Chapter 59

35 5 3
                                        

Chapter 59

HALOS isang buwan din siyang 'ikinulong' sa loob ng piitan. Sa totoo lang ay hindi niya masabi na talagang ikunulong siya dahil maayos ang naging trato sa kanya sa loob, nakakalabas pa siya sa kanyang piitan para makapaglakad at maensayo ang kanyang binti. Maraming pagkain ang dumarating sa kanya sa araw-araw na mismong ang emperador ang nagpapahanda at si Lie Feng ay sinisuguro na makakain siya sa tamang oras at makakainom ng kanyang gamot na habang tumatagal ay mas lalong pumapakla. May mga inihanda naman si Lie Feng na mga minatamis para pampalubag loob sa mapaklang gamot na iyon.

Ang mga pagkaing dumarating sa kanya ay hindi naman niya nauubos kaya kaysa naman masayang ay ipinamamahagi niya iyon sa mga presong nasa loob. Tuwang-tuwa ang mga ito sa bawat masasarap na pagkaing naibibigay niya at hiniling na sana ay magtagal pa siya sa loob kaya lang ay imposible na mangyari iyon dahil siguradong makakalabas din siya. Sa loob ng piitan ay nakilala niya ang isang matandang naroon.

Nakaagaw pansin sa kanya ang matanda, tumatanggi ito sa bawat pagkain na ipinamamahagi niya. Tahimik lang ito nakaupo at tanging tubig lang ang iniinom.

"Kosa, ibigay mo na lang sa amin ang pagkain niya. Kahit anong sarap ng pagkain ang ibigay mo sa kanya ay tatanggihan pa rin niya dahil sa isang linggo ay bibitayin na siya!" Pagbibigay impormasyon sa kanya ng isang matabang lalaki habang ngumunguya, tumalsik pa ang laway nito.

Napatango na lang si Dou Ji, sa huli ay binigay na lamang niya sa isang payat na lalaki ang pagkain. Nagreklamo naman ang matabang lalaki dahil ito ang nanghingi pagkatapos ay hindi binigay sa kanya.

"Ang sobrang nutrisyon sa katawan ay nakakasama din para sa 'yong kalusugan," nasabi na lang niya. Nagtawanan naman ang ibang preso at sinakyan ang biro niya. Nakisabay siya sa tawanan ng mga ito, malakas at halo-halo ang mga boses nila pero ang matandang nasa dulong selda ay hindi nagrereklamo sa ingay nila.

Kaya naman pinuntahan niya ito ulit, pinagmasdsn ang anyo ng matanda. Kulobot na ang mukha, mahaba ang balbas at tila may itim-itim na marka sa balat. Magkaganoon man ay hindi maikakaila na noong kabataan nito ay may magandang anyo ito. Maganda kasi ang hugis ng mukha at mata nito, matangos ang ilong at may manipis na labi. Dala ng kuryosidad ay tinanong niya ito kung bakit nasa loob ng piitan.

"Pinaslang ko ang anak na babae ng taong gumahasa sa anak ko kaya heto ako ngayon. Ipinakulong ako ng ama ng lalaking iyon." Ngumisi ito. "Ang taong iyon, anak pala siya ng opisyal ng palasyong ito kaya malakas ang loob na gumawa ng masama sa kanyang kapwa."

"Nasaan na ang taong iyon?" Kahit alam na ni Dou Ji ang kinahinatan ng taong iyon ay pinili pa rin niyang tanungin.

"Pinaslang ko rin siya. Ang mga opisyal na nagpakulong sa akin ay hindi pinakinggan ang sumbong ko at sinabihan pa akong nababaliw dahil hindi daw magagawa ng anak nito ang bintang ko. Hah, hindi patas ang mundong ito para sa mga katulad kong walang mataas na posisyon!"

Natahimik si Dou Ji. Ang huling sinabi nito, iyon din ang pananaw niya noong bata siya. Kaya nga nagsumikap siyang maabot ang posisyon niya.

"Ikaw, bakit ka nakulong? Ah, teka, mukhang hindi ka naman nakakulong dahil sobra-sobra ang pag-aasikaso sa 'yo ng mga tao sa labas."

"Katulad mo, pinaslang ko rin ang mag-ina ng taong naging dahilan ng kamatayan ng kaibigan ko." Natagpuan na lang ni Dou Ji ang sarili na nagkukuwento sa matanda.

Ito naman ang natahimik. Sumandal ito sa pader at tumingala sa puting kisame. "Ang mga presong narito sa loob, sa tingin mo ba ay talagang masama silang tao? Hindi lahat ng nasa loob ng kulungan ay masama, hindi rin lahat ng taong nasa labas at malaya ay mabuti. Lahat tayo ay may tinatagong sekreto." Saglit itong tumahimik. "Ang mga taong gumagawa ng mabuti sa kapwa ay may dahilan at ang ilang nakakagawa ng kasalanan ay may dahilan din pero hindi sabihin niyon ay tama ang ginawa nila. Kahit ano pang dahilan mo ay mali na pumaslang ng isang inosente para lang makaganti."

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon