Chapter 10
SA wakas ay natapos na silang kumain. Ngayon ay umiinom na lang sila ng tsaa para bumaba ang kinain nila.
"Bigla ko lang naisip na paano nakapaglakbay ang salarin na hindi pinaghihinalaan?" tanong ni Lie Feng. "Nagsimula siya sa silangan papuntang hilaga. Sa paglalakbay pa lang niya papuntang hilaga ay dapat na may nakapansin na sa kanya."
"Maaari na disente ang pananamit ng taong iyon kaya hindi napaghinalaan," sagot ni Xiao Hen.
"Meron din akong naisip, kamahalan. Hindi kaya ang salarin ay nasa kaharian ng Fei? Doon nagsimula ang unang kaso ng panununog. Paano kung sinadya niya na pumunta ng hilaga para hindi mapaghinalaan?"
"Maaari ang sinabi mo, Ouyang. Kaya lang ay hindi natin puwede na basta sisihin ang Fei dahil maaari din na tao iyon ng Chu o Wu at inuna lang ang Fei para hindi sila agad na mapaghinalaan."
Napatango-tango naman ito. May sasabihin pa sana ito nang bigla may dumating na grupo ng limang kalalakihan. Umupo ito sa katabi nilang lamesa. Nasa likod ng mga ito sina Lie Feng at Xiao Hen.
"Tss, anong kinaganda ng kahariang ito? Puro mga pasyalan lang ng mga tao. Hindi katulad sa Chu na maraming mga bahay-aliwan at magagandang babae." Magaspang ang boses na sabi ng lalaki.
"Hindi naiisip ng emperador natin na kailangan din ng mga bahay-aliwan dito para sa mga katulad natin. Akala yata ng Hen Hao na iyon ay katulad pa rin siya noon na murang edad pa lang nang mamuno rito kaya ipinagbawal ang mga bahay-aliwan." Dagdag pa ng isa. "Ilang taon na ba ang emperador natin? Tatlongpo at limang taon na. Dapat sa gulang niyang iyon ay may anak na siya sa bawat isa sa mga babae niya sa loob ng palasyo."
"Bata pang masasabi ang emperador natin. Kung ikukumpara sa hari ng Yu na mas matanda sa kanya ng limang taon ay mas nakapagtataka na wala pa rin siyang anak."
Napatingin si Yi Jian kay Lie Feng. Nasa forty na pala si Lie Feng. Hindi halata, akala ko ay kasing-edad ko lang siya. Si Yi Jian kasi ay twenty-five pa lang.
"Ang mas nakapagtataka ay wala siyang ni isang babae man lang!" Nakisali na rin ang isang lalaki. "Hindi kaya may problemang sekswal ang hari ng Yu?"
"Baka tuluyan nang nilumot!"
At nagtawanan ang mga ito.
Tahimik lang na nakikinig si Yi Jian sa mga sinasabi ng kalalakihan sa likod ng dalawang kasama niya. Sa totoo lang ay naaasar siya sa mga ito dahil talo pa ang babae kung makapag-ungkat ng buhay ng ibang tao. Pero wala siyang karapatan na magalit dahil ang mismong pinag-uusapan nga ay hindi kumikibo.
"Mga sabik na ang mga 'yan sa laman kaya lang ay hindi makalabas ng kaharian dahil sa paghihigpit ng kamahalan sa bawat hangganan." Bulong sa kanya ni Ouyang.
Napatango-tango naman si Yi Jian. Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit ganito umasta ang mga lalaking ito. Wala rin palang bahay-aliwan dito katulad sa Yu. Nag-usap kaya ang dalawang ito?
"Naisip ko bigla na baka may relasyon sina Lie Feng at Hen Hao," pagpapatuloy ng lalaking magaspang ang boses. Hindi na ginalang ang emperador at hari dahil pangalan na lang ang binabanggit. "Dahil parehas silang mga walang anak pa. Gusto siguro nilang pamunuan habang-buhay ang mga kahariang hawak nila."
Napatingin si Yi Jian sa dalawa. Tahimik lang na nakikinig ang mga ito. Mukhang hindi naman papatol sa sinasabi ng mga ito. Nakahinga na siya nang maluwag nang dahil doon. Mabuti na lang at kahit medyo may pagka-childish at nagkakapikunan ang dalawang ito ay nananatili pa rin ang composure ng mga ito.
"Pagkatapos nating ubusin ang iniinom natin ay bumalik na tayo sa tirahan ni Xiao Hen. Gusto ko na rin magpahinga sana." Sinadya niya na palitan ng tirahan ang palasyo ng emperador para hindi marinig ng kabilang lamesa.
BINABASA MO ANG
Unwritten Memories
Fiksi SejarahBL/Historical with 12 volumes. Si Yi Jian, isang modelo mula sa modernong panahon. Nasa photoshoot siya, sakay ng isang yate nang bigla ay bumagyo at inalon ang yateng sinasakyan niya. Nahulog siya sa karagatan at nang magising siya ay nasa isang hi...
