maaari mo akong tawagin na Xiao Ji, Dou Ji gege o Ji xiong."
Natawa bigla si Yi Jian. Pangalan lang ang hinihingi niya pero pati ang pa-acknowledge sa lalaki ay ibinigay na rin nito. "Xiao Ji, ayos lang ba na iyon ang itawag ko?" Hindi alam ni Yi Jian pero bigla siyang nakaramdam ng pinaghalong saya at lungkot nang banggitin niya ang Xiao Ji.
"Kung ganoon ay Jian gege na lang itatawag ko sa iyo."
Nakangiti na tumango siya bilang sagot. Natutuwa talaga siya sa lalaking ito. Ngayon lang sila nagkakilala pero close na agad sila. Hindi niya maintindihan pero magaan ang loob niya rito. Pero tulad ng curiosity ng mga taong nakasalubong niya kanina ay tinanong din nito ang tungkol sa kulay ng buhok niya. Ipinaliwang niya sa salitang maiintindihan nito. Namangha naman ito sa mga paliwanag niya.
"Nakakamangha naman pala ang dahilan kung bakit ganyan ang kulay ng buhok mo. Sandali, mahirap bang maging modelo?"
"Hindi naman, tatayo ka lang naman at ilalabas ang emosyon na gusto ng kukuha ng imahe mo. Teka, heto ang mga halimbawa ng pagmo-modelo ko." Binigay niya ang photo book magazine dito. "Maganda ba?"
Tumingin ito sa kanya, kumikislap ang mga mata at nakangiting sinagot siya. "Napakaganda." Isa-isa na nitong binuklat ang bawat pahina ng magazine. Tuwang-tuwa ito habang tinititigan ang makukulay niyang mga picture. "Binibigay mo na ba ito sa akin?"
"Ha?" Nagulat siya sa tanong nito. Ang totoo ay wala siyang balak na ibigay ang magazine niya. Kinuha niya ang magazine sa kamay nito pero mahigpit ang hawak nito doon kaya naman hindi na lang niya kinuha. "Sige, sa 'yo na lang 'yan." Nasabi na lang niya. Nakakahiya naman na tanggihan ito lalo na at sa dami ng pagkaing nasa lamesa ngayon. Baka nga kulang pa ang magazine na ito pambayad sa nagastos nito ngayon.

BINABASA MO ANG
Unwritten Memories
Historical FictionBL/Historical with 12 volumes. Si Yi Jian, isang modelo mula sa modernong panahon. Nasa photoshoot siya, sakay ng isang yate nang bigla ay bumagyo at inalon ang yateng sinasakyan niya. Nahulog siya sa karagatan at nang magising siya ay nasa isang hi...