Chapter 34
"LIE FENG..."
Napatingin si Dou Ji rito matapos nitong sabihin iyon.
"Anong ibig mong sabihin?" Nakakunot ang noo na tanong ni Xian Mu.
Napangiti si Lie Feng. "Si Dou Ji Jiangjun ay naging matagumpay sa buhay ngayon dahil ginamit niya ang hindi magandang karanasan noong bata pa siya. Ano naman kung nanggaling siya sa mahirap na pamilya? Kung nakaranas siya ng hindi maganda sa kanyang ama? Ang mahalaga pa rin ay kung ano siya ngayon. Hindi mababago ng kanyang nakaraan ang mga kabutihan na nagawa niya sa kasalukuyan."
Sumang-ayon ang iba sa sinabing iyon ni Lie Feng. Pero si Xian Mu ay gusto pa rin ipaglaban ang baluktot na opinyon. "Kahit anong gawin niya ay hindi mababago ang nakaraang meron siya." Ngumisi ito. "May naging kasintahan din siya pero iniwan niya nang dahil lang sa hinahangad niyang karangalan sa loob ng palasyo ng aking ama!"
"Kalokohan ang mga sinasabi mo," tumayo si Wenrou para ipagtanggol ang kaibigan. "Walang kinalaman ang personal niyang buhay sa posisyong meron siya ngayon!"
Sasagot pa sana si Xian Mu. Mabuti na lang at pinatawag na ng ama nito ang kasama nilang kawal, ipinadampot ito ng sariling ama at sinabi na ikulong ito sa kuwarto nito.
"Ipagpaumanhin niyo ang kaguluhang ginawa ng batang iyon." Hinging paumanhin ni Haring Fu Bai sa mga kasama nila, lalo na kay Emperador Hen Hao. Binalingan nito ang hari ng Fei at ang prinsesa. "Ang tungkol sa pagkakaibigan ng ating mga kaharian—"
"Sa tingin ko ay kakausapin ko muna ang ina ng aking anak." Mabilis na putol ng hari ng Fei sa ibang sasabihin ni Haring Fu Bai.
Alanganin na lang na napangiti si Haring Fu Bai pagkuway umupo at mabilis na nilagok ang alak. "Walang-hiya ang batang iyon! Sinira niya ang mga plano ko!" Gigil na sabi nito.
Hindi na lang sumagot si Dou Ji, bahagya siyang tinapik ni Wenrou sa balikat. Ipinaparating na baliwalain niya ang mga nangyari kanina. Nakangiting tumango na lang siya. Ilang sandali pa ay nagpaalam siya sa hari na lalabas lang para kumuha ng sariwang hangin. Sa ilalim ng puno siya umupo at isinandal ang likod sa malaking puno.
"Zhan Dou Ji Jiangjun..."
"Xin Lie Feng." Nakangiting sabi niya. Sinundan pala siya nito. "Puwede bang huwag mo nang kompletuhin ang pangalan ko sa tuwing tatawagin mo ako?"
Napatango na lang ito. Mayamaya ay bigla siyang napangiti dahil masyadong seryoso ang mukha nito kaya naman pinagaan niya ang sitwasyon.
"Kung sakali na natuloy ang kasal ko sa prinsesa ng Fei ay siguradong palagi na akong may makukuhang rasyon ng tieguanyin," tukoy niya sa sikat ng tsaa ng Fei. Minsan na siyang nakatikim ng tsaa na iyon nang magtungo siya sa kaharian ng Fei. Hindi niya makakalimutan ang amoy ng tsaa na iyon dahil meron itong aroma ng plum at orchid. Mula nang matikman niya iyon ay bumili siya ng tsaa pero hindi naman niya madalas mainom dahil palagi siyang nasa Qinghua kaya naman halos nawala na rin sa isip niya ang tsaang iyon at nakakainom lang sa tuwing nasa Ji Manor siya.
"Paborito mo ba ang tsaang iyon?"
Napatitig lang siya rito at hindi sinagot ang tanong nito. "Bakit mo pala ako sinundan?"
Napalabi ito. "Ang mga sinabi ni Mu shaoye..."
Napangiti na lang siya pagkuway inayang umupo sa tabi niya si Lie Feng. "Totoong pinatay ang aking ina harapan ko at pinatay ko ang aking ama. Totoong pinagtangkaan akong gahasain kaya pinatay ko siya. Ang ama ko ang tinutukoy kong tao na una kong napatay gamit ang mga kamay na ito."
Tumitig ito sa kanya. Naalala ang sinabi niya noong naglalakbay sila papunta ng Daocheng.
"Iyon lang ang totoo sa mga sinabi ni Xian Mu. Ang batang iyon, dagdag-bawas ang pagkukuwento ng naging buhay ko noon. Pero baliwala na sa akin iyon dahil malaki ang pasasalamat ko kay Ming Jiangjun na siyang kumupkop sa akin." Tukoy niya sa ama ni Liu Xue.
BINABASA MO ANG
Unwritten Memories
Ficção HistóricaBL/Historical with 12 volumes. Si Yi Jian, isang modelo mula sa modernong panahon. Nasa photoshoot siya, sakay ng isang yate nang bigla ay bumagyo at inalon ang yateng sinasakyan niya. Nahulog siya sa karagatan at nang magising siya ay nasa isang hi...