Chapter 114
ITINUKOD ni Lie Feng ang dulo ng espada sa lupa. Humihingal na napaupo siya at sinandal ang noo sa hawakan ng espada. Isang marahas na pananalakay ang biglang nangyari kanina. May nakita siyang isang kawal ng Chu, sinaksak ang isang matandang lalaki sa likod, may ilan pa itong pinaslang na naging dahilan ng kaguluhan ng mga tao. Marami pang kawal mula sa loob ng palasyo ang lumabas at walang habas na pinagpapaslang ang lahat ng makikitang nakatayo sa harapan ng mga ito.
Nang makita ni Lie Feng ang ginagawa ng mga kawal ng Chu ay hindi na siya nagdalawang-isip para sumugod. Sa totoo lang ay kadarating lang nila sa kapitolyo nang mangyari ang pananalakay. Nakahanda na ang pagbabalat-kayo niya bilang isang magngangalakal kasama sina Bei Yiqi at Jin Yao. Makikipagkita na sana sila kay Emperador Hen Hao na nauna nang nandito sa loob ng kapitolyo at nagpapanggap na isang pulubi pero nangyari nga ang hindi inaasahang pamamaslang.
Tuluyan nang nawala ang pagbabalat-kayo niya, ang mga kawal na kasama niya ay nakipaglaban na rin para protektahan ang mga inosenteng pinapaslang. Nakita niya ang emperador na napilitan na rin na lumabas at makipaglaban.
Sa ngayon ay kalahati sa hukbo na kasama niyang nandito sa kapitolyo ay namatay, silang nakaligtas, kasama ang ilang mga inosenteng mamamayan ng kapitolyo ay nagtungo sa isang gubat para doon bumuo ng iba pang plano kung paano makakapasok sa loob ng palasyo.
Napabuntong-hininga siya. Kung hindi sana nangyari ang trahedyang ito ay sa malamang masisiyahan siyang langhapin ang bagong basang damo at damhin ang malamig na hangin. Sumandal siya sa matigas na batong kinauupuan niya, sa ngayon ay malakas ang pag-ulan, maswerte lamang sila dahil mayabong ang mga punong nakapaligid sa kanila at matatag ang kwebang pinagkukublian nila kaya naman hindi sila nahihirapan.
"Lie Feng, ang nangyari ngayon ay nasisiguro kong utos mula sa hari." Mayamaya ay nilapitan siya ng emperador.
Napatango si Lie Feng. "Kailangan natin makapasok sa loob ng palasyo. Nalaman na ni Haring Kai ang ating plano na mas maaga sa inaasahan natin. Sina Yi Jian sa loob ay nasa panganib. Tiyak na hindi rin niya inaasahan ang pangyayaring ito." Hindi pa rin sila nakakakuha ng bibili ng asin mula sa loob ng palasyo. Kaya naman wala rin silang maipasok na espiya mula sa kanilang hanay.
Naupo sa tabi niya ang emperador. "Maganda sana ang plano ni Yi gege pero mas matalino at tuso si Haring Kai," nakuyom nito ang kamao. "Kahit ako ay hindi ko inakala na uubusin niya ang lahat ng tao sa kapitolyo para lang makasiguro na walang kawal ng kalaban ang makakapasok sa loob ng kanyang palasyo."
"Wala siyang pakialam sa mga tao. Ang tanging mahalaga lang sa kanya ay ang kanyang posisyon. Hindi siya karapat-dapat na maging hari, kailangan na niyang mawala."
Sumang-ayon ang emperador sa sinabi niya. Mayamaya ay napatingin si Lie Feng sa isang panig kung saan naroon si Bei wangye at tumutulong sa ilang mamamayan ng Chu na nakaligtas mula sa pagpatay. Kasama ito sa paghahanda ng pagpe-prepara ng pagkain hanggang sa pagbibigay sa mga tao, tumulong din ito sa ilang mga bata na umiiyak dahil natatakot na magpagamot sa manggagamot, pinapatahan ang mga ito at pinapalakas ang loob. Mayamaya ay inaya siya ni Emperador Hen Hao para lumabas sa kinaroroonang kweba.
"Lie Feng, may naisip akong plano kung paano makakapasok sa loob ng palasyo."
"Ano iyon?"
Magsasalita na sana si Hen Hao nang may lumapit sa kanila. "Emperador Hen Hao. Haring Lie Feng." Nagbigay-pugay ito sa kanila.
Nagkatinginan naman ang dalawa. Nagtataka kung paano sila nakilala nito.
"Sino ka?" Si Hen Hao ang nagtanong.
"Isa akong dating mamamayan ng kaharian ng Yu sa pamumuno ng dating Haring Fu Bai. Ako si Tian Chang at matutulungan ko kayo kung paano makakapasok sa loob ng palasyo."
BINABASA MO ANG
Unwritten Memories
Ficción históricaBL/Historical with 12 volumes. Si Yi Jian, isang modelo mula sa modernong panahon. Nasa photoshoot siya, sakay ng isang yate nang bigla ay bumagyo at inalon ang yateng sinasakyan niya. Nahulog siya sa karagatan at nang magising siya ay nasa isang hi...
