Chapter 51

40 5 0
                                        

Chapter 51

LAHAT ng mga pangangailangan ni Dou Ji ay ibinibigay ni Lao Liao sa kanya. Matagal nang naninilbihan sa kanya si Lao Liao, magmula nang dumating siya sa mansion ng kinilalang niyang ama na si dating Jiangjun na si Ming ay halos ito na ang nag-alaga sa kanya. Kaya naman nang niregaluhan siya ng ama ng mansion, ang Ji Manor ay hiniling niya rito kukunin niya si Lao Liao para manatili ito sa Ji Manor. Pumayag naman ito agad at heto na, itinuturing na rin niyang parang totoong ama ito. Bigla siyang napangiti, ang totoo niyan ay halos lahat ng nagiging malapit sa kanyang may edad na ay itinuturing niyang ama. Hindi masisi ni Dou Ji ang sarili dahil lumaki siyang walang kinikilalang ama-mali, meron man pero dapat ba niyang kilalanin ang taong iyon na siyang halos abusuhin siya at naging sanhi ng pagkamatay ng kanyang ina?

Napailing na lang siya. Mayamaya ay nakaramdam siya na may palapit kanya, mabilis niyang itinaas ang kamay at nasalo agad ang palipad na bola sa kanya. May mga batang lumapit sa kanya at tuwang-tuwa na nagawa nyang saluhin ang bola.

"Jiangjun! Ji Jiangjun!" Masayang tawag ng mga bata sa kanya, halos sabay-sabay na tinatawag ang pangalan niya.

Kung dati ay parang musika sa pandinig niya ang pagtawag sa kanya ng mga bata ngayon ay nangingilbot siya sa boses ng mga ito. Pakiramdam niya ay anumang oras ay kakainin siya ng mga ito ng buhay. Kaya naman ang bolang hawak niya ay itinapon niya sa malayo para hindi na makalapit ang mga bata sa kanya. Bigla naman napasimangot ang mga ito, may iba na umiyak. Pinili ni Dou Ji na tumalikod na lamang at pumasok sa loob ng tinutuluyan niyang tent. Kasabay ng pag-upo niya ay ang pagtakip niya sa kanyang tainga para hindi marinig ang pag-iyak ng mga bata sa labas.

"Anong ginagawa niyo rito? Hindi kayo maaaring manatili sa tinutuluyan ng jiangjun dahil kailangan niyang magpahinga. Sa ibang bakuran kayo maglaro, bilis!" Dumating si Lao Liao at pinaalis ang mga bata sa harapan ng tinutuluyan niya.

Nakahinga naman nang maluwag si Dou Ji nang mawala na ang mga bata.

"Jiangjun," tawag nito sa kanya matapos na ilapag ang tray ng pagkain sa lamesa. "Matagal ko nang napapansin ito. Magmula nang kunin mo ang abo nina Wenrou at Xiao Er at dalhin sa Haixian at nang bumalik ka rito kasama si Lao Gang ay may nag-iba sa 'yo. Hindi ka na nakikipaglapit sa mga bata, si Ouyang na madalas na kinatutuwaan mo noon dahil sa pagiging pursigido na maging tulad mo ay nilalayuan mo. Mahigpit din ang bilin mo na huwag na huwag magpapasok ng bata rito o ang makalapit sila sa 'yo. May nangyari ba na hindi namin nalalaman?"

Umiling si Dou Ji. "Marami lang akong iniisip at wala akong panahon ngayon para makipaglaro sa mga bata. Kung pababayaan ko silang makalapit sa akin ay hindi ko magagawa nang maayos ang mga trabahong kailangan na tapusin lalong-lalo na sa sitwasyon ngayon."

"Pero, Jiangjun, maayos na naisasagawa ang plano mong pag-iimbak ng mga pagkain at tubig, maayos din ang pagbabatay sa bawat hangganan ng Haixian, Qinghua at Zhuliu. Hindi lang ang katawan mo ang dapat na magpahinga kundi pati rin ang utak mo."

Napatango-tango na lang si Dou Ji. "Lao Liao, bakit nga pala hindi ko nakikita si Xiao Zhang?" Pag-iiba ng usapan ni Dou Ji.

Napabuntong-hininga naman si Lao Liao nang maramdaman ang pagbabago ng usapan. "Nasa Haixian siya ngayon kasama si Ouyang para puntahan si Lie Feng."

Napakurap si Dou Ji nang marinig ang pangalan ng binata. Naalala niya bigla ang paghampas niya ng latigo rito at ang pagsipa para lang mapilitan itong bumalik sa Han.

"Magmula nang hindi na bumalik rito si Lie Feng ay nagtutungo na ang dalawang iyon sa Haixian para dalhan ng pagkain ang binatang iyon." Tumingin ito sa kanya. "Matigas ang ulo niya, kahit na sinaktan mo na at ipinaramdam na wala siyang magiging silbi dito ay nananatili pa rin sa tabi mo."

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon