Chapter 55

29 6 0
                                    

Chapter 55

SUNOD-SUNOD ang bawat hagupit ng latigo sa likod ni Dou Ji habang nasa harapan niya lang si Xian Mu. Nakangisi lang sa kanya habang pinapanood ang pagpapahirap sa kanya. Si Lie Feng na nasa gilid niya ay hawak pa rin ng mga kawal at pilit na kumakawala, isinisigaw nito ang pangalan niya habang pilit na sinasabing lumaban siya. Kung puwede nga lang siyang lumaban ay kanina pa niya ginawa.

"Hindi ka ba magmamakaawa sa akin para itigil na ni Liu Xue ang pagpapahirap sa 'yo?"

Napangisi si Dou Ji. "Wala pa sa isang daan ang paghahagupit na ginagawa niya sa likod ko. Gusto mong sumuko ako agad?" Nahihirapan niyang sabi.

Nasa kalahati pa lang ang pagpapahirap nito sa kanya pero ngayon pa lang ay ramdam na ramdam na niya ang hapdi ng bawat latay ng latigo. Hindi lang kasi basta simpleng latigo ang gamit nito, may mga tinik na nakakabit sa latigo na iyon. Nararamdaman din niya ang pag-agos ng dugo sa kanyang likod. Ang mga laman sa likod niya ay unti-unting nakikita, pakiramdam niya ay para siyang karne na unti-unting hinihiwa at kinukutkut ang bawat hibla ng laman. Napapangiwi na lang siya sa tuwing bumabaon sa kalamnan niya ang mga tinik, sinasadyang patagalin pagkatapos ay biglang bubunutin.

Hanggang sa umubo na siya ng dugo. Mas lalong ngumisi si Xian Mu. "Hindi ko akalain na makikita kitang nakaluhod ngayon sa harapan ko habang umuubo ng dugo. Kay tagal kong pinangarap na makita ang pagkakaton na ito. Hinding-hindi ko makakalimutan ang napakagadang tanawin na ito."

Pinilit ni Dou Ji ngumiti. "Tss, nakaluhod? Napilitan akong lumuhod dahil sa sugat na likha ng jiangjun mo. Kung nakikita mo man na nakaluhod ako, hindi ibig sabihin niyon ay tuluyan na akong nakaluhod sa harapan mo. Hindi pa nakalapat ang mga kamay at noo ko sa lupa kaya huwag kang masyadong masaya."

Napikon naman si Xian Mu sa sinabi niya. "Hah! Sisiguruduhin ko na lalapat ang mga kamay at noo mo sa lupa! Liu Xue! Huwag mo siyang tigilan hangga't hindi ko nakikitang tuluyan na siyang nakaluhod!"

Mas lalong lumakas ang paghupit ng latigo sa likod niya. Ang bawat tama ng latigo ay sakto sa mga malalalim niyang sugat. Minsan ay tumatama sa ulo at balikat niya pero titiisin niya lahat ng ito. Tatlongpong hagupit na lang ng latigo at matatapos na ito.

Kaya lang ay unti-unti nang nanlalabo ang paningin niya. Alam niya na anumang oras ay babagsak na siya pero sisiguruduhin niya na hindi babagsak ang kamay at noo niya. Hindi siya papayag na makuha ni Xian Mu ang gusto nitong makita. Malapit na siya sa sukdulan nang biglang may yumakap sa likod niya.

"Lie Feng!" tawag niya dito at pilit na inaalis ang kamay nito sa baywang. Pero hindi niya maalis iyon, mahigpit ang yakap nito sa kanya. "Bumitaw ka na. Madadamay ka sa hagupit ng latigo ni—"

"Ang sabi mo sa akin ay protektahan ko ang mga taong mahalaga sa akin. Mahalaga ka sa akin kaya kita pinoprotektahan. Hindi ko kayang makita na nahihirapan ka!"

"Lie Feng..." nasabi na lang niya pagkuway humigpit ang hawak sa kamay nito.

Patuloy pa rin sa paghagupit si Liu Xue sa kanila. Sa pagkakataon na ito ay si Lie Feng ang sumasalo ng bawat hagupit nito. Naririnig niya ang bawat pagdaing nito sa likod niya, ang kamay nitong mahigpit na nakayakap sa baywang niya ay nanlalamig at nanginginig.

Sa wakas ay natapos na rin ang isang daang hahupit ng latigo. Nakayakap pa rin sa kanya si Lie Feng. Si Liu Xue ay hingal na hingal matapos ang pagpaparusang ginawa sa kanila.

"Bakit huminto ka, Liu Xue? Hindi pa niya inilalapat ang kanyang mga kamay at ulo sa lupa!"

"Masyadong matigas ang ulo ni Dou Ji, kamahalan. Kahit anong gawin natin ay hinding-hindi niya gagawin iyon. Pero huwag kang mag-alala, nakaganti na tayo sa kanya. Hindi na siya kailanman makakalaban pa kung sakali mang gumaling siya."

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon